6,080

Noynoy Aquino for senator?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 558

MAY ilang grupo sa Liberal Party ang nag-uudyok kay dating Pangulong Noynoy Aquino na tumakbo sa pagka-senador ngayong darating na 2019 mid-term elections.

Kung sakaling totoo ang impormasyong ito, masyadong mabigat ang tatahaking sitwasyon ng LP.

Una, walang makasisiguro kung mananalo si Noynoy sa darating na eleksiyon.

Bagaman marami pa rin supporters ang mga Aquino, takot na takot lumantad ang mga ito dahil baka balikan sila ng Duterte administration.

’Ika nga, iniwan sila sa ere ng mga dati nilang kasamahan.

Kung dati’y pinakamalaki at makapangyarihang partido sa bansa ang LP, ngayo’y para na lang silang basahan sa usapin ng paramihang miyembro hindi lamang sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso, kundi kakaunti na lang din halos ang kanilang mga miyembro mula sa lokal na pamahalaan.
    
Paano kung matalo si Noy? Eh di lalo lang magmumukhang katawa-tawa ang pamilya Aquino.
    
Magiging kahiya-hiya lalo ang pangalang Aquino sa kasaysayan ng bansa, samantalang ang pamilya Marcos ay lalo pang tinatanggap ng taumbayan.
    
Lalo pa’t may nakaambang kaso sa kanya kaugnay sa Dengvaxia scandal at ang nakabinbin ngayong asunto na Mamasapano massacre. Isa yata ito sa pangunahing misyon ni PNP chief Director General Oscar Albayalde kung paano arestuhin sina Aquino at dating PNP chief Alan Purisima dahil sa SAF 44 tragedy -- sakaling maglabas ng desisyon at sila’y ipaaresto ng hukuman.
    
Ikalawang problema rito ay isang Aquino rin ang nakatakdang tumakbo sa susunod na taon na walang iba kundi si reelectionist Senator Bam Aquino.
    
Sad to say, si Bam ang  nag-iisang pambato ngayon ng partidong kulay Hepa. At kung dalawang Aquino ang tatakbo sa pagka-senador, malamang ang pagkakabasura sa bilangan sa balota!
    
Ang malungkot pa rito, hanggang ngayon ay hirap makakuha ng kanilang ipanlalaban sa senatorial elections ang LP nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan.
    
Suwerte nang makabuo sila ng Magic 12 sa susunod na halalan, pero malabo pa sa sabaw ng pusit at dinuguan kung kaya nilang magpanalo ng kahit isa o dalawang kandidato.
    
Bukod kay Bam kasi, wala pang malinaw na kandidato ang LP na may ‘winnability’ sa inaabangang halalan.
    
Pinapaugong na ng partido ‘hepatitis’ ang pangalan nina Ifugao Rep. Teddy Baguilat, LP vice-president for internal affairs, at si dating Quezon province Rep. Erin Tañada. Ngunit pansining mabuti, hanggang ngayon, hindi ganoon kabigat ang kanilang pangalan sa sambayanan.
    
Nariyan pa si Magdalo Rep. Gary Alejano na hindi miyembro ng LP, pero mistulang ‘attack dog’ ng dilawan, kasama ang ga-graduate sa Senado na si Senador Antonio Trillanes.
    
Ang paniwala ng LP, mayroon silang malaking koalisyon sa susunod na halalan, bagaman ngayon pa lang ay kakarampot ang pinalulutang nilang pangalan. Parang sila na lang ang hindi nakakaalam na kukuluntoy na lang ang kanilang bilang.
    
Wala ring malinaw na tugon kung tatakbo ba para senador si Mar Roxas na nilampaso ni Digong noong nagdaang presidential elections.
    
Ang catch dito, hindi lang si Noynoy Aquino ang posibleng matalo sa eleksiyon kung tatakbo nga ito, dahil kahit ang pinsang si Bam ay mahihirapan ding makabalik sa Senado.
    
Masyado kasing masikip ang 2019 senatorial elections. Lalo’t may iba pang reelectionists ang mas maugong ang pangalan kaysa sa kanya.
    
Una na rito si Pimentel na presidente mismo ng PDP-Laban na partidong kinaaniban ng Pangulong Duterte.
    
Ang lima pang reelectionist senators ay sina Grace Poe, Nancy Binay, JV Ejercito, Sonny Angara at Cynthia Villar.
    
Bagaman hindi sila PDP Laban members, magkakaroon ng matibay na koalisyon sa hanay ng administrasyon dahil tuloy ang pakikipag-alyansa ng Nacionalista Party (NP) sa PDP at siyempre ang Nationalist People’s Coalition (NPC) na kinaaaniban naman ni incoming Senate President Tito Sotto.
    
May mga mauugong pang ‘comebacking senator’ tulad ni dating Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada na ipinakulong ng mga Aquino dahil sa pork barrel scam.
    
Kung anong ingay at ‘winnability’ ni Jinggoy, halos hindi naman marinig ang pangalan ni dating Senador TG Guingona na kaalyado rin ng mga Aquino at nagpaplano rin daw bumalik sa Senado sa susunod na taon.
    
Eh paano pa kung i-endorso mismo ni Digong sina Special Assistant to the President Bong Go, dating PNP chief Ronald Bato dela Rosa, dating MMDA chairman Francis Tolentino, Davao Rep. Karlo Nograles, Maguindanao Rep. Dong Mangudadatu, Bataan Rep. Geraldine Roman?
    
Labas pa rito ang pinalulutang na pangalan ni PDP-Laban secretary general Speaker Pantaleon Alvarez na sina Negros Occidental 3rd District Representative Albee Benitez at House Majority Leader Rodolfo Fariñas.
    
Ang dapat ding abangan ng lahat ay ang pagbabalik sa Senado ni Senador Pia Cayetano dahil maugong din ang usapan na tatakbo rin para senador si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
    
Si Pia ay ate ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano at si Imee naman ay ate ni dating senador Bongbong Marcos.
    
Kapwa miyembro ng NP sina Alan at Bongbong (KBL), pero pareho silang tumakbo sa pagka-bise presidente noong nagdaang presidential elections at tinalo (dahil sa daya?) ni Vice-President Leni Robredo ng LP.
    
Sabi ng isang taga-DDS (Duterte Diehard Supporters), malamang ang pagbabalik sa Senado ng apelyidong Cayetano, Marcos at Estrada.
    
Pero ang apelyidong Aquino ay baka pulutin sa kangkungan dahil hanggang ngayon nagmumulto ang trahedya ng Mamasapano massacre at ang Dengvaxia scam na umabot na sa 26 (tumataas pa ang bilang) na bata ang namatay dahil sa bakuna na minadali na nga ang paglabas ng P3.5 billion ay naging pabaya pa ang nakalipas na administrasyong Aquino.
    
Ang ikinaiinis ng taumbayan, hanggang walang bahid ng pagsisisi at paghingi ng paumanhin sa isyu ng Mamasapano, gayundin sa Dengvaxia tragedy na isang tunay na EJK as in Extra-Judicial Killing!