Mga pekeng malasakit sa bayan

September 22, 2018

KUNG mayroon mang malaking problema ang bansa, iyon ay ang grabeng pamumulitika ng mga tao at grupo na ang tanging ikinasasakit ng kalooban ay hindi ang mga nangyayari sa bayan bagkus ay kanilang pagkatalo sa eleksiyon.

Sa totoo lang naman, itong mga nag-iingay laban kay Pangulong Duterte at sa kanyang mga polisiya ay sila-sila ring mga taong nasubukan na rin naman nating makapuwesto sa mga nakaraang panahon.

Kaya nga hindi sila makakuha ng suporta sa paulit-ulit nilang pagkilos dahil bistado na ng ating mga kababayan ang kanilang mga ginagawa.

Himayin nga natin, ngayon lamang ba tumaas ang presyo ng mga bilihin? Lumilitaw sa mga figures na inilabas ng Philippine Statistics Authority na mula pa noong 1986, paulit-ulit na rin namang tumaas ang inflation rate.

Hindi naman ito imposible dahil katulad ng tao, buhay din ang merkado na talagang gagalaw sa ayaw at sa gusto mo. Ngayon ay 6.4% ang itinataas sa presyo ng bilihin at serbisyo pero mayroon pa tayong 6.9 hanggang 7.7% na pagtaas na inflation rate sa mga nakaraan.

Hindi naman ito bago, palagi namang tumataas ang bilihin. Ako mismo, inabutan ko ang presyo ng bigas P1.10 per kilo, meaning piso at diyes sentimo. Natural sasabihin natin na iba ang panahon noon kumpara ngayon, iyon nga ang ibig kong sabihin, hindi ito kaagad makokontrol ng tao.

Ganoon din naman ang sigaw nating lahat sa mga nakaraang panahon, masyadong mataas ang presyo ng bilihin, masyadong mataas ang palitan ng dolyar sa piso pero hindi ito kaagad naikukunekta sa pulitika.

Ngayon lamang ito naging konektado sa pulitika dahil iyon ngang mga talunan sa eleksiyon ay bitter pa rin hanggang ngayon.

Sa isyu ng trapik, ngayon lamang ba tayo nagkaroon ng ganitong problema? Kung babalikan ko ang Edsa mga  late 70s hanggang 80s, natural hindi ko rin ito maikukumpara ngayon. Sobrang luwag noon ng Edsa dahil wala namang mall doon noong araw.

Ang Ever Gotesco lamang sa Caloocan ang mall at mid 80s nang magbukas ang SM North. Pero ang malaking factor dito, maliit naman ang population natin noong mga panahong iyon.

Taong 1980, 47.6 million lamang ang populasyon kung ikukumpara sa 100 milyon ngayon.

Ang masikip na daloy ng mga sasakyan noon ay ang Rizal Avenue dahil naroon ang Monumento at maraming mini-malls sa Sta. Cruz. Pero hindi rin ito naikukunekta sa pulitika.

Normal na dumadaloy ang buhay naming lahat sa mga panahong iyon dahil ang krimen din ay hindi ganoon kalubha.

Nang matapos ang 1986 People Power, doon tayo minulat sa pulitika ng mga politiko. Doon na nagsimula ang polarization ng bansa, kung hindi ka dilaw, second class citizen ka.

Hanggang matapos ang termino ni Cory noong 1992 pero hindi sila pumayag na mawala sa puwesto. Palagi nating sinasabi rito, halos 30 years naghari ang grupo ng mga dilaw pero nakita nating lahat na wala namang nangyari sa ating bansa.

Nito lamang 2016 dumanas ng political shocks ang dilaw dahil may promdi at outsider na tumalo sa kanila.

Tanong, paraiso ba ang Pilipinas nang maging Presidente si Mayor Rody Duterte noong June 30, 2016? Ano ba ang kanyang minana sa dilaw na administrasyon?

Ang krimen ay lima singko dahil walang lugar ang ligtas mula 2010 hanggang 2016, ang supply ng droga ay mas marami pa kaysa sa bigas, ang halimaw na traffic sa Edsa ay isinilang na, pinapasok na rin nila ang Uber at Grab na lalong nagpasikip sa ating mga kalsada, no thanks to former LTFRB Chairman. Winston Ginez at former DoTr Sec Abaya.

Ang MRTirik ay naging pangkaraniwan na hanggang mag-spill over pa sa Duterte administration noong unang taon niya sa posisyon. Kaya naman pala, iyong LP member nila ang naging kontraktor ng MRT maintenance at pinalayas ang Japanese company na Sumitomo.

Halos dalawang taon sumakit ang ulo ni DoTr Secretary Art Tugade sa MRTirik na yan until finally ay naibalik ang Japanese maintenance kaya nagbalik na sa normal kahit paano ang operasyon ng MRT.

Pansinin nyong mabuti, iyong mga maiingay ngayon laban sa Duterte administration ang nagpahirap sa ating bansa sa nakaraang tatlong dekada tapos kung makaasta sila, parang mga tunay na may malasakit sa bayan.

Para silang si General Emilio Aguinaldo, feeling bayani pero traydor naman!!!

allanpunglo@gmail.com