Mga politikong walang nagawa, sasabak na naman sa eleksyon

October 17, 2018

ISA ang Bureau of Customs (BoC) sa mga ahensiya ng gobyerno na may pinakamaraming problema.

Nandiyan ang korapsyon, ismagling, katiwalian, at iba pa.

Kung mahina ang loob ng namumuno ay baka mag-alsa balutan na ito.

Mabuti na lang at matibay-tibay itong si BoC Chief Isidro  Lapeña.

Sabi nga ng isang mamamahayag, “Lapeña is not a graduate of PMA for nothing.”

Kagaya ni Pangulong Duterte, may sapat na political will si Lapeña para sugpuin ang mga kalokohan sa Aduana.

Ang mahalaga sa kanya ay suporta ng Malakanyang at taumbayan.

Hindi niya sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa kanya ni Pangulong Duterte na magsilbi uli siya sa gobyerno.

Bilang retiradong 3-star general, hindi na niya kailangang magtrabaho pa para mabuhay.

Pero ang tawag ng serbisyo publiko ay hindi niya matalikuran.

Kaya nga nandiyan pa rin siya kahit na kaliwat-kanan ang banat sa kanya ng mga nasasagasaan niya.

Marami talaga siyang nasasagasaan sa kanyang paglilinis sa Aduana.

Maraming problema sa Aduana, pero alam ni Lapeña na “problems make people more alert, vigilant, active and productive.”

Tama ba Finance Secretary Dominguez?

Dapat mag-conduct ng surprise inspection sa mga shopping mall, department store at iba pang malalaking tindahan sa bansa.

Maghanap sila ng mga kontrabando na nagawang ipasok sa bansa, lalo na ang mga depektibong Christmas lights, bawal na paputok, pailaw at mga laruang nagtataglay ng toxic substances.

Natitiyak nating may mga nakalusot na depektibo, bawal at nakakalasong mga produkto galing sa ibang bansa.

Ang mga depektibong Christmas light ay baka maging sanhi pa ng sunog sa darating na Kapaskuhan.

Nakita naman natin sa mga nakalipas na taon, ang mga ito ang sanhi ng malalaking sunog na ikinamatay ng maraming tao.

Ang mga bawal na paputok at pailaw naman ay baka makadisgrasya, lalo na sa mga bata.

* * *

Nakapaghain na ng CoC ang mga kakandidato sa May 13, 2019 eleksyon.

Kabilang na dito ang mga politikong wala namang nagawa nang sila’y nakapuwesto.

Hindi natin sila masisisi dahil bukod sa makakapal ang mukha at matitibay ang sikmura,  sanay sa dayaan at pamimili ng boto ang mga ‘yan. Kailangan nilang manalo para tuloy ang maliligayang araw.

Sana matuto na ang taumbayan na huwag ibenta ang kanilang boto. Huwag na natin hayaang makabalik sa puwesto ang mga dorobo, bobo at walanghiyang politiko.

Tuldukan na natin ang kasakiman ng mga tadong politiko!

Tama ba, DILG Secretary Año?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagayblang ang buong pangalan at tirahan.)