5,590

Nasagip ang relasyong Pilipinas at Kuwait para sa OFWs

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 181

PALAGI namang maganda ang intensiyon ng estado kapag nagsagawa ng rescue sa kanyang mga kababayang may problema sa ibang bansa.

Itong viral video na pag-rescue ng Philippine officials sa OFWs sa Kuwait ay isa sa mga masamang ehemplo sa umaayos sanang relasyon ng Pilipinas sa naturang bansa.

Sinasabi ni OWWA Deputy Chief Arnel Ignacio na properly coordinated naman sa Kuwaiti police at Interior Minister ang mga pagkilos ng Philippine Embassy pero tama rin siya na hindi na ito dapat ipinakalat sa social media.

Ang salitang rescue kasi ay mapanlinlang na kataga na kapag hindi tama ang kilos ay magkakaroon ng masamang konotasyon. Una, tanggap nating lahat na kailangang maibalik sa bansa ang OFWs na biktima ng kalupitan, pagmamaltrato at kalapastanganan ng kanilang mga amo.

Wala tayong pagdedebatihan na sila ay mga biktima na kailangan ng tulong ng gobyerno. Pero huwag din nating kalilimutan na nagpapakita na ng magandang loob ang Kuwaiti government sa pamamagitan ng mas malawak na amnesty, agresibong pagdemanda at paghatol sa mag-asawang pumatay sa kababayan nating si Demafelis.

At ang ultimate goodwill ay ang pagyuko ng kanilang gobyerno sa total ban ni Pangulong Duterte na makapagpadala ng OFWs sa Kuwait dahil sa insidente.

Nagkakaroon na ng linaw ang mga kasunduan na magbibigay ng makataong pagtrato sa ating mga kababayan.

Sa tingin natin ay nagkaroon ng pagkukulang si Philippine Ambassador to Kuwait Renato Pedro Villa sa kanyang posisyon dahil siya dapat ang lookout sa pag-rescue sa ating mga kababayan.

Okey lamang naman mag-video ng pag-rescue pero para lamang dapat ito sa official documentation at government official file. Hindi dapat ito inilalabas dahil unang-una, pag-insulto ito sa Kuwaiti government na nagpapakita na ng kagandahang loob sa atin.

Natutuwa tayo na pumasok na sa eksena si Pangulong Duterte para ayusin ang gusot na nilikha ng viral video.

Nauna nang nakipagpulong si Foreign Affairs Secretary Alan Perer Cayetano sa Kuwait officials kaugnay ng kontrobersiya.

Sa bandang huli, ang dalawang bansa ang makikinabang sa pagkakasundo dahil pareho silang may kailangan sa isa’t isa.

Mahirap sa mga Kuwaiti working class ang walang domestic helpers dahil hindi sila makapaghahanapbubay samantalang sa kabilang banda naman, mahirap din na mawalan ng pagkakakitaan ang OFWs.

Ang pagpapakita ng Kuwaiti gov’t na handa silang sumunod sa kasunduan para matapos na ang deployment ban ni Pangulong Duterte at senyales na dapat din tayong rumespeto sa kanilang mga polisiya.

Gamitin natin ang pagkakataong ito para makapulot ng aral sa mga future action ng ating mga embahada sa iba’t ibang bansa dahil malalagay sa masamang sitwasyon ang OFWs natin kapag ang ating kilos ay nagresulta sa galit ng host countries.

Sabi nga, all is well that ends well.

Mabuhay ang relasyong Pilipinas at Kuwait para sa biyaya ng ating OFWs.
This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.