Napatino nga ang Boracay, eh bulok naman ang Kalibo Airport!

SA susunod na Linggo na ang muling pagbubukas sa isla ng Boracay na isinailalim sa rehabilitasyon sa loob ng anim na buwan.

Kamakailan ay nagkaroon pa ng ‘dry run’ kung pa’no gagawing makulay at makasaysayan sa muling pagbubukas ng Boracay na nababoy ng maraming taon dahil na rin sa pang-aabuso ng mapagsamantalang negosyante, corrupt na opisyales ng pamahalaan at walang patumanggang pagkakalat, pagdumi at pagbaboy ng ilang dumarayong turista.

Mismong ang Pangulong Duterte pa ang nagbansag sa Boracay na ‘cesspool’ o tapunan ng basura nang ipag-utos nito ang rehabilitasyon sa sewerage system at pagbuwag sa mga illegal na istraktura.

Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, matapos ang ginawang paglilinis sa loob ng anim na buwan, hindi na ‘cesspool’ ang Boracay ngayon. Lalo umanong nakamamangha ito ngayon dahil sa angking ganda ng kalikasan sa isla.

“Boracay is now a sight to behold and the entire island will even be grander in the near future,” sabi pa ni Cimatu.

Ang tanong ngayon, ilang lokal na opisyales ba ng Aklan province ang nakasuhan na dahil sa ginawa nilang kapabayaan sa Boracay? May naipakulong na ba at pinagmulta ng malaking halaga ng salapi mula sa mga abusadong ‘establishment owner’ na walang patumanggang bumaboy sa isla?

Sana ay hindi matapos sa muling pagbubukas ng Boracay ang ginawang paglapastangan sa isla dahil dapat,
bukod sa rehabilitasyon, may mga taong maipakulong at maparusahan tungkol dito.

* * *

Samantala, habang kasado na ang lahat para sa muling pagbubukas ng Isla, ang konstraksiyon ngayon ng Kalibo International Airport (KIA) ay hindi pa rin natatapos.

Dilapidated hanggang ngayon ang mga dingding, kisame at kalsada sa paliparang ito na ‘gateway’ ng  libu-libong turistang dumarayo sa Boracay.

Ayaw kong isipin na nagpapabaya ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa pagpapaganda ng KIA.

Pero masyadong mabagal ang paggawa nito dahil bukod sa hindi 24-7 ang ginagawang konstraksiyon, halos 21 katao lamang ang gumagawa rito.

Hindi naman siguro tanga si newly appointed KIA-CAAP Manager Eusebio Monserate, Jr. Alam niyang magbubukas muli ang isla ng Boracay sa Oktubre 28 ay bulok pa rin ang kanilang airport.

Sana lang, hindi magkaroon ng ‘kulto-finish’ tungkol dito dahil sigurado ako, malilintikan nang husto ang buong KIA management kapag pumalpak ang kanilang renovation ngayon.

* * *

Speaking of KIA.

Gusto kong tawagan ng pansin si Ms. Liza Gervacio na ‘consessionaire head’ sa nasabing paliparan.

Kumusta na kaya ang mga government office natin diyan sa paliparan ng Kalibo?

Ang balita ko kasi, mas pinapaboran mo pang bigyan ng maayos na opisina ang airline companies, samantalang ang  ‘attached government agencies’ na dapat may maayos ding tanggapan ay mukhang ‘squatter’ pa rin hanggang ngayon.

Kung ano raw kasi ang ikinabulok ng KIA (na sana maayos bago mag-Oktubre 28), wala pa ring maayos na opisina ngayon ang mga taga-Department of Tourism, Customs Immigration Quarantine (CIQ) at Office for the Transport Security (OTS).

Ms. Gervacio po, Ma’am. Alam nating magandang PR (public relations) ang malalaking airline companies, pero sana naman, wag n’yo ring kalimutan na may iba pang dapat mag-opisina sa KIA.

Wala naman sigurong masama kung magkaroon din kayo ng pagpapahalaga sa mga kapwa kasamahan n’yo sa gobyerno.

Tama ba ako, Ms. Gervacio?