Oversupply ng korap at tiwaling lingkod-bayan

November 04, 2018

TAUN-TAON na lang, maraming gusali at istraktura na pag-aari ng gobyerno ang sinisira ng mga bagyo.

Hindi lang pera ni Juan dela Cruz ang nasasayang sa pagkasira ng mga government building at iba pang pasilidad.

Naaapektuhan din ang pagbibigay ng serbisyo sa taumbayan, lalo na sa mga mahihirap.

Kaya panahon na para magtayo tayo ng mga typhoon-resistant structure sa buong bansa.

Mas magastos ito pero mas makatitipid ang gobyerno kung hindi na gagastos sa pagre-repair ng mga gusali na sisirain ng bagyo.

Siguraduhin ding itatayo ang mga government building sa mga hindi flood-prone area.

Huwag nating sayangin ang hard-earned money ni Juan dela Cruz.

Tigilan na ang graft and corruption para mawala ang paggamit ng mga substandard na material sa mga proyekto ng pamahalaan.

Ang problema lang, meron pa rin tayong oversupply ng mga korap at tiwaling lingkod-bayan.

Tama ba kami, Pangulong Rody Duterte?

* * *

Marami ang nananalangin na sana makabuti sa bansa ang pagpasok ng militar sa Aduana.

Malalaman lang natin iyan pagkalipas ng ilang linggo o isang buwan.

Sakaling bumagsak ang koleksyon sa buwang ito ng Nobyembre ay nakakalungkot.

Mula pa kasi noong Pebrero ay buwan-buwan nang nalalampasan ng Bureau of Customs (BoC) ang monthly collection target.

Isa sa kinatatakutan nating problema pagpasok ng mga militar sa Aduana, baka balik sa “wait and see attitude” muna ang mga importer.

Ang ibig sabihin nito ay baka hindi muna mag-import ang ilang negosyante habang hindi pa nagno-normalize ang sitwasyon sa Aduana.

At sana hindi maantala ang paglabas sa pantalan ng mga Christmas item.

Siguradong tataas ang presyo ng mga produktong Pamasko kapag hindi agad nailabas ang mga imported Christmas items.

Kapag bumagsak ang koleksyon sa Nobyembre at Disyembre, baka hindi maabot ng BoC  ang assigned tax take sa taong ito.

Nakakapanghinayang naman.

Pahabol lang. Commissioner Jagger, paki tutukan mo ang port congestion. Isa ‘yan sa magiging dahilan ng pagbagsak ng koleksiyon.

* * *

Nakakaawa naman ang mga mahirap na  kakandidato sa May 13, 2019 election.

Ngayon pa lang, marami nang lumalapit sa kanila para humingi ng tulong.

Kung anu-anong tulong ang hinihingi ng mga ito.

Meron humihingi ng pambili ng gamot, bigas, pamasahe, pambayad sa kuryente o  tubig at pambili ng alak.

Madalas nga, nagtatago na lang ang kandidato.

Himutok nga nila, napakaaga daw ng paghahain ng certificate of candidacy (CoC).

Tama nga naman sila. Oo nga’t hindi naman sila mapipilit magbigay ng tulong, pero lagot naman sila pagdating ng halalan.

Siguradong hindi sila iboboto.

Ibang-iba na ang takbo ng pulitika sa bansa dahil sa pamimili ng boto sa maraming lugar.

Bawal ang vote-buying pero hindi daw pamimili ng boto ang ginagawa ng mga politiko kundi tumutulong lang sa mga nangangailangan.

Magandang palusot,’di ba COMELEC Chairman Sheriff Abas?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)