8,042

Mayor Aguilar umaksiyon vs Las Piñas street children

  • Written by Mario Fetalino Jr.
  • Published in Opinion
  • Read: 345

KAILANGAN ng inyong lingkod pasalamatan si Las Piñas Mayor Imelda Aguilar dahil sa mabilis niyang
pagtugon sa problema ng street children sa Barangay Pulang Lupa kamakailan.

Isang text message lang ang kinailangan sa tanggapan ni Aguilar para agad na mawala sa
lansangan ang mga bata na matagal nang  nagdudulot ng perwisyo sa lugar.
    
Batid marahil ni Aguilar na kung  patatagalin pa ang aksiyon ng lokal na pamahalaan, lalala
ang suliranin at hindi ito makakabuti sa mga mamamayan ng lungsod.
    
Nauna nang inireklamo ang mga street children na nagbibigay sakit- ulo hindi lamang sa mga
residente ng Woodridge Village kundi pati na rin sa mga negosyante sa nabanggit na lokalidad.
    
Tunay na mga menor na edad ang mga inirereklamo sa kasong panghihipo ng mga babae,
pagnanakaw ng cellphone at panggugulpi ng mga kapwa bata.
    
Sinubukan ng mga security guard na sawayin ang mga street children pero hindi sila natatakot
sa mga sikyu na kinalaunan ay naging biktima na rin ng pambabato mula sa mga pasaway na bata.
    
Naging mahirap para sa asosasyon ng village at mga may-ari ng mga tindahan sa lugar na
ayusin ang problema dahil nga sa menor de edad ang mga inirereklamo.
    
Alam naman natin na protektado ng batas ang mga street children kaya takot ang marami na
harapin ang mga problema na may kinalaman sa kanila kahit pa nagdudulot sila ng perwisyo.
    
Pero ginamit ni Aguilar ang kaalaman ng lokal na pamahalaan sa usapin ng street children at
gamit ang baranggay, agad silang ‘iniligtas’ mula sa mga mapanganib na lansangan.
    
Nakasisiguro ako na nai-turnover ang mga street children sa Department of Social Welfare and
Development na siyang mangangalaga sa kanilang kapakanan.
    
Maayos na ang lugar na dating pugad ng mga street children. Malinis, tahimik at ligtas.
Mabuti na lang at merong mayor ang Las Piñas na mabilis kumilos at maaasahan sa oras ng
pangangailangan.
    
Mabuhay ka, Mayor Imelda Aguilar!

* * *   

Hindi lamang ang Las Piñas ang may problema sa street children. Ang mga ibang syudad tulad
ng Quezon City at Manila ay problemado din sa mga batang kalyeng ito.
    
Kung tutuusin, halos lahat marahil ng lungsod sa bansa ay may street children na
nagsisilbing hamon sa mga lokal na pamahalaan.
    
Ibig sabihin, tumataas ang bilang ng mga street children na nangangailangan ng mas malaking
atensiyon mula sa mga nangangasiwa ng ating bayan.
    
Nariyan ang atensiyon sa kanilang mga kalokohan, pagkain, damit, tirahan, kalusugan at mga
tauhan na babayaran ng gobyerno upang sila ay mapangalagaan.
    
At ito marahil ang dahilan kung bakit nagpapabaya ang mga tiwaling magulang na gustong umasa
sa biyaya ng gobyerno sa akalang makakalibre sila sa pagpapalaki ng mga anak na dapat ay nasa ilalim
ng kanilang pangangalaga.
    
Kung magpapakatoo lang kasi ang ilang mga kababayan natin sa pagiging magulang, wala sana
tayong nakikitang mga bata sa lansangan.

* * *
    
For comments, please call or text 09055080126 or email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..