Paano dapat solusyonan ang basura sa Boracay?

November 03, 2018

NOONG nakaraang Oktubre 26, 2018 ay muli nang binuksan sa publiko ang isla ng Boracay. Ilang araw pa lamang mula nang binuksan ito ay kapansin-pansin agad ang dami ng basurang tila ba sumulpot na lamang sa isla. Bago isara ang Boracay sa publiko, umaabot sa 7 tonelada araw-araw ang nililikhang basura ng Boracay. Sa ganitong dami ng basura, mali ang isipin na ang basura ay bigla na lamang sumusulpot.

May pinangagalingan ang basura. Nanggagaling ito sa mga bagay na ating ginagamit. Pag gumamit tayo ng plastic bag, maya-maya’y may itatapon na tayong plastic bag sa basura. Pag gumamit tayo ng plastic straw, maya-maya’y itatapon na natin ito sa basura. Sa madaling salita, upang bawasan ang basurang tinatapon, kailangan natin bawasan ang paggamit sa mga bagay na madaling maging basura.

Ayon sa ilang mga ulat, nitong nagbukas ang Boracay, ay mayroon pa rin mga resorts, restaurants, at tindahan na gumagamit  ng single-use plastics. Ngunit ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda ang pagbabawal sa single-use plastics ay striktong ipatutupad mula Nobyembre 2. Ang pagbabawal sa paggamit ng single-use plastics sa Boracay ay ang tamang solusyon sa basura sa isla. Siguradong ilang araw pa lamang ng implementasyon ng polisiyang ito ay mapapansin natin na labis na mababawasan ang basurang inilalabas ng isla araw-araw. Sana’y sumunod ang iba pang mga isla at siyudad sa pagbabawal ng single-use plastics.

Upang maliwanagan muli kung bakit pagbabawas at pagbabawal ng paggamit ng plastik ang tamang solusyon sa problema ng basura, narito po ang aking kolum na isinulat noon na may pamagat na “Bawasan ang Paggamit ng Plastik.”

* * *

Noong nakaraang Abril 22 ay Earth Day. Ang unang Earth Day ay noong Abril 22, 1970. Ngunit ito ay naging mas malawakan at taunang selebrasyon lamang noong 1990. Ngayong taon ang tema ng selebrasyon ng Earth Day ay “End Plastic Pollution.”

Bakit kaya naisip ng Earth Day Network -- ang pinakamalaking network ng mga environmental organizations sa buong mundo -- na plastik ang maging tema ng selebrasyon ngayong taon?

Ito ay sa kadahilanang plastik ang isa sa pinakamalaking salot sa kalikasan ngayon. Sa katunayan, ang krisis ng polusyon ng plastik ay ang pinakamalalang krisis sa kalikasan ngayon. Hindi lamang sa ating kapaligiran nag-uumapaw ang plastik. Ang ating karagatan ay punong-puno na rin ng plastik. Ang mga katawang tubig ay magkakarugtong. Kung titingnan pa lang natin ang Ilog Pasig ay maiintindihan natin na ang basura dito ay umaabot sa ating mga karagatan.

Lingid sa ating kaalaman, kumakain tayo ng plastik. Bumabalik sa atin ang ginamit at itinapon natin na plastik. Paano? Subukan natin sundan ang “life cycle” ng plastik.

Halos lahat ng bilhin, kainin, at gamitin natin ay nababalutan parati ng plastic packaging. Pag bumili ka ng tubig, juice, prutas, gulay, biskwit, damit, kompyuter, o cell phone, mapapansin natin na parati itong nakabalot sa plastik. At kung hindi man ito nakabalot ng plastik ay gagamit pa din tayo ng plastik bag para sa mga ito. Pagkatapos natin bilhin, kainin, o gamitin ang mga ito, ano na ang mangyayari? Para hindi makalat, itatapon natin ang plastik sa basurahan.

