May sumisira sa magandang imahe ng National Bureau of Investigation?

TALAGANG kinuha muna natin ang numero ng dalawang opisyales ng National Bureau of Investigation (NBI) upang mailagay natin ang kanilang panig tungkol sa mga isyu laban sa kanila.

Salamat sa taong nagbigay sa atin ng numero na hindi na natin babanggitin ang pangalan.

Nagpapasalamat din tayo kina Atty. Jonard Malvar, acting regional director ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Region 4  at kay Head Agent Arnie Lazaro, hepe ng NBI-Cavite District Office, na nagbigay ng kanilang panig sa inyong lingkod.

Eto po ang kuwento, mga ate at kuya.

Ayon sa ating source, may mga inutusang tao umano sina Atty. Malvar at HA Lazaro upang manguha ng intelihensiya, ‘tongpats’ o lagay sa mga illegal gambling operators sa buong CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Ginagamit ang pangalan ni Malvar ng isang nagngangalang Alex at alyas Badong para manguha ng weekly payola sa mga iligalista sa Region 4.

Kay Lazaro naman ay isang nagngangalang Atty. Guevarra ang sinasabing kolektor umano nito sa illegal gambling.

Ang mga illegal na pasugalan po sa Region 4 ay jueteng, lotteng, small town lottery, perya at sakla.
Ayon kay Malvar, wala siyang kilalang Alex at Badong. Hindi umano totoong nagpaikot siya sa illegal gambling dahil isang linggo pa lamang siyang naka-assign sa Batangas mula sa dating assignment sa NBI-Bicol.

Ganito rin ang sagot sa atin ni Lazaro na nagsabing kung sinuman ang Atty. Guevarra na gumagamit sa kanyang pangalan ay walang katotohanan.

Sinabi ng dalawa na nakahanda silang magpasailalim sa imbestigasyon sa NBI Headquarters upang malinis ang kanilang pangalan.

Isang mobile phone number 0918-6259776 ang ginagamit na pantawag sa telepono nina Alex at Badong sa mga iligalista.

Ibinigay natin ang numerong ito kay Malvar upang ma-counter check niya ang nasabing numero.

Sa kabilang dako, umaasa tayong magkakaroon ng sariling imbestigasyon hinggil dito si NBI Director Dante Gierran dahil alam natin na galit sa mga ganitong uri ng sumbng ang magaling  na opisyal.

Sigurado ako na masinsinan din ang gagawing pagsisiyasat ni NBI-Deputy Director for Regional Operations Service (DDROS) Atty. Antonio Pagatpat dahil hindi magandang tingnan na ang mga lokal nating opisyales sa mga probinsiya ay nasasangkot sa ganitong uri ng kontrobersiya.

Maaaring may mga pekeng NBI ang gumagamit sa pangalan nina Malvar at Lazaro. Pero sana, sa mga ganitong uri ng impormasyon, sina Malvar at Lazaro na mismo ang kumilos para hulihin sina Alex, Badong at Atty. Guevarra.

Maaari ring tumulong si  NBI Cybercrime Division Chief Victor Lorenzo para ma-trace ang mobile phones na ginamit nina Alex at Badong.

Naniniwala tayong hindi papayag sina Gierran at Pagatpat para lamang sirain ang magandang imahe ng NBI.

Kamakailan, isinulat na natin si Frank Pilay na kolektor naman ng NBI sa buong Region 3.

Sa pinaka-latest nating impormasyon, hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang ikot nito at ginagamit pati ang opisina ng PNP-PRO3, CITF at CIDG.

Sa susunod, isang NBI employee rin na may alyas na Payatsan ang pasok naman sa ‘Paihi Gang’  sa Region 3 at 4.

Abangan!