6,069

Noynoy, kinasuhan ng Ombudsman para maabsuwelto!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 267

Hala bira!

SA July 28, matatapos na ang pitong taong termino ni Madame Conchita Carpio Morales bilang Ombudsman.

Ito na ang huling hibla ng pangkat ng dilaw na nagbigay ng proteksiyon sa mga kapartido nilang sangkot sa pork barrel scam at iba pang katiwalian.

Pero nitong nakaraang araw lang, nagpaputok ng kwitis ang Ombudsman sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso sa ulo ng dilaw na si Noynoy Aquino. Kasama pa sa kinasuhan si Butch Abad na dating Budget secretary rin ng Aquino government at ng LP.

Ang kaso ay usurpation of authority/function dahil sa paglikom ng P147 billion pondo ng gobyerno para gawing Disbursement Acceleration Program o DAP.

Noong kainitan ng isyung ito, nabunyag na ang bahagi pala ng DAP ay ipinangsuhol sa mga senador at congressmen para ma-impeach at kalaunan ay ma-convict si yumaong Chief Justice Renato Corona.

Iyong iba, ginamit sa stem cell funds! Hayup!

Marami ang natutuwa sa development na ito. Pero kung inyong lalaliman ang pagtingin, walang dapat ikatuwa.

Kung inyong titingnan, hindi puwedeng kasuhan ng usurpation of authority si Noynoy mula 2010 hanggang 2016 dahil siya ang Pangulo. Ibig sabihin, buhay at active ang kanyang authority sa mga panahong ginawa niya ang DAP kaya malabo ang kasong usurpation of authority.

Batay sa mga balita, kung sakaling ma-convict sina Noynoy at Abad, ang maximum penalty rito ay 6 months jail term. Ibig sabihin, puwede itong probationary, puwede silang hindi na makulong kahit isang oras. May penalty clause ang conviction na P1,000.

Dito tayo makakakita na convicted na, sisipul-sipol pa paglabas ng korte!

Sa tingin ko, higit pa sa conviction, ang layunin talaga ng pagsasampa ng kaso kina Noynoy at Abad ay para maabsuwelto ito kalaunan.

Mukhang ang game plan ng dilaw ay sampahan ng mahinang kaso si Noynoy bago matapos ang termino ni Morales para mapawalang sala ito.

Kung istriktong legal na batayan ang pag-uusapan, plunder ang dapat ikaso kina Noynoy at Abad. Higit pa sa technical malversation at juggling of funds ang kanilang ginawa.

Saan ka naman nakakita na sa kalagitnaan ng taon ay kukunin ang pondo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tapos ay idedeklarang savings? Ang national budget na nakapaloob sa General Appropriations Act ay nakalaan o pogrammed funds na ito. Hindi mo ito puwedeng galawin at ilipat kung saan-saan kung walang legislative process ng Senado at ng Kongreso.

At siya nga pala, ang fiscal year ng bansa kada taon ay natatapos tuwing December 21. Hindi po December 31 tulad ng paniniwala ng iba.

Ibig sabihin, maaari mo lamang ideklarang savings ang hindi nagamit na pondo sa unang linggo ng kasunod na taon. Dahil sa DAP, maraming government projects and programs ang hindi naipatupad dahil nga ginawa nina Noynoy at Abad.

Ang DAP ang pinakamalaking government fund robbery na nangyari sa ating bansa tapos sasampahan mo lamang ng jaywalking ang may kagagawan?

Isang malaking hamon sa susunod na Ombudsman para sampahan ng kasong plunder ang mga arkitekto ng DAP.