Ang tawag sa ganitong klaseng plastik na isang gamitan lamang saka itatapon ay “single-use” plastics. Ang ilang halimbawa ng single-use plastics ay ang mga “sando” bags na ginagamit sa pamimili, plastic straw, plastik na kutsara’t tinidor, plastik na plato at baso, cling wraps na pinambabalot sa pagkain, at plastik na bote ng tubig, juice, o soft drink. Single-use plastics din ang mga selyo ng mga bote ng mga inumin, gamot, at shampoo. Ganon din ang mga bubble wraps na nakabalot sa cell phone o kahit na anong elektronikong gamit. Ang toothpaste, sachets, at panlinis ng tainga ay madalas gawa din sa plastik kaya ang mga ito rin ay isang halimbawa ng single-use plastics.

Ang mga ito ay tinawag na single-use dahil isang gamitan lang natin saka itatapon sa basurahan. Ngunit hindi sa basurahan ang huling hantungan ng mga plastik na ito.

Ayon sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000, ang koleksyon ng basura ay magmumula sa lebel ng barangay na dapat ay may kaniya-kaniyang MRF or materials recovery facility kung saan ihihiwalay ang mga nakolektang basura sa dalawang kategorya: compostable (nabubulok) at recyclable. Ang mga basurang hindi pasok sa kategoryang ito ay dinadala sa isang sanitary landfill, tulad ng Payatas dumpsite.

Ngunit hindi lang din sa tambakan ng basura o landfill ang huling hantungan ng plastik. Sa katunayan sa landfill nagsisimula ang matinding salot na dulot ng plastik.

Ang halo-halong basura sa mga landfill ay naglalabas ng mga nakalalason na kemikal sa hangin at sa tubig. Kapag inulan, maglalabas ito ng katas o leachate na makakarating sa groundwater o tubig sa ilalim ng lupa. Kapag nakaabot sa groundwater ang katas na ito, makakaabot din ito sa ating mga katawang tubig at karagatan. Ang leachate mula sa basura ay nagiging sanhi ng maruming tubig.

Ang ibang plastik na basura naman ay hindi na umaabot sa basurahan at landfill, kundi diretso sa mga katawang tubig tulad ng Ilog Pasig at mga karagatan kung saan lalo silang naghahasik ng panganib sa kalikasan at sa kalusugan ng tao. Halimbawa, nakakain ng mga isda at ibang nilalang sa dagat ang mga plastik na lumulutang sa dagat. Marami nang nadokumentong mga kaso kung saan ang mga patay na balyena, ibon, at pawikan ay nakitaan ng plastik sa loob ng tiyan. Isa pang halimbawa: dahil ang plastik ay hindi nabubulok at nadudurog lamang hanggang maging “microplastic,” nakakain ng isda ang mga plastik sa dagat. Ang mga microplastics na ito ay hindi ikinamamatay ng isda kundi ay naiipon lamang sa katawan nila. Ngayon, kapag nakain natin ang mga isda, ay nakakain din natin ang mga microplastics na ito.

Samakatwid, hindi sa landfill o dagat ang huling hantungan ng mga plastik na ginamit at itinapon natin, kundi sa atin. Bumabalik sa atin ang ating mga itinatapon.

Paano ngayon sosolusyunan ang problema ng plastik? Simple lang. Iwasang gumamit ng plastik. Kapag wala tayong ginamit na plastik, wala tayong itatapon na plastik.

Kaya naman ang panawagan noong Earth Day ay wakasan ang polusyon na dulot ng plastik. Magagawa lamang ito kung babawasan -- o mas mabuti, titigilan -- natin ang paggamit ng mga single-use plastics. Ang mga simpleng gawain tulad ng hindi paggamit ng plastic bag, plastic straw, at plastic utensils ay makatutulong na. Sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga single-use plastics ay maipaparating natin sa mga gumagawa ng plastik na ayaw na natin ng plastik sa ating buhay.

Sa susunod na tayo ay mamimili magdala na lamang tayo ng reusable bag o “eco-bag” na maaaring gamitin nang paulit-ulit at hindi kailangang itapon pagkatapos ng isang gamitan. Huwag na rin tayong gumamit ng straw kapag iinom.

Subukan natin magbawas ng plastik sa ating buhay. Gawin natin ang ilang maliliit na hakbang na ito para sa ating kalusugan at sa kalikasan.