P25 wage increase, dapat bang ikagalit ng mga manggagawa?

November 07, 2018

ANG problema ng marami nating kababayan, hindi marunong magpasalamat sa maliit man o malaking biyayang dumarating sa kanila.

Totoong hindi malaki at kung susumahin ay hindi sapat ang P25 na wage increase na gustong mangyari ng Department of Labor and Employment sa mga mangggawa sa Metro Manila. Mula sa kasalukuyang P512, magiging P537 na ang arawang sahod.

Lilitaw na ang dating P12,288 monthly salary ay magiging P12,888 o karagdagang P600.

Hindi talaga ito malaki sa totoong buhay pero huwag din nating kalilimutan na galing nga ito sa “walang increase.” Ibig sabihin, kung hindi nagkaroon ng wage hike, zero ang dagdag at mananatili sa P12,288 ang sahod.

Ang pagtingin kasi ng ibang grupo ng manggagawa rito, half empty sa halip na half full. Sa totoo nga naman, kung ikukumpara sa inflation rate, hindi makatutugon ang P25, dahil tulad ng kanilang sinasabi, 30% lang ang kaya nitong sapuhin sa taas na presyo ng mga bilihin.

Babalik tayo sa doctrine of appreciation, ano ang mas maganda, iyong walang 30% na buffer o iyong mayroon?

Hindi natin ito dapat tingnan bilang kapritso lang ni Labor Secretary Bello. Ang P25 wage hike sa NCR at P10 to P20 sa mga regjon ay produkto ng pag-aaral ng mga wage board. Ibig sabihin, binalanse ang lahat ng anggulo bago nagkaroon ng desisyon kung magkano.

Tingnan din natin ang implikasyon kung halimbawang ibigay ang P100 hanggang P125 accross the board wage increase na panawagan ng labor groups.

Hindi lahat ng kompanya ay kayang magbigay ng P125 o mas mataas pa rito. For the sake of arguments, ipilit natin ang ganitong wage hike na isinisigaw ng mga manggagawa, magkakaroon naman ito ng negatibong impact sa buong labor force ng bansa.

Mapipilitan ang mga employer na magbawas ng produksiyon at magbabawas din ng mga empleyado. Ang mangyayari rito, busog ang iba, jobless naman ang iba.

Ganoon tayo palagi, kapag nanonood lang tayo ng basketball, parang alam natin lahat ang gagawin sa sobrang galing ng diskarte. Pero kapag ikaw na mismo ang naglalaro, hindi mo rin magagawa ang iyong imahinasyon na game plan dahil iba ang reyalidad.

Ganyan din kapag nasa DoLE ka at ikaw ang nagpapatakbo ng gobyerno. Makikita mo na lahat ang anggulo, matutuklasan mong iyong lakas ng isip mo ay hindi kaya ng lakas ng iyong katawan kaya babalik ka sa balancing act para hindi gumuho ang pinangangasiwaan mong estado.

Sa halip na magalit tayo sa P25 wage hike, mas mabuti sigurong ipagpasalamat natin ito dahil itong mga nakaraang araw naman ay bumaba na rin ang presyo ng mga bilihin.

Inuulit natin, hindi sapat ang P25 pero mas mabuti na ito kaysa sa wala.
allanpunglo@gmail.com