Matuturuan pa ba ng prinsipyo ang mga taga-Bureu of Customs?

NAKAKADISMAYA ang tindi ng korapsyon sa Bureu of Customs. Sa halip mapigil ang pagpasok ng droga sa Pilipinas, ito pa ang nagiging daan para dumagsa ang bilyun-bilyong halaga ng shabu sa ating bansa.

Nuong isang taon, napaulat na P22 bilyong shabu ang nakalusot sa BoC sa pamumuno ni dating Commisioner Nick Faeldon, dahilan upang siya’y magbitiw sa tungkulin. Nitong Agosto, P11 bilyong halaga ng shabu ang muling nakalusot sa BoC sa pamumuno ni Commissioner Isidro Lapeña, dahilan upang siya’y tanggalin sa pwesto.

Nagtