4,778

Ms. Ganda (PNP) Pulis 2018

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 307

DALAWAMPU’T anim na naggagandahang policewomen ang rarampa sa darating na Sabado para sa gala night ng Ms. Ganda Pulis 2018.

Suot ng naggagandahang dalagang parak ang iba’t ibang ethnic costume na pagpipilian sa  tatanghaling best in evening gown awards.

Sa darating na Linggo ay isasagawa naman ang ‘swimwear and talent competition’ kung saan itatanghal ang Best in Swimwear at Best in Talent.

Ang ‘grand finals’ at ‘coronation night’ ay gaganapin sa Abril 23 sa PNP Multi-Purpose Center sa Camp Crame sa Quezon  City.
    
Kung hindi ako nagkakamali, ikalawang taon na ito ngayon ng Ms. Ganda Pulis 2018. Isa itong beauty contest para sa mga policewoman mula sa buong bansa.
    
Magandang programa ito ng PNP dahil ipinapakita rito na hindi lamang mayroong tapang at lakas ang ating mga alagad ng batas kundi mayroon din tayong mga policewoman na maganda’t seksi na ay matatapang pa!
    
Sa isang kalatas, sinabi ni Chief Supt. Rhodel Orden Sermonia, hepe ng Police Community Relations Group (PCRG), ang Ms. Ganda Pulis 2018 ay bilang suporta sa pagdiriwang ng 2018 National Women’s Month Celebration.
    
Sa 26 na kandidata, 16 rito ang mula sa iba’t-ibang police regional offices, lima ang mula sa iba’t ibang police district ng National Capital Region Police Office (NCRPO)  at lima pa ang mula sa national support units.
    
Bago isabak sa inaabangang ‘finals,’ dumaan muna sa masinsinang patimpalak mula sa kani-kanilang mother units o regional police office ang mga kandidatang pulis.
    
Kasama sa programang inihanda ni Gen. Sermonia sa kanila ay ang pag-una sa  community outreach sa Bahay Pagbabago sa Bataan, gayundin ang pamamahagi ng livelihood tools sa mga drug dependent sa Tarlac na mangyayari sa araw ng Biyernes at Sabado na susundan din ng Pulis Natin Caravan at outreach program pa sa Baguio City.
    
Sinabi ni Gen. Sermonia na ang tatanghaling Ms. PNP Ganda Pulis 2018 ay magiging Goodwill Ambassadress sa pagsusulong ng Recovery Program at Community-Based Rehabilitation Program ng pambansang pulisya. Higit ding mapapalakas nito ang kampanya’t adbokasiya ng pambansang pulisya para naman sa mga kababaihan at kabataan.
    
Ang iba pang special awards na naghihintay sa mga kandidata ay Ms. Maka-Diyos 2018 (God-fearing), Ms. Makabansa 2018 (nationalist), Ms. Makatao 2018 (humane), at Ms. Makakalikasan 2018 (environmentalist).
    
May nag-aantay ding People’s Choice Award, Ms. Photogenic at Ms. Congeniality.
    
Sa kabuuan, may 190,000 miyembro na ang PNP ngayon, ngunit 26 sa mga ito ang naggagandahang dilag na sasabak sa isang ‘digmaan,’ hindi madugo, kundi giyera sa pagalingan at pagandahan.
    
’Ika ’nga, itabi muna ang baril, tsapa, pati ang ‘combat boots’ kundi rarampa muna sila suot ang matutulis na high-heels, kontodo make-up at magpapahanga sa lahat ng kalalakihan.
    
Magandang panimulang programa naman ito para kay incoming PNP chief at incoming Deputy Director General (four star military rank) Oscar David Albayalde ngayong darating na Miyerkules, Abril 18.
    
Congrats  kina Gen. Albayalde at Gen. Sermonia at siyempre, good  luck sa 26 na magagandang dilag ng PNP!