Mukha mo Kiko!

September 15, 2018

PAHIRAM nga ng linya ni Noynoy: Saan kaya kumukuha ng kapal ng mukha si Kiko Pangilinan?

Mukha mo!

Kung may tao man na dapat magkuwestiyon sa problema natin sa supply ng bigas at kakulangan ng mga produktong agrikultura, palagay ko ay hindi kasama doon si Kiko Pangilinan!

Gusto ko siyang ipagdasal na patawarin siya ng Diyos dahil tiyak na hindi niya alam ang kanyang ginagawa. Mabuti pa si former Agriculture Secretary Procy Alcala hindi kumikibo.

Alam ni Alcala na katulad ni Kiko, wala rin siyang karapatang magsalita sa mga panahong kinakapos tayo sa supply ng pagkain.

Si Kiko ang food czar sa panahon ni Noynoy. Ibig sabihin, siya ang nangangasiwa sa food security ng bansa. Technically, sakop niya ang agriculture department at ang NFA na noon ay pinamumunuan ng kanyang Chief of Staff na si Renan Dalisay.

Kung makaporma itong si Kiko, iisipin mong may nagawang mabuti sa problema ng agrikultura gayong dumanas ang bansa ng pinakamatinding rice shortage sa panahon nila.

Sa panahon nga ng riding in tandem nila Kiko at Noynoy nagkaroon ng pila-balde sa pagbili ng bigas at ng NFA rice.

Si Kiko rin ang Presidential Adviser on Food Security nang madiskubre ang bode-bodega ng bigas na nabubulok dahil sa kawalanghiyaan ng ibang rice traders.

Huwag nating kalilimutan na pati mga NFA rice sa panahon nila Kiko at Alcala ay halos inuuod at binukbok dahil napabayaang mabasa ng ulan sa bodega. Pati ang mga ipinamigay noon sa mga calamity victims bulok!

Hanggang sa mga unang buwan nga ng Duterte administration ay marami pang nadiskubreng nabulok na bigas sa mga DSWD warehouse dahil nga sa kapabayaan nila. May mga libu-libong sako pa nga ng bigas ang tinangkang ilibing sa Central Luzon bago matapos ang termino ni Noynoy.

Baka nakalimutan na rin ni Kiko ang pag-iyak ng mga coconut farmers sa Southern Tagalog mula Cavite, Batangas hanggang Quezon na nawalan ng kabuhayan dahil kinain ng cocolisap ang kanilang pananim?

Hindi ba’t sangkatutak na estudyante ang napilitang tumigil sa pag-aaral dahil nawalan ng kita ang mga coconut farmers nang ubusin ng cocolisap ang kanilang mga puno?

“Ilang buwan na naming inilapit ito sa gobyerno pero hindi nila kami pinapansin, ngayon ubos na ang aming mga puno ng niyog dahil sa cocolisap, mamamatay na kami sa gutom,” sabi pa ng coco farmer na na-interview sa TV news noong panahong iyon.

Kaya nga ako ang kinikilabutan kapag umeepal itong si Kiko sa problema natin sa agricultural products ngayon dahil mukhang naging ulyanin na siya.

Kung ako kay Kiko, sa halip na makialam sa problema ng bigas na hindi naman niya nalutas sa panahon nila, ipadakip niya muna ang mga batang hamog na miyembro ng kanyang fans club na lantarang nanghahablot ng mga bag at gamit ng mga pasahero sa Macapagal Blvd.

Mas may substance pa atang kausap si Kikong Matsing kaysa kay Kiko Pangilinan!

allanpunglo@gmail.com