5,079 guests

Nasaan ang utak ni Mocha?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 154

'Uncovered'

BATBAT ng intriga si Assistant Secretary Mocha Uson ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO).

Mula sa mga dating kapalpakan sa pag-post ng maling istorya at larawan sa government owned na Philippine News Agency (PNA) at pagse-selfie sa isang Mosque sa Marawi City, eto’t laman na naman ng usapan ang dating singer na paseksing kumanta’t gumalaw.

Kamakailan, mismong mga miyembro ng Malacañang Press Corps (MPC) ang kinalaban ni Mocha.

Nag-ugat ito sa ipinadalang ‘memo’ ni Uson sa boss niyang si Press Sec. Martin Andanar para huwag daw isama bilang miyembro ng  MPC ang Rappler online sa kadahilanang wala itong diyaryo, radyo o telebisyon.

Katwiran ni Mocha, ang mga online news site na may diyaryo, radyo o telebisyon lamang dapat ang kilalanin bilang bahagi ng ‘mainstream media.’

Pinersonal pa niya ang ‘lady reporter’ ng Rappler na si Pia Ranada na siguro’y naging ‘kritikal’ sa mga inilalabas na istorya laban kay Mocha o kay Pangulong Rodrigo Duterte.
    
Bilang tugon, sumagot ang MPC sa paglabas ng pahayag na bilang isang lehitimong samahan ng mga mamamahayag, wala sa hurisdiksiyon ng Malakanyang ang mag-accredit ng kanilang miyembro.
    
Sa kabilang dako, umani rin ng batikos at panlalait ang ipinadalang ‘memo’ ni Mocha. Una, mali na nga ang ‘content’ at layunin nito na ipatanggal bilang miyembro ng MPC si Ranada at Rappler online, mali-mali rin ang ispeling at grammar na ginamit nito.
    
Isa sa nakatutuwang (o nakaiinis?)  spelling ni Mocha na isang ‘highest government official’ (at pinapasuweldo ng taumbayan) ay nang sabihin niyang Malacanan Press Corp., sa halip na Malacanan Press Corps.
    
Dahil sa kalatas ng MPC, muling bumuwelta si Mocha at ipinahanap ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng MPC.
    
Hindi ko alam kung nagpa-power trip lang ba si Mocha o talagang hindi nito alam ang ginagawa bilang assistant secretary ng PCOO.
    
Marami nang insidente na ‘nababatikos’ ng MPC ang ilang Cabinet secretaries, lalo na ang mga nakalipas na Press secretaries, gayundin ang isang Presidente ng bansa, pero hindi dumating sa punto na humantong ang usapan sa ‘accreditation’ at hanapan ng SEC registration.
    
Para ano?
    
Para sakaling walang maipakitang SEC registration ang MPC ay sabihin niyang ‘hao shao’ ang nasabing samahan? Bakit, ’yun bang ‘sex blogging site’ ni Mocha ay may SEC registration din?
    
Para sa kaalaman ni Uson, ang MPC, tulad ng Palasyo ng Malakanyang at mga naging presidente ng Pilipinas ay isa nang institusyon. Bahagi na sila sa kasaysayan ng bansa at hindi basta kasaysayan, kundi makabuluhang kasaysayan na may mahalagang naiambag sa ating bayan.
    
Noong nakalipas na June, sinibak bilang ‘anchor’ ng DZRH si Mocha. Ito’y matapos atakihin sa ere si Vice-President Leni Robredo na masyado nang ‘below the belt’.
    
Maigi at naging maagap ang DZRH management at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) para ipatupad ng ‘indefinite suspension’ ng programa ni Mocha na masyadong ‘unethical’ sa larangan ng broadcast media.
    
Sa isang pagdinig sa Senado, bukod sa hindi makalimutang pahayag na ‘right against self discrimination’ na pinalitan agad na ‘right against self incrimination’ ay binara ni Senadora Nancy Binay si Mocha sa pagsasabing dapat ay mamili agad ito ng inaakala niyang propesyon -- ang maging assistant secretary ba o maging blogger.
    
Walang duda na nasa limang milyon na ang ‘followers’ ni Mocha sa kanyang blogging site. Pero ’wag sana niyang kalimutan na lumobo ang kanyang followers hindi dahil sa matalas at matalino niyang komento sa mga nangyayari sa lipunan at pamahalaan.
    
Lumaki ang bilang ng kanyang followers dahil ang kanyang blog ay tumatalakay sa usapin ng sex, kahalayan at kabastusan.
    
Ibig sabihin, wala sa tamang ‘standard’ ng pamamahayag ang ugat ng kanyang blog. Nadagdagan lamang lalo ang kanyang ‘followers’ dahil na rin sa mga botanteng naniniwala sa kakayahan ni Duterte para maging Pangulo ng bansa.
    
Nagbunga ang pagiging panatiko ni Mocha bilang die-hard Duterte fan. Kaya nga mula sa MTRCB ay binigyan siya ng puwesto ngayon sa PCOO.
    
Ang problema lang, ang lahat ng ideya, istilo at pag-uugali nito ay hindi angkop bilang PCOO official.
    
’Wag sanang kalimutan ni Mocha na pera ng taumbayan ang ipinapasuweldo sa kanya buwan-buwan. Dapat alam niya ang kanyang responsibilidad. ’Ika ‘nga, with great power, comes great responsibility.
    
Palagi na lang binabatikos ni Mocha ang mga mainstream media. Iyong tingin niyang sila lamang mga blogger ang magaling mag-ulat sa taumbayan kahit pa nga ang karamihan sa mga inilalabas nilang mensahe ay palpak, peke o bahagi ng ‘fake news.’
    
Dapat, hindi magkaroon ng argumento kung ano ang ipinag-iba ng mainstream media sa bloggers dahil unang-una, kaming mga nasa radyo, dyaryo at telebisyon ay may mga ‘boss’ at ‘editor.’ Samantalang sila, sariling opinyon lamang nila ang kayang-kaya nilang ilathala -- kahit sabihin nating bastos, walang laman, banban ang kanilang ipinahahayag.
    
Isa pa, hindi ba mainstream media rin ang DZRH? Bakit siya nag-programa roon?
    
Itanim sana sa kukote ni Mocha na hindi pa siya tao ay bahagi na ng estado ang mga mainstream media. Kaya nga ang tawag sa amin ay ika-4th Estate ng bansa -- na nananatiling indipendiyente at hindi puwedeng diktahan, takutin o i-bully ng pa7mahalaan.
    
Ang tingin ko sa paghahanap ng SEC registration ni Mocha sa MPC ay isang uri ng pangha-harass at pambu-bully.
    
Pero sana naman, marami pang problema ang bansa na dapat niyang asikasuhin, tutukan at trabahuin bilang bahagi ng PCOO sa Malakanyang.
    
Sabagay, sa isang umpukan nga ng mga mamamahayag, may isang nagtanong kung nasaan daw ba talaga ang utak ni Mocha?

Natawa ako sa sagot ng isa nating kasamahan sa hanapbuhay dahil ang utak daw ni Mocha ay nasa __ong!
    
Samantala, kung gusto ni Mocha na panindigan na i-etsa puwera niya ang mainstream media, ’wag na rin niyang ipa-accredit ang mga foreign media na nagku-cover ngayon sa 50th ASEAN Summit.