6,969

Mga ‘korap’ ang problema

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 214

Paul's alarm

HABANG ‘all over the place,’ wika nga, si Bureau of Customs (BoC) Commissioner Isidro Lapeña, upang tiyakin ang tagumpay ng kampanya ng pamahalaan laban sa salot ng smuggling at iba pang “porma” ng pandaraya sa buwis, sadya yatang “walang pakialam” sa kampanyang ito ang mga “korap” sa kanyang ahensiya.

Dangan kasi, muli na naman tayong nakatanggap ng impormasyon na patuloy pa rin pala sa mga “sablay” na deklarasyon ang ilang mga mandaraya sa buwis, partikular na sa importasyon ng ‘ceramic tiles.’

At saan pa ba “kukuha” ng “lakas ng loob” ang mga kumag na ito kung hindi sa hanay ng mga “korap” na empleyado, partikular sa ‘Assessment Division.’

Katulad na lang nitong ‘Caus Trading’ at ‘Zethus Trading,’ Pang. Rody Duterte.

Mantakin mo ba naman, kasamang Alan Encarnacion, magagawa ba nitong Caus Trading na magbayad lang ng P53,000 bilang buwis sa gobyerno ‘per container’ at P35,000 ‘per container’ naman para dito sa Zethus Trading d’yan sa Manila International Container Port (MICP), kung hindi ito “papayagan” ng “kasabwat” nilang mga ‘customs examiner/appraiser’ d’yan sa Assessment Division, hindi ba?

Dangan kasi, “kalakaran” na sa pantalan na BAGO (before) pa man ‘mag-file’ ng ‘customs entry’ ang isang broker o importer, “kumukunsulta” na ang mga ito sa mga “kaibigan” nilang customs examiner/appraiser, partikular pa nga kung “alangan” o “may sabit” ang kanilang deklarasyon at babayarang buwis sa gobyerno.

At dahil nga nakapag-file ng entry itong mga kumpanyang ito (Entry Nos. 184532; 182985; 182931), “malinaw” pa sa “sikat ng araw” na binigyan sila ng ‘go signal’ ng mga damuho, hindi ba, mga kabayan?

’Yun nga lang, hindi naman tayo naniniwalang makakalusot ang kabulastugang ito kay MICP district collector, Atty. Vener Baquiran (hanggang kailan kaya siya sa puwesto, hehehe) dahil kilala natin ang “kalibre” ng opisyal na ito.

Remember, dear readers na si Atty. Baquiran ang “bida” at “nakatimbog” ng nakalusot na 105 containers ng umano’y ‘ceramic tiles’ noon lang nakaraang Marso sa kanyang termino bilang district collector’ ng Port of Manila (POM).

Ang isyung ito, mga kabayan, ay hindi pa rin tapos “busisiin” sa Kongreso.

* * *

Ang patuloy na sabwatan ng mga korap sa Assessment Division ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga ‘collection districts’ na kahit anong “pagbabantay” ng mga district collector, hindi maiwasan na “sumalto” sa kanilang ‘monthly target collection.’

Sa kaso ng MICP, kahit yata gawin nang “bahay” ng district collector ang kanyang opisina, mahihirapan pa rin siyang makuha ang kanyang ‘assigned target’ dahil nga may mga nangyayaring “kabalbalan” sa “ibaba” (read: Assessment Division) na hindi naman (siyempre) nakakarating sa kanyang kaalaman.

Kumbaga, sa ngalan ng salapi, palaging nakahanda ang mga korap na “bukulan” ang kanilang mga “bosing,” hehehe, ayy, huhuhu!

Sa nakaraang tatlong buwan, kapansin-pansin na hindi “nakuha” ng MICP ang ‘assigned target’ nito, dahilan upang “masibak” noong isang buwan itong ating kaibigan na si Coll. Maritess Martin at palitan nga ng isa pa nating kaibigan na si Atty. Vener.

Ang ating “teorya?” “Malakas” ang “tagas” ng buwis d’yan sa Assessment Division ng MICP, batay na rin sa dami ng “sumbong” na natanggap natin sa ating mga miron sa nakaraang tatlong buwan.

At dahil nga “personal na pakinabang” lang naman ang “importante” sa mga korap, eh, ano bang pakialam nila kung matanggal man sa puwesto ang kanilang district collector, hindi ba, mga kabayan?

Uulitin natin ang ating ‘unsolicited advice’ kay Comm. Sid Lapeña na “dumating” na ang panahon para “kalusin” ang mga abusado d’yan sa Assessment Division. Kailan ba kasi “mapupuno” ang “salop ng pagtitimpi” ni Comm. Sid, hehehe.

Hindi na ba ‘titino’ ang MPD Station 9?

Hindi na ba talaga “titino” ang mga pulis na ‘naka-assign’ d’yan sa (Ermita) Station 9 ng Manila Police District?

Kamakailan lang, ‘viral’ sa ‘social media’ ang ginawang “pagkutos” ni NCRPO director, Guillermo Eleazar (congratulation pala, pare. ‘2-star’ ka na pala, hehehe. ‘Yung “pangatlo” kailan kaya, hahaha), sa tatlong bagitong pulis d’yan sa MPD Station dahil sa kasong ‘extortion’ sa isang istambay na para “magatasan” tinakot na kakasuhan ng kasong ‘illegal drugs.’

Sa ating pang “kuwenta,” mga kabayan, dalawang beses nang “binalasa” ang mga pulis sa MPD Station 9, kasama na ang kanilang station commander dahil nga masyado na silang mga notoryus—lahat sila.

Eh, nagkaroon na ba ng pagbabago at “tumino” na ba ang mga pulis ninyo sa istasyong ito, kaibigang Dan Macerin at MPD director, Rolando Anduyan?

Sa “panlasa” ng mga miron, HINDI, HINDI at HINDI PA RIN!

Katulad na lang ng kaso nitong si ‘Arman Arroyo, 25 anyos, na ayon sa kuwento ng mga miron ay “biktima” ng estilong “palit-ulo” ng mga pulis sa Station 9 noong Hunyo 18.

Palibhasa nga at kilalang ‘drug user,’ siya ang “palit-ulo” sa isang ‘tricycle driver’ na umano’y “adik” din na para makalaya, “inutusan” ng mga pulis na “magturo” ng iba pang “adik” kung saan ang “inginuso” nga ay itong si Arroyo.

Bakit ginagawa ito ng mga pulis, dear readers? ‘For compliance’ o para masabing may ‘accomplishment’ sila sa kampanya laban sa iligal na droga.

Kasama ang ‘gilfriend’ ni Arroyo sa mga “dinampot” ng mga pulis at ayon sa kanya, CHR chairman, Chito Gascon, 3 LINGGO (3 WEEKS) silang “detenido” sa MPD Station 9 NANG WALANG KASO! Aniya pa, “tinaniman” lang sila ng droga ng mga pulis.

Pagkaraan nito, pinalaya si “babae” pero ang kanyang cellphone at mga alahas, hindi na ibinalik ng mga pulis! Translation? “Ninakawan” pa ang kanilang biktima, sanamagan!

At fast forward tayo, Gen. Eleazar. “Kuwentuhan” ngayon sa paligd ng Station 9 na noong Miyerkules (Hulyo 10) ng madaling araw, “nakatakas” itong si Arroyo, bwahaha!

Ang aksyon ng mga pulis sa MPD 9? “Palit-ulo” naman umano ngayon ang ina nitong si Arroyo!

Oh yes, dear readers, yung nanay nung nakatakas na drug suspect ang umano’y nakakulong ngayon sa Station 9. Grabe! Tsk,tsk,tsk!