Nakaiskor ang NBI-Bulacan!

ISA na namang magandang accomplishment ang naitala ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

May kaugnayan ito sa pagkakaaresto ng mga tauhan ng NBI-Bulacan District Office sa pito katao na sangkot sa syndicated estafa na kinilalang sina Jhon Roces, Pedro Milan kasama sina Rodrigo Martin, Mark Cruz, Jefferson Perido, Noralinda Salud, at Maricris Roces.

Sa ulat na ipinarating kay NBI Director Dante Gierran, nag-ugat ang operasyon sa reklamong estafa ng Pangulo ng St. Andrew Publishing House laban kina Jhon Roces at Pedro Milán.

Tungkol  ito sa kontrata para sa reprinting ng elementary study material ng Department of Education (DepEd)

Nag-alok ang mga suspek sa kanilang expertise na may kinalaman sa produksyon ng DepEd materials na gagawin sa China upang mabawasan ang gastusin.

Nang pumayag ang biktima para sa kanilang serbisyo, inatasan sila ng mga ito na magdeposito ng P500,000 sa account ng isang Chinese printing company na nailipat naman sa sariling account ng mga suspek.

Makalipas ang walong buwan, wala pa ring nadedeliber na materyales ang mga suspek hanggang natuklasan ng biktima na walang proyekto ang Chinese printing company.

Sa pag-aakalang wala pang alam ang biktima, sinubukan pa ng nga suspek na hingan sila nina Roces at Milan ng dagdag na P4.5 milyon upang madeliber ang mga materyales.

Dito na ikinasa ang entrapment operation sa isang coffee shop sa Malolos, Bulacan na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Iniharap sa press conference ang mga suspek sa NBI headquarters sa pangunguna ng masipag na NBI Public Information Office chief na si Nick Suarez.

Nanawagan si Suarez sa publiko para sa iba pang posibleng nabiktima ng nga suspek sa ganitong uri ng modus operandi. Maaari aniya silang magtungo sa NBI headquarters upang magharap ng kaugnay na reklamo.

Kasabay nito, sinasaluduhan natin ang buong NBI, partikular na ang NBI-Bulacan dahil sa maagap nilang pagtugon sa mga reklamong ipinaabot sa kanila.

Simple lamang si Director Gierran. Hindi ito mahilig sa anumang publicity pero walang humpay ang kanilang accomplishments.

Asahan natin na sa mga susunod pang mga araw ay mas malalaking sindikato pa ang malalansag ng iba’t ibang operating units ng NBI lalo pa’t ang kanilang pinuno ay may dedikasyon sa kanilang trabaho.

Kung matatandaan, kamakailan lamang ay isang farm manager sa Teresa, Rizal  ang nasawata naman ng NBI Special Action Unit nang mahulihan ng matataas na kalibre ng baril.

Ang suspek na si Lily Ong, kasama ang apat na iba pa, ay pinaghihinalaang sagkot sa ‘Red October Plot’ na bahagi umano ng planong pagpapabagsak sa Duterte administration.

Bagaman wala pang malinaw na kumpirmasyon, ipinagpapalagay na malaki pa rin itong ‘accomplishment dahil bukod sa anggulong rebelyon, hinahalukay din ng NBI ang posibleng pagkakasangkot ni Lily Ong sa sindikato ng smuggling.

Bukod dito, masinsinan din ang ginagawang pagsasaliksik ngayon kung marami bang ibinaong bangkay sa Crocodile Farm na pinamamahalaan ni Ong sa Rizal province dahil nag-ugat ang pagkakaaresto sa kanya sa sumbong ng sariling amo na diumano’y plinano nitong ipapatay. Naudlot lamang ito dahil na rin sa bilis na pag-aksiyon ng NBI-SAU.

Sa pagkakaalam ko, anumang araw mula ngayon ay may ilalabas na ring report ang NBI hinggil naman sa anomalya sa NFA rice, ang shabu smuggling sa Bureau of Customs at pati na rin ang pagkawala ng 120 container vans sa BoC na nasa ilalim ng pamamahala noon ni dating BoC commissioner at ngayo’y TESDA Director Isidro Lapeña.