5,022 guests

Menor-de-edad na sangkot sa krimen, dumarami

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 180

On the beat

HINDI na nakakapagtaka kung bakit nananatili ang paglobo ng bilang ng mga menor-de-edad na gumagawa ng iba’t ibang uri ng krimen, mula sa pagiging courier at runner hanggang sa pagtutulak ng iligal na droga, pagnanakaw, pananakit at pagpatay.

Ito’y dahil hindi na pala kayang tumanggap at mangalaga ng Social Welfare and Development Office ng karamihan sa mga lungsod sa Metro Manila at maging ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaya walang magawa ang mga pulis at barangay officials kundi pawalan o ibigay sa pangangalaga ng kanilang mga magulang ang nahuhuli nilang mga menor-de-edad na sangkot sa krimen.

Ang resulta, balik na muli sa lansangan ang mga kabataan upang muling gumawa ng iligal na aktibidad dahil mismong kanilang mga magulang ay hindi na sila kayang disiplinahin.

Ayon nga sa isang imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na humawak ng maraming kasong kinasasangkutan ng mga batang ang edad ay 15-anyos pababa na nasangkot sa iba’t ibang uri ng krimen sa northern area ng Metro Manila, nahihirapan na silang mag-turn over ng mga nahuhuli nilang mga menor-de-edad na nasasangkot sa krimen sa lokal na social welfare dahil tinatanggihan na ang mga ito.

Katuwiran daw ng mga local social welfare office, bukod sa wala na silang lugar na mapaglalagyan sa dami ng mga batang kanilang kinukupkop, hindi na rin sapat ang kanilang pondo para pakainin at damitan ang mga ito.
    
Itinuturo daw sila ng mga local social welfare and development office sa DSWD pero ganu’n din naman ang kanilang karanasan sa pambansang tanggapan dahil ituturo rin sila sa local social welfare.
    
Ang nangyayari tuloy, napipilitan ang mga pulis na ipatawag na muli ang magulang ng nahuhuling menor-de-edad upang sila na ang mangalaga sa pasaway nilang anak. Ang resulta, balik sa lansangan ang mga kabataan para muling gumawa ng iligal na aktibidad.
    
Siguro, panahon na upang amiyendahan ang umiiral na batas sa ilalim ng R.A 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act kung saan walang criminal liability ang mga nahuhuling kabataan na ang edad ay 15 pababa na gumagawa ng krimen. Sa totoo lang kasi, karamihan sa mga kabataang sangkot sa krimen ay mula 10 hanggang 15 taong gulang pa lang.

SABUNAN SA LUNES
    
Posibleng sabunin ni Northern Police District (NPD) Director Chief Supt. Amando Empiso, hindi lang ang city chief of police kundi maging ang mga Police Community Precinct (PCP) commander sa Caloocan City sa gagawin niyang pagpapatawag sa mga ito sa Lunes.    Sa impormasyong nakalap ng On The Beat, tila nauubos na raw ang pasensiya ni Gen. Empiso sa makupad na paggawa ng  spot reports ng Caloocan police kaya’t sa mga pahayagan at telebisyon na lang niya nalalaman na may nagaganap palang malalang krimen sa lungsod.
    
Malawak lang talaga ang pang-unawa ni Gen. Empiso lalo na’t hindi naman kaila sa kanya na bagito pa lang ang mga pulis sa lungsod bukod sa nasunog pa ang punong tanggapan pero hindi naman yata sapat ito upang pagtakpan ang kakulangan sa pagbibigay nila ng impormasyon sa District Director.
    
Hindi naman kasi nasunog ang cell phone ng mga pulis kaya ano ba naman ’yung i-text muna ang inisyal na impormasyon sa District Director para hindi naman siya magmukhang walang alam kapag kinapanayam ng mga mamamahayag kaugnay sa mga krimen sa Caloocan.
    
Sadya sigurong maunawain si Gen. Empiso pero sana raw ay huwag naman itong abusuhin dahil malinaw naman sa panuntunan na dapat ay ipaalam sa kanya kaagad kung may nangyaring malalaking krimen. Sa totoo lang daw kasi, hindi pa nasusunog at hindi pa napapalitan ang mga pulis ay makupad na talagang magbigay ng impormasyon ang Caloocan police sa kanilang District Director.

EMPLOYMENT FORUM
    
Umabot pala sa halos 250 estudyante sa Navotas Polytechnic College at Navotas Manpower Training Center (NMTC) ang lumahok sa Employment Forum na magbibigay sa kanilang kaalaman sa mga karapatan ng mga manggagawa, isyu sa recruitment at iba pang usapin sa pagtatrabaho rito sa sa ibang bansa.
    
Natuto ang mga estudyante, pati na ang mga lumahok na residente ng tungkol sa labor and oocupation safety standards mula sa DOLE, mga programa at serbisyo ng OWWA at anti-illegal recruitment campaign ng POEA. Ang maganda pa rito, ilan sa kanila ang nakakuha ng trabaho mula sa lokal na ahensiyang lumahok sa forum, kasama rito ang Philippine Navy.
    
“Gusto namin na magkaroon ang mga Navoteños ng disenteng pagkakakitaan. Gusto namin na kumita kayo nang sapat para sa inyong sarili at sa inyong mga mahal sa buhay,” pahayag ni Mayor John Rey Tiangco sa kanyang talumpati.
    
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga lumahok na wag sayangin ang mga oportunidad na dala ng mga nalalapit na programa ng pamahalaang lungsod, kabilang na rito ang Entrepreneurship Summit sa  Huwebes kung saan magsasalita ang negosyante tungkol sa entrepreneurial mind-setting.
    
Inanyayahan din ni Tiangco ang mga kalahok na mag-enrol sa NMTC para libre silang matuto ng mga kurso sa Technology Skills and Development Authority (TESDA) tulad ng welding, automotive servicing, ref & aircon servicing, bread & pastry production, dressmaking at iba pa,
    
Sa puna at reklamo, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0919-2425644