4,921

Narco-politics sa Barangay election

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 339

Magkaisa para sa bayan

KAHAPON ay nabalita na 13 mga di-umano’y drug pushers ang napatay sa operasyon ng ating kapulisan sa Bulacan.

Kaugnay nito sinabi ni bagong PNP Chief Director Oscar Albayalde na kanyang ipagpapatuloy ang kampanya ng PNP kontra iligal na droga, ang Oplan Double Barrel ng kanyang pinalitan na si dating PNP Chief Director Ronald dela Rosa.

Bunga ng nalalapit na eleksyon sa Mayo 14, 2018, asahan na magkakabigayan ng drug money sa darating na elections.

Ang drug money na ito ay mapupunta sa mga tiwaling opisyal ng barangay na protektor ng mga tulak at adik sa iba’t ibang barangay sa ating bayan.

Sa dami ng pera ng mga drug lord, na hindi nila pinaghirapan kitain, kayang-kaya nilang magpanalo ng mga kandidatong magiging protektor ng kanilang iligal na negosyo sa barangay, simula sa barangay kapitan hanggang mga kagawad.

Hindi lang drug money, subalit droga mismo ang maaaring kumalat sa araw ng halalan.

Batay sa mga ulat, may tinatayang 4 na milyong drug addict ngayon sa Pilipinas. Ang mga adik na ito ay handang ipagbili ang kanilang boto o tumanggap ng shabu kapalit ng kanilang boto.

Ang sitwasyong ganito, kung ang mga kandidato ay suportado ng mga drug lord, kahit ang eleksyon ay sa barangay lamang at ang mga botante ay ipinagbibili ang kanilang boto kapalit ng droga ay tinatawag na “narco-politics”.

Ang narco-politics ay hindi sa eleksyong pang nasyonal lamang, subali’t maging eleksyon sa barangay.

Sa katunayan, masasabing ang ating gobyerno ay matagal nang nasa ilalim ng narco-pulitiko.

Ito ay pinatatakbo ng mga opisyal, mula sa executive, judicial at legislative branches ng gobyerno, na tumatanggap ng pera o suporta “wittingly or unwittingly” sa mga taong ang negosyo ay iligal na droga.

Ito ang dahilan kung bakit ang shabu at mga iligal na droga ay laganap sa halos lahat ng barangay sa buong Pilipinas at kung bakit ang shabu ay nabibiling parang betsin sa mga tindahan.

Hindi ba’t napakarami nang nahuling tiyanggian ng shabu sa mga barangay sa ating bayan?

Ang shabu ay P1 trilyong negosyo kada taon sa ating bansa. Sa laki ng perang ito (halos kasing halaga ng budget ng gobyerno), kapanipaniwala ang sabi ng PDEA na may mga senador, congressman, gobernador at iba pang mga opisyal sa bansa, na mga protektor ng mga drug lord at drug pusher, na walang pakialam, kung mamamatay ang ating kabataan o masira ang kinabukasan dahil sa droga, mapanghawakan lamang nila ang kanilang kayamanan at kapangyarihan.

Kaawa-awa ang kabataan sa ating bayan. Sa aking pananaw, hindi sila maliligtas sa salot na droga, partikular sa shabu kung hindi magbabago ang ating mga mamamayan sa pagboto ng mga kandidato ’pag may halalan, kahit ang halalan ay pang-barangay lamang.

Tumulong tayo sa pagligtas sa ating bayan at kabataan sa droga. Huwag nating tangkilikin ang mga kandidato sa ating barangay na alam nating kakampi ng mga drug lord, tulak at adik sa ating barangay. Maawa tayo sa ating mga anak at kabataan.

Kung nais nating mawala ang narco-politics sa ating bansa, simulan natin ito sa May 14, 2018 elections, itakwil at ibasura natin ang mga kandidatong alam nating may bahid ng droga ang pagkatao.