Paalam idol Rico J. Puno!

November 03, 2018

HINDI pa sumikat ang kanta ni DJ Alvaro na ‘Maginoo Pero Bastos,’ ito na ang karakter ni Mr. Total Performer Rico J. Puno.

Sa mga nakapanood sa kanyang mga concert at performances, hindi lang sa galing at husay nitong kumanta tayo napapahanga ni Koriks na palayaw ni Rico J.

Pati sa green jokes nito at ‘kabastusan’ ay siguradong halos sumakit  ang ating tiyan  sa katatawa.

Natatandaan ko taong 2000, induction of officers ng Philippine National Police (PNP) Press Corps noon nang siya ay kunin para umawit. Ang PNP Press Corps ay samahan ng mga mamamahayag na nagko-cover sa Camp Crame na ang ilan ay miyembro rin ng Defense Press Corps sa Camp Aguinaldo.

Bukod kay Rico J., guest noon si business tycoon Lucio Tan.

Habang kumakanta, umikot si Rico J. sa audience na kalimitan niyang ginagawa sa mga concert. Lumapit ito sa ‘presidential table’ kung saan katabi ni Don Lucio si Senador Panfilo Lacson na hepe pa ng PNP noon.

Sa kalagitnaan ng kanta, bigla itong nag-adlib kay Lucio Tan na para raw itong may dinaramdam o ibig sabihin ay may sakit o karamdaman.

Kaagad nitong hinalikan sa pisngi ang bilyonaryong negosyante at sinabing ‘kahit tingin nati’y mukha nang lupa si Lucio Tan, mabango pa rin daw ito at hindi totoong amoy lupa ang matanda!’

Hagikhik sa tawanan ang mga taong nasa loob ng Century Seafood Restaurant kung saan ginawa ang naturang okasyon.

Bumaling ito kay Gen. Lacson. Kinantahan din niya si Ping.

Inamoy-amoy at sinabing hindi lang mukhang mabango si Ping kundi talagang mabango ang heneral sabay halik din sa pisngi ni Lacson.

Sa umpisa’y alam mong ‘napikon’ si Ping, pero nang makita niyang nag-enjoy ang lahat ng bisita, matamis na ngiti na lang ang isinukli ng heneral.

Aminado si Lacson na marami ang pinasaya ni Rico J.

“Rico J. Puno is gone. It may take a thousand years before another one is born, Or, maybe never,” ani Ping sa mensaheng ipinalabas nito nang lumabas ang balitang ‘patay’ na si RJP.

May isang hindi pa ako malimutang ‘performance’ ni Koriks nang maimbitahan itong kumanta sa Christmas party ng Senate media na inorganisa nina Senate President Juan Ponce Enrile, Senator Gringo Honasan at Senator Jinggoy Estrada taong 2005.

Wala talagang kupas ang mama. Mula sa malamig, pero husky voice, marami pa ring  pinakilig at pinahanga si Rico J. Ang tingin nga ng iba, may pagkakahawig daw ang boses ni Rico J. kay Lionel Ritchi pero higit na mas maganda at mas mataas ang boses ni Koriks kumpara sa banyagang mang-aawit.

Kapag si Rico J. na ang may hawak ng telepono, asahan na ang pagpapatawa o kabastusang usapan.

Sa kalagitnaan ng kanta ni Rico J. sa entablado ng World Trade Center kung saan ginanap ang Christmas Party, napadaan ang kapwa ‘performer’ na si Marissa Sanchez.

Sinabi ni Rico J. na nagpapasalamat siya sa kaibigang si  Senador Jinggoy sa pag-imbita sa kanya noong gabing iyon para kantahan ang mga mamamahayag ng Senado.

Sinabi nitong matagal na silang magkaibigan ni Jinggoy. Bilib daw siya sa senador dahil likas na mabait ito.

Pero mas lalo raw siyang bumilib noong gabing iyon dahil kaya raw pagsabayin ni Jinggoy ang dalawang babae sa  buhay nito sa iisang okasyon sabay turo kay Ma’am Precy Vitug Estrada, kabiyak ng senador; at kay Marissa Sanchez.

Tawanan ang lahat. Pati sina Senador Enrile at Honasan ay hagakhakan noong gabing iyon.

Kaagad binawi ni Rico J. ang nasabing joke dahil baka hindi raw siya bayaran ng mambabatas -- dahilan para magtawanan uli ang mga manonood.

Matalik na magkaibigan sina Ma’am Precy at Marissa Sanchez at alam niyang biro lamang iyon.  Si Marissa at Rico J. ang madalas naiimbita sa tuwing may okasyon ang pamilya Estrada.

