May naipakulong ba sa mga nambababoy sa Boracay?

September 16, 2018

SA Oktubre 26 na bubuksan muli para sa mga turista ang Boracay Island.

Ito’y bilang pagtalima sa ipinangako ng pamahalaan na sa loob ng anim na buwan, sisikaping buksan ang Boracay upang maibalik ito sa dating sigla.

Ayon kay Tourism Sec. Berna Romulo-Puyat, ‘soft opening’ pa lamang ang magaganap sa susunod na buwan.

‘First phase’ pa lamang aniya ito at ang ‘2nd phase’ ng ‘rehabilitation’ ay magaganap sa buwan ng Abril sa susunod na taon at matatapos nang tuluyan ang pagsasaayos sa Boracay sa December 2019.

“You cannot rehabilitate an island in six months, so it’s only a soft opening,” anang sekretarya. Ang Boracay rehabilitations ay dinatnang proyekto na lamang nito  matapos palitan si dating Tourism Sec. Wanda Teo na nagbitiw dahil sa kontrobersiya sa multi-million peso halaga ng advertising contract na kinasangkutan ng kapatid na si Ben Tulfo.

Nakasalalay aniya ang April 2019 deadline sa ‘2nd phase’ ng rehabilitasyon sa Department of Public Works and Highways na ang layunin ay pagandahin at ayusin ang mga pangunahing kalsada. Ngunit nilinaw na depende pa rin aniya ito sa mga lagay ng panahon dahil panahon ng tag-ulan ang bansa hanggang sa mga susunod na taon.

Aabot sa P1.1 billion naman ang budget ng Department of Tourism at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority para sa pagsasaayos sa drainage at sewerage system na siyang kukumpleto ng rehabilitasyon bago dumating ang taong 2020.

Desidido ang Tourism secretary na palimitahan ang mga dumarating na turista sa Boracay upang maiwasan ang pagkakasira nito tulad ng nakalipas. Nakipag-ugnayan na aniya sila sa Local Government Units at airline companies upang palimitahan ang kanilang biyahe kada araw patungong Caticlan at Kalibo na siyang ‘gateway’ ng mga turistang pumapasok sa Bora.

Habang papalapit ang muling pagbubukas ng Boracay sa susunod na buwan, umabot lamang sa 180 establisimento ang nakapasa sa ‘requirements’ na hinihingi ng pamahalaan.

Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Jonas Leones, siyam na porsiyento lamang ang bilang na ito mula sa kabuuang 2,300 establishments na mayroon ang Boracay.

Ibig sabihin, iilan lamang ang ‘compliant’ sa ngayon at karamihan pa sa kanila ay wala pang kaukulang dokumento upang makapag-operate sa isla ng Boracay.

Magandang balita ang ginagawang paghihigpit ng pamahalaan sa mga namumuhunan sa Boracay.

Dapat  talagang magkaroon ng mahigpit na panuntunan mula sa ‘environment certificate’ hanggang ‘sanitary, health, sewerage’ at kahit ‘building permit.’ Isang magandang simula ito para maisalba nang tuluyan ang pagdumi sa isla.

Pero ang ibinunyag na bilang ng mga ‘compliant’ ngayon ay pagpapakita na 91 percent sa 2,300 establishments ang kulang pala sa kaukulang ‘permit.’ Pagpapatunay ito na noon pa man, naging maluwag ang pamahalaan sa pagpapahintulot sa  nagtatayuang establishments sa Boracay island na alam nating ‘pera’ ang dahilan.

Noong unang sigwada ng pagpapasara sa isla ng Boracay, panay ang ulat ng pamahalaan sa mga nadiskubre nilang tubo mula sa kusina at banyo ng mga hotel at restaurant sa Bora kung saan ay itinatapon ang mga dumi sa mismong dagat.

Pero wala tayong narinig kung anu-anong hotel at restaurant ang mga ito at wala ring malinaw na pahayag kung may nademanda ba sa kanila, napagmulta o naipakulong.

Kahit ang local at iba pang DENR officials ay wala nang malinaw na detalye kung may naipakulong na ba ang pamahalaan na silang kumunsinti upang masalaula ang isla ng Boracay.

Tunay na magandang balita ang napipintong pagbubukas muli ng Boracay.

Positibo rin ang magandang plano ng pamahalaan ngayon upang limitahan ang mga turistang dumarating sa Isla upang hindi ito mababoy araw-araw.

Ngunit higit na inaasahan ng taumbayan na makilala, matukoy at mapanagot ang mga taong tunay na sangkot kung bakit ba nababoy nang husto ang Boracay.

Sana naman, alang-alang sa ‘political line’ ng Duterte administration na ‘change has come,’ maipakita rin sa taumbayan kung paano sila papanagutin -- hindi lamang sa pagpataw ng multa sa kanila -- kundi dapat silang makulong upang hindi na pamarisan pa ng ilang namumuhunan sa iba pang ‘tourist spot’ sa bansa.