Over acting na si Sister Fox

November 02, 2018

PATAWARIN tayo ni Australian missionary Patricia Fox dahil iba na ang tingin ko sa kanya.

Masyado nang mahaba ang usapan kung dapat bang kanselahin na ang kanyang missionary visa o palawigin pa.

Sa tingjn ko, iyong haba ng tug-of-war sa isyung ito ay sapat nang paghinalaang nagpapagamit na siya sa mga kritiko ng administrasyon, lalo na iyong mga hindi makapaniwalang tinalo sila ni Mayor Duterte sa eleksiyon.

Hindi pa ako nakakakita ng misyonaryong sobrang gigil makapanatili sa kanyang host country hindi para ituloy ang misyon bagkus ay magamit siya ng mga grupong gustong magpabagsak sa gobyerno.

Over acting na ang tingin natin sa ginagawa ni Sister dahil unang-una, hindi naman talaga misyon ng pagtulong at pagpapalaganap ng salita ng Diyos ang kanyang ginagawa. Mas marami pa siyang dinadaluhang kilos-protesta at anti-Duterte symposium kaysa magmisyon sa mga mahihirap.

Huwag nating kalilimutan ang visa na ipinagkakaloob ng isang bansa ay hindi karapatan bagkus ay conditional privilege. Ibig sabihin, puwede itong bawiin, kanselahin at ipawalang bisa ng issuing country nang walang pakialam ang nabigyan.

Sa isyu ni Sister, kung hindi sana siya nakita sa mga anti-government rally, maraming Pinoy ang susuporta sa kanyang misyon para ipaglaban ang kanyang visa.

Ang problema, iyong naririnig mong nag-iingay para kay Sister ay sila mismong mga taong gigil na gigil na patalsikin si Duterte.

Ang totoo, mas mahilig pa sa pamumulitika ang ibang alagad ng simbahan, lalo na’t natalo ang kandidato nila.

Parang iyong isang pari sa simbahan namin sa Our Lady of Annunciation Parish. Wala kasi iyong parish priest na si Father Jun de Peralta kaya kung sinu-sinong pari ang humahalili.

Matapos magturo ng mabuting salita at aral Diyos ng paring nagmisa nitong Sunday, akalain mong manawagan sa parishioners na huwag iboto ang mga kandidatong may kaso.

Buwenas pa rin siya dahil wala akong hawak na mikropono dahil kung nagkataon, ibabalik ko sa kanya ang aral ng Bibliya na huwag kang humusga para hindi ka mahusgahan.

Hindi nakapagtatakang malaking bahagi ng mga Katoliko ay nagkusa nang umalis dahil sa mga alagad ng simbahang walang magawang mabuti para sa kanilang kawan.

Ganyan din si Sister Patricia, isinasangkalan ang pagiging misyunaryo para ipaglaban ang kanyang pananatili sa bansa katuwang ng mga kritiko ng administrasyon.

Maghintay na lang kayo ng 2022 at umasang manalo ang inyong kandidato para lahat ng kapritso nyo ay inyong magawa.

Dapat lang talaga kay Sister ay ipa-deport na, balik na lang siya sa kampanyahan sa 2022 kapag ready na ang kandidato niya.

allanpunglo@gmail.com