6,256

Mga basher ni Tunying

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 361

Hala bira!

HABANG nagiging moderno ang mundo sa mga teknolohiya, paurong naman ang naging takbo ng utak ng iba nating kababayan.

Tulad halimbawa ng mga basher ni Anthony Taberna na ang tingin sa kanilang mga sarili ay class A moralista at super hero na tagapagligtas ng mga nagiging biktima ng rape.

Para sa mga headless mob, hindi raw dapat sinisisi ni Tunying ang biktima ng rape at ang mga opinion nito ay nanghihikayat pa ng mga future rape.

Kung hindi ba naman talaga baligtad ang utak ng mga ito, maliwanag naman ang sinabi ni Tunying sa kanilang UKG morning show na dapat mabigyan ng katarungan ang biktima ng rape kahit ano pang sirkumstansiya ang pinagmulan nito.

Pero hindi rin naman masama ang sinabi niyang kung uugatin, may kasalanan din ang biktima. Batay sa naging takbo ng istorya, nakipagkita ang biktima sa mga lalaking nakilala niya lamang sa online.

At hindi lamang basta nakipagkita, nakipag-inuman pa! Ang ending, na-gang rape ang biktima. Totoong dapat tayong makisimpatiya sa nangyari sa biktima at kung maaari nga sana, pagkadakip sa mga maniac na ito ay pasagasaan sa MRT train ang kanilang mga ari.
    
Pero huwag din nating kalimutang patawan ng responsibilidad ang biktima sa desisyon niyang makipagkita at makipag-inuman sa mga gagong estranghero na noon lamang niya nakita.
    
Iyon naman ang gustong ipunto ni Tunying, ang mailatag ang tamang perspektibo sa insidente hindi para sisihin lang ang biktima bagkus ay ibigay sa kanya ang pananagutan sa nangyari.
    
Bilang batikang mamamahayag, obligasyon din ni Tunying na gisingin ang mga natutulog na kaisipan ng mga kabataan at mga magulang na hindi tama ang pakikipagkita sa mga taong nakilala mo lamang sa social media.
    
Ang problema sa mga basher, mas mabilis din ang kamay kaysa sa kanilang mga utak! Kung hindi mo bibigyan ng obligasyon ang mga nagiging biktima, paulit-ulit lamang na lalaki ang kanilang populasyon dahil hindi sila natututo sa modus operandi ng mga halimaw sa lipunan.
    
Ilang kababaihan na ba ang naging biktima ng rape dahil sa maling desisyon na sumama sa taong nakilala lamang nila sa social media? Iyon ang gustong pigilan ni Tunying sa kanyang opinion at hindi ang panghihikayat sa mga rapist.
    
Marami talaga tayong mga kababayan ang umaastang moralista pero kapag tinanong mo kung ano ang nagawa nila para sa kanilang bansa, wala!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.