Nagtatagumpay ang kampanya ng gobyerno kontra ismagling

October 10, 2018

WALANG dudang nagtatagumpay ang kampanya ng gobyerno laban sa ismagling at iba pang kalokohan sa Aduana.

Nakikita ito sa lumulubong koleksyon ng Bureau of Customs (BoC) na pinamumunuan ni Commissioner Isidro S.  Lapeña.

Nandiyan rin ang mga kumpiskadong kontrabando na pinapakinabangan ng mga biktima ng mga kalamidad.

Maraming kontrabando ang ibinigay ng BoC sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay sa utos mismo ni Pangulong Rody Duterte.

Ilang pinagsususpetsahang ismagler at mga kasabwat nila sa gobyerno ang nakademanda na rin ngayon sa
Department of Justice (DoJ).

Pero kailangang tutukang mabuti ng BoC ang mga nakasampang kaso.

Ang mahalaga,  mapanagot ang mga manloloko sa mga ginawa nilang pandaraya.

Sana regular na magpalabas ng update ang BoC sa mga nakabinbing kaso sa korte.

Hindi puwedeng panay huli na lang ng ismagler at kontrabando.

Ang hinihintay ng publiko ay ang resulta ng mga kasong isinampa ng gobyerno laban sa mga suspek.

Huwag nating kalimutan na mapera at maimpluwensiya ang mga  ismagler.

Kayang-kaya nilang kumuha ng magagaling na abogado.

* * *

Mabuti naman at may mga produkto nang kahit papaano ay bumaba ang presyo.

Kabilang na ang mga produktong agrikultura, kagaya ng gulay at prutas.

Bumaba ang presyo ng mga bilihin dahil sa pagbaha ng supply sa merkado.

Tumaas ang presyo ng mga bilihin dahil sa kagagawan ng mga hoarder, profiteer at speculator.

Kaya dapat laging listo ang mga taga-gobyerno dahil nandiyan pa rin ang mga walang pusong negosyante.

Ang hangad lang  nila ay magkamal ng kayamanan sa madaling panahon.

Wala silang pakialam kahit mamatay sa gutom ang mga mahihirap sa syudad at kanayunan.

Marami ang nakahinga, lalo na ang mga mahihirap, sa unti-unting pagbaba ng presyo ng ilang pangunahing bilihin.

Maagang pamasko ito sa taumbayan.

* * *

Simula sa araw na ito (Oktubre 11) ay puwede nang maghain ng Certificate of Candidacy (CoC) ang mga kakandidato sa May 13, 2019 eleksyon.

Parang pista na naman sa buong bansa.

Magkakaroon na naman ng trabaho ang maraming istambay.

Kukunin silangt “lider” ng mga kandidato.

Magkakaroon sila ng kita hanggang Mayo 13, 2019, araw ng halalan.

Masuwerte ang mga “lider” ng mga mananalong mayor o gobernador dahil puwede silang magtrabaho sa munisipyo o kapitolyo.

Magsusulputan rin ang mga lingguhang diyaryo sa mga probinsiya.

Siyempre, ang lihim na magpi-finance ng mga diyaryong ito ay ang mga mayayamang kandidato.

Maraming grupo rin ang magbibigay ng kung anu-anong award  sa mga kandidato.

Tuwang-tuwa naman ang mga awardee dahil magagamit nila ito sa kampanya.

Ika nga ng mga makakati ang dila: “everybody is happy tuwing may eleksyon.”

Ay mali, malulungkot pala ang mga kandidato dahil magiging palabigasan sila ng mga botante.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa

#0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com