Metro mayors, dapat kumilos vs mga batang kriminal

September 18, 2018

KUNG hindi maipapakulong ang mga batang snatchers sa magkahiwalay na lugar sa Macapagal Blvd. sa Pasay City at sa Pedro Gil, Manila dahil sa Kiko Pangilinan Law, sana man lang ay makagawa tayo ng isang programang lulutas sa problemang ito.

Marami nang pininsalang kababayan natin ang mga kabataang ito na ang bisyo ay pasukin ang mga pampasaherong jeep habang naka-stop sa traffic lights.

Nadakip na ng mga Pasay police ang mga pusakal na bata sa Macapagal Blvd. at sa bahagi naman ng Maynila, napasakote na rin ni MPD director, Chief Superintendent Rolando Anduyan ang mga umatake sa Pedro Gil.

Pero dahil nga karamihan sa mga kriminal na ito ay minor, ang tanging magagawa lamang ng pulis ay ibigay sila sa DSWD.

Bad news ito para sa mga biktima at mga magiging biktima pa ng mga batang kriminal.

Kung palalayain lamang ang mga bata, para lang tayong nagpapalaki ng mga musmos na halimaw na pag dating ng takdang panahon ay magiging fully-grown monsters na sila sa kalye.

Naniniwala tayo na ibang klaseng chief of police si General Anduyan dahil nakita natin ang malaking pagbaba ng antas ng krimen sa Maynila magmula nang siya ang mamuno sa MPD.

Ang tingin ko, magandang gawin ni Gen. Anduyan ay ipadampot ang lahat ng mga batang hamog at mga rugby boys and girls sa Maynila kahit wala pang ginagawang krimen ang iba sa kanila.

Ito ang dapat maging agenda ng mga Metro Manila mayor sa susunod nilang meeting. Hindi lamang traffic at baha ang palaging nasa agenda ng council meeting dahil nasa harapan natin ang malaking problema.

Kaya lumubha ang problema natin sa mga batang kriminal ay mahabang panahon silang hindi pinansin ng local at national government. Pero local na pamahalaan ang dapat unang umaaksiyon dito.

Kung magkakaisa lamang ang Metro mayors, puwede silang bumuo ng council resolution para pagdadamputin na lahat ang mga batang pakalat-kalat, kriminal man o hindi.

Puwede silang dalhin lahat sa malaking rehabilitation facility sa Nueva Ecija para doon sila turuang maging mabuting tao.

Hindi magiging problema ang pondo kung talagang gugustuhin ng Metro mayors. Lahat ng local government ay may Special Education funds na puwede nilang gamitin ang ilang porsiyento para sa mga batang kriminal na ito.

Nananawagan tayo sa mga alkalde ng National Capital Region para simulan ang pagbuo ng plano ukol dito. Sampung libo ang kapasidad ng mega rehab facility sa Nueva Ecija na sa tingin natin ay sobra ito para mailagay lahat ng mga bata.

Technically, nasa custody sila ng gobyerno at hindi lalabag sa Juvenile Justice law ni Kiko. Doon ay tuturuan sila ng formal education, skills trainings, Bible study at Good Morals and Right Conduct.

Pagsama-samahin lamang sila ayon sa mga edad para maikategorya kung ano at paano sila tuturuan.

Hangga’t hindi natin sinisimulan ang programang ito para mapuksa ang Kiko Pangilinan fans club, magpapatuloy ang problema natin sa pagdami ng mga batang kriminal.

Isipin nyo lang na ang mga batang yan din ang nagkakatuluyan at kalaunan ay nagkakaanak ng mga panibagong henerasyon ng mga streetchildren na bandang huli ay magsisimula sa panlilimos hanggang maging kriminal na rin.

Umaasa tayong may isang alkalde ang tatayo para isulong ang totohanang programa sa batang kriminal bago pa mahuli ang lahat para sa kanila.

Naniniwala tayong kapag nagsanib ang puwersa ng Metro Manila mayors, DSWD, DepEd, Tesda at ang simbahan ay malulutas natin ang problemang ito sa mga kabataan.
allanpunglo@gmail.com

Tagged Under