7,054

Mga pinabayaang bagong bayani

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 362

MATAAS ang emosyon ng mga kababayan nating OFWs na sinundo ng gobyerno sa Kuwait matapos ang
kautusan ng Pangulong Duterte.

Ayon sa kanila, walong taon silang tiniis ng gobyerno at ngayon lamang sila pinansin sa
kabila ng panganib sa kanilang trabaho at sitwasyon.
    
Ang pagkakatagpo sa bangkay ng isang OFW na mahigit isang taong inimbak sa freezer ang
huling pako na nagsara sa desisyon ni Pangulo na ipatupad ang total ban sa OFWs sa Kuwait.
    
Maraming uri na ng pang-aabuso, pagmamaltrato at pagpatay ang sinapit ng ating mga kabahayan
sa Kuwait pero walang naging aksiyon ang mga nakaraang gobyerno.
    
Tandang-tanda ko, paulit-ulit nilang tinatawag na mga bagong bayani ang Pinay DH pero
nakapagtataka rin na wala silang ginagawang tulong sa mga ito. Hindi lamang sa Kuwait ito nangyayari
at hindi lamang mga Kuwaiti, Arabo, Qatari at iba lang lahi ang umaabuso sa kanila.
    
Hindi ba’t nabunyag sa nakaraang administrasyon na mismong ilang Philippine Labor official
pa sa abroad ang minsan ay umaabuso sa kanila. Bago tulungan, gagahasain muna o kaya naman,
tatakasan na nga ang halimaw na employers, ibinabalik pa ng  Phillippine officials para ipalapa!
    
Sa pagkakataong ito, wala nang arte-arte, wala nang press release, wala nang drawing at
gimik na malasakit. Mismong ang Pangulong Duterte na ang nag-utos na sunduin lahat ang OFWs na gusto
nang bumalik sa kanilang pamilya.
    
Parang kidlat, dalawang araw matapos ang kautusan ng Pangulo, nakabalik na sa bansa ang
maraming OFWs.
    
Malungkot lamang tayo sa kanilang mga sinasabi kung paano sila pinabayaan ng nakaraang
administrasyon.
    
Tatamaan ka rin sa kanilang pag-iyak at tindi ng emosyon dahil grabeng hirap ang kanilang
sinapit bago nakabalik.
    
Kaya palagi kong sinasabi, tandaan n’yo ang mga mukha at kulay ng mga halimaw sa propaganda
pero wala namang ginawa.
    
Pagtulung-tulungan nating lahat, ipamalita n’yo sa inyong mga kapitbahay, gamitin natin ang
lakas ng social media at ipalaganap sa tsismis brigade kung anong klaseng kapabayaan ang ginawa sa
inyo ng nakaraang pamunuan para hindi na makabalik sa puwesto ang mga ’yan.
    
Wala naman silang pinaglingkuran sa nakaraang anim na taon kung hindi ang mga KKK o mga
kapartido, kabarkada at kaklase.
    
Kapag naiboto pa naman ang mga ito sa mga darating na eleksiyon, talagang mga utu-uto na
lang tayo at hindi tayo marunong magtanda.
    
Sa isang banda naman, ang kakapal na lang talaga nila kapag may nakaisip pa sa kanilang
kumandidato!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.