Sa isang panayam, sinabi sa atin ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na matagal nang malapit sa kanilang pamilya si Rico J.

Inaanak ito ng dating Pangulong Ferdinand Marcos at si Koriks din ang katuwang noon ni Gov. Imee sa pagtaguyod ng Metro Manila Popular Music Festival o Metropop Music Festival na inorganisa ni Imee noong taong 1977, kasama ang journalist na si Teodoro Valencia.

Ang Metropop ay kompetisyon na inumpisahan noong 1977  para sa mga songwriter at singer sa bansa.

Dito unang nakilala ang pamosong kanta na ‘Anak’ ni Freddie Aguilar at dito rin napakinggan nang husto ang mga awitin at komposisyon nina National artist Ryan Cayabyab, Jose Marie Chan, George Canseco, Vehnee Saturno, Louie Ocampo, Pabs Dadivas, Gary Granada, Martin Nieverra, Kuh Ledesma, Odette Quesada, Rey Valera, Emil Sanglay, Marco Sison, Nonoy Zuniga, Ric Sigreto at marami pang iba.

Ang Metropop din ang nagdala kay Rico J. upang i-represent nito ang Pilipinas sa Tokyo Music Festival noong dekada ’70.

Ayon kay Imee, sa dami ng ‘minahal’ at ‘pinaibig’ ni Rico J., nanatili naman itong tapat sa pamilya Marcos dahil mula noon hanggang ngayon, si Koriks ay isang Marcos loyalist.

Si Imee ay tumatakbo ngayon sa pagka-senador.

Sa pagkakataong ito, gusto ko ring banggitin na pride ng Victorino Mapa High School (VMHS) si Rico J.

Produkto po ng ‘public school’ si Rico J. at ang eskuwelahang ito na nag-iisang ‘public school’ sa Mendiola, Manila ay binigyang karangalan ni Koriks dahil ipinakita nito sa madla na hindi hadlang ang kahirapan upang magtagumpay sa buhay.

Isa si Rico J. Puno sa pinarangalan ng Blue Falcon Award na pinakamataas na karangalang ibinibigay sa mga ‘outstanding alumni’ ng VMHS.

Bago sumikat, suma-sideline lang si Rico J., sa mga kasal, binyag, libing, birthday sa Sampaloc, Maynila. Kahit matindi ang impluwensiya ng mga ‘international pop artist,’ noon, hindi nagpatinag si Koriks para magbigay ambag sa ating OPM o Original Pilipino Music.

Tunay na malaking kawalan si Rico J. sa industriya ng showbiz at musika ng bansa.

Lingid sa kaalaman ng mga millenial ngayon, si Rico J. ang nagpauso sa salitang ‘baby’ na ‘term of endearment’ ng mga magkasintahang milenyo ngayon.  Wala pa ang pangalan Francis M. o Andrew E., si Repapips (pare) Koriks na ang nag-umpisa ng may initial sa apelido kaya nauso rin ang tawag sa kanya bilang Rico J.

Wala pa ang mga ‘stand up commedian’ noon, si Rico J. din ang nag-umpisa ng pang-aasar, pambubuska, pang-ookray at pagpapatawa sa kanyang mga performance.

Si Koriks din ang nagpauso ng bilingual na awitin kung saan ang isang kantang english ay naita-translate nito sa salitang tagalog ng pinasikat na awiting ‘The Way, We Were’ at ‘Together Forever.’

At kahit puro katatawanan ang pinaggagawa ni Rico J. sa kanyang mga performance, ang mga kanta’t awitin nito ay punung-puno ng laman, kabuluhan at tunay na aantig sa ating kamalayan.

Tulad sa ilang istansa ng kantang ‘Lupa’ na inawit ni Rico J, ang nakalagay dito ay:   “Nagmula sa lupa, magbabalik na kusa. Ang buhay mong sa lupa nagmula....’ Sa Mundo ay mayroong hanggang dahil tayo ay lupa lamang!’

Ilan pa sa pinasikat ni Rico J. ay ang ‘Macho Guwapito,’ ‘May Bukas Pa,’ ‘Sorry Na, Puwede Ba?’ ‘Magkasuyo Buong Gabi,’ ‘Kapalaran, ‘Buhat,’’ ‘ ‘Ang Tao’y Marupok,’ ‘Damdamin,’ at ‘Diyos ang Pag-ibig.’

Sa iyo Lodi Koriks, salamat sa iyong musika at salamat sa iyong pagpapatawa.

Basta ‘wag n’yo po kalimutan ang bilin ni Martin Nieverra sa iyo, behave ka riyan sa langit!