5,693

Mga duwag na uhaw sa giyera!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 223

DAMI talagang boy urot.

Alam n’yo iyon? Noong mga bata pa kami, daming ganyan, iyong tipong gustung-gustong itulak sa away ang dalawa nilang kalaro.

Magsisimula ’yan sa kantiyaw ng supot na susundan ng mga kasamahan ng pang-aalaska. Iyon namang sinabihan ng supot, hihikbi, magtatangka nang umiyak, tapos iyong nasa paligid, may moral support kuno.

“Kaya mo ’yan, kaya mo ’yan, hawakan mo nga tainga!” Sigaw pa ng mga gago. Iyong nagsimula sa panunukso, mauna pang magagalit dahil pinaalala sa kanya ng supot na minsan ay natae siya sa salawal habang nasa eskuwelahan.

Naku, lalong uminit ang asaran na sinasabayan pa ng malalakas na buyo: Waaaa, natae sa salawal, sapakin mo na, sapakin mo na!

Kapag nagsimula na ang gulo at may dumating na barangay, kumakaripas ng takbo ang mga buyo, ayaw din madamay sa gulo ang mga gago.

Ganyan ang iba nating kababayan, lalo na ang mga politikong mahilig sa atensiyon.

Lahat sila boy urot ngayon sa iringan ng Pilipinas at China. Konting kibot, inuudyukan nila si Pangulong Duterte na bigwasan ang Tsina, magprotesta at bombahin na ang mga Chinese Coast Guard na kumuha ng isda sa ating mga magsasaka.

Sige sabihin na nating kinuha ng mga Tsino ang pinakamahal na huling octopus at isda ng mga fisherman natin, sapat ba iyon para bagsakan natin ng heavy bombers ang barko ng Tsina?

Handa ba tayo sa isang digmaan na kahit saan anggulo tingnan ay wala tayong ibubuga? Handa ba nating ipapatay ang 180K AFP soldiers at 170K PNP members?

Samahan pa natin sila ng augmentation force mula sa mga dating ROTC at humingi pa tayo ng tulong sa mga armado sa Mindanao para giyerahin na natin ang Tsina.

Ganoon ba ang senaryo na gustong makita ng mga taong nag-uudyok kay Pangulong Duterte na magsimula na ng marahas na kilos laban sa mahigit isang bilyong populasyon na may halos 3 million Army?

Nasa kapangyarihan talaga ni Duterte kung gusto niya ng gulo. Isang hudyat lang niya, lahat ng military armaments ng bansa ay puwedeng itutok sa West Philippine Sea.

Pero hindi ganoon kadali iyon, maraming bagay ang dapat tinitimbang sa mga maselang pasya. Ipinagpapasalamat natin na mas mautak at mas marunong si Pangulong Digong sa mga taong uhaw sa giyera.

Kaya maraming pinagmumulan ng away sa mga komunidad dahil iyong mga nag-uudyok ay mga walang isip. Gustung-gusto ng gulo pero ayaw namang masabit.

Bakit kailangan mong awayin ang isang bansa na puwede mo namang maging kaibigan?

Akala n’yo ba may pakinabang tayo sa desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea na pumapabor sa atin sa mga pinagtatalunang isla?

Malaking kamalian ang ginawa ni Noynoy dahil matapos ang 16 back chanelling talks nila ng Tsina ay kinasuhan pa rin niya ito sa UN.

Sige, sabihin nating may ruling ang UNCLOS, sino ang sheriff na magpapatupad?

Hindi ito karaniwang kaso ng isang barung-barong na nakatayo sa private property na puwede ang eviction notice at may sheriff na magpapairal ng kautusan.

Baka ang iniisip n’yo, ang US ang sheriff? Sus, maghunos-dili kayong mga uhaw sa dugo dahil hindi n’yo alam ang inyong mga sinasabi.

Katulad din kayo ni Boy Urot, magaling mag-udyok pero duwag din naman!
This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.