Nasyonalisasyon sa Pagmimina

September 23, 2018

NAPAPANAHON na upang aralin, at kung makakabuti, ipatupad agad sa lalong madaling panahon ang nasyonalisasyon ng pagmimina sa 8.5 milyon hektaryang lupain sa buong Pilipinas na  may mineral deposits.  Magtatayo ang pamahalaan ng isang Mining Corp na eksklusibong magmimina dito. 

Kailangan bigyan ng kapital ang korporasyon ito para makabili ng mga modernong gamit sa pagmimina, mapasweldo ng tama ang mga minero, masakop ng SSS at PhilHealth at Pag-IBIG at mabigyan ng dagdag na insentibo kapag kumita ng malaki ang korporasyon sa pamamagitan ng dibidendo mula sa shares  of stock na  pawang mga empleyado lamang ng korporasyon ang magmanay-ari nito.  Masusubaybayan nang husto ang  “future use” plan ng lupain na tapos ng pagminahan. At maaari pang magkaroon ng mga processing plant ang korporasyon para sa Pilipinas na linisin, kinisin at dalisayin ang mga mineral para maalis ang  “impurities” nito at mabenta sa mas malaking halaga. Ang daming magkakatrabaho,  ang daming makikinabang sa  parallel Economic activities nito.  Hindi na natin kailangan mangutang sa China at Japan para makapagpatayo ng imprastruktura tulad ng kalsada, tulay, paliparan, riles at pier. 

Isa itong radikal na mungkahi nila Erika M. Rey at Ricardo M. Saturay  Jr. na nagsulat ng Small Scale Mining in the Philippines: Towards Genuine National Development  na na-ipost nuong Pebrero 2015 sa AGHAM  (Advocates of Science and Technology for the People)  na nasyonalisasyon ng pagmimina ang sagot para maging moderno ang sektor ng pagmimina at ng tunay na mapakinabangan at mahango sa kahirapan, una na ang mga minero at pangalawa ang bawat Pilipino dahil ang ating ekonomiya ay tiyak na sisigla at lalago dahil  ang mga US900 bilyon halaga ng  mga mineral na pagpapalang bigay sa atin ng Diyos ay magiging pera na papasok sa merkado.   

Ang mga malalaking kumpanya ng pagmimina ay malamang tututol dito. Puede naman manatili sila sa 500,000 hektarya ngunit  para sa nalalabing 8.5 milyon hektarya, tanging kumpanya lang ng pamahalaan nasyonal ang magmimina.  Hindi naman bago ang istratehiyang  ito, nagawa na ito ng China at Australia at kayang gawin din ito sa Pilipinas. Kung nagawang pagbayarin ng utang na  P6 Bilyon si Lucio Tan ng Pangulong Duterte, makakaya rin mag-utos ng Pangulo ng nasyonalisasyon sa pagmimina. 

Ipinapakita ng land slide na dulot ng Bagyong Ompong na naglibing ng mga nakatira sa bunkhouses ng Benguet Corp, isang malaking large scale mining operator sa Bgy. Ucab, Itogon, Benguet. Mahigit 35 na ang bilang ng mga minero at miyembro ng kanilang pamilya ang natabunan  ng putik na umuho mula sa kabundukan.

Hindi ako naniniwala na ang pagbabawal ng pagmimina na siyang panawagan ng environmentalists tulad ni dating Kalihim ng DENR  ang pinakamainam na solusyon.  Sa 30 milyon hektaryang lupain ng Pilipinas, 30% nito o 9 milyon hektarya ay may naka-depositong mahahalagang mineral tulad ng ginto, nickle, copper at chromite. 500,000 hektarya lang ang may DENR mining  permit. Tinatayang US900 Bilyon ang halaga ng kayang minahin sa 9 milyon hektaryang ito.  US1.4 Bilyon ang pumasok na puhunan sa sektor ng pagmimina  nung 2004 at tinatayang lolobo pa ito.  Halos US10.1 Bilyon ang kinita sa pagluluwas o export ng mga produktong mineral.  Mayroon 149,000 empleyado sa large scale mining samantalang 300,000 tao ang nasa small scale mining. 

Ang Pilipinas, bagamat walang langis, ay napaka-mayaman sa mineral subalit ang mga minero , noon hanggang ngayon, ay patuloy na naghihikahos sa buhay.   Tayo  ang  ika-3 na may pinakamalaking deposito ng ginto sa buong daigdig, pang apat sa copper, pang lima sa nickel at pang anim sa chromite.

Kung aayusin lang ang sektor ng pagmimina, maraming Pilipino ang makakaahon sa kahirapan. Ganyan ang nangyari sa Australia at sana ay  mangyari din sa Pilipinas. 

Puede naman mag-kasabay ang responsibleng pagmimina at ang pangangalaga ng kalikasan. Siyempre kapag magmina ka, titinagin mo ang lupa para magbungkal at makalkal ang mga mineral. Hindi na maibabalik sa dating anyo ang lupain. Kaya naman napakahigpit ng People‘s small scale mining Act of 1991 o Batas Republika 7076 at PH Mining Act of 1995 o Batas Republika 7942 at DENR  Admin Order 96-40 na naglalaman ng IRR ng batas na ito sa kahalagahan ng “future use” land plan,  ang pagpaplano kung ano ang bagong paggagamitan ng lupa. Maaaring  rehabilitasyon o pagtatanim ng mga puno at halaman, pagpapatibay at pagsusuhay ng mga burol na pinagminahan o di naman kaya ay aquaculture ang maging bagong gamit ng lupang tapos nang pag minahan.  Hinihikayat din ang mga minero na sumapi sa isang kooperatiba para sa  small scale mining, ang pagmimina na hindi maa-aring gumamit ng mga heavy mining equipment at mga dinamita at iba pang pang pasabog. 

Ang mga Multi-partite Monitoring Team ang susubaybay sa pagpapatupad ng planong ito.

Ang sector ng pagmimina ay nagbibigay ng trabaho sa 149,000 tao para sa large scale mining at 300,000 tao sa small scale mining.  Walang yumaman sa kanila.  Sa pamamagitan ng nasyonalisasyon, aahon sa kahirapan ang halos 500,000 tao sa sektor na ito. 

Sa kabila ng dalawang batas na ito, nangyari pa rin ang Bgy. Ucad landslide.  Mahihirap pa rin ang mga minero ng bansa.  Napapanahon ang nasyonalisasyon ng pagmimina.  Iyon nakatagong P50 Bilyon ng House of Representatives ay pwedeng gamitin na kapital ng bagong National Mining Corporation.