Mga isinuka ng publiko ang nanggugulo

October 10, 2018

MAY mga grupo at taong nagmamadaling makapuwesto sa Palasyo kahit sa June 30, 2022 pa dapat papalitan ang nakaupong Pangulo.

Kung nakakamatay lang ang kulam ng mga naglalaway sa puwesto, malamang noon pang June 30, 2016 natodas si Pangulong Rody Duterte!

Sila iyong mga taong nagkaroon ng war shock nang matalo sa eleksiyon. Sila iyong mga taong hindi sanay mawala sa kapangyarihan. Sila iyong mga taong walang inisip kung hindi ang kanilang mga sarili.

Kahit siguro uminom lang ng paracetamol si PRRD, kaagad nagdiriwang ang mga taong ito dahil inaasahan nilang mabubulunan ng gamot at biglang mawawalan ng malay.

Ang problema sa mga taong ito, nabigyan na sila ng tiyansang pamunuan ang bansa pero winalanghiya lamang nila ang publiko. Manhid talaga sila, nakalimutan nilang kaya nanalo si Mayor Duterte dahil bungkos sila ng mga inutil at pabaya.

Nakasilip na naman sila ng pagkakataon na makapuwesto dahil sa pahayag ni Presidente na nagpa-endoscopy at nagpa-colonoscopy siya. Para na naman silang natubigang palaka, wala na naman silang tigil sa pagsisindi ng kandilang itim para manawagan sa kanilang sinasamba na mamatay na sana ang Pangulo.

Dito mo makikita kung anong klase ang mga taong ito, talagang kinontak pa ang mga kampon ni Satanas na pari para magawang mamatay na ang Pangulo.

Ganoon sila kawalanghiya kaya hindi nakapagtatakang isinuka sila ng mga botante.

Pero sige nga, ipagpalagay nating makabalik sila sa puwesto. Ano ba ang posibleng senaryo kapag sila na naman ang nasa Palasyo? Tiyak na ipapatigil nila ang konstruksiyon ng MRT 7, ipapatigil nila ang subway, ipapatigil nila ang SLEX at NLEX connectors, ipapatigil nila ang lahat ng seaports at airports projects, ipapatigil na naman nila ang LTO car sticker distritbution, ipapatigil ang car plate distribution, ipapatigil na naman nila ang kampanya laban sa illegal drugs, ipapatigil nila ang jeepney modernization, ipapatigil nila ang P100 million monthly subsidy sa Philippine General Hospital, ipapabakbak nila ang libu-libong kilometrong kalsada at tulay na pinagawa ng Duterte administration, ipapakansela nila ang Cebu trains, ipapatigil nila ang Mindanao train projects at papaalisin na naman nila ang Sumimoto Japanese maintenance contractor ng MRT3 para ibigay ulit sa mga kapartido nila.

Kung naging mabuti lamang sila at nagpakita ng tunay na malasakit sa ating mga kababayan, hindi naman sana sila nawala sa poder.

Kaya nga naglalaway na silang mawala si Pangulong Rody sa Palasyo dahil ayaw na nilang umabot pa sa 2022 election. Ang dahilan, kapag naitayo ang lahat ng mga proyekto ng Duterte administration, lalo na silang mawawalan ng tiyansang makabalik sa pamamagitan ng eleksiyon.

Mukhang hindi talaga sila marunong magbasa ng sitwasyon, hindi nila nakikita ang writing on the wall na kahit anong banat nila sa Pangulo ay hindi nila maibagsak significantly ang ratings nito.

Naduduwal na ang publiko sa uri ng inyong pamumulitika kaya sana ay manahimik na kayo!!!
allanpunglo@gmail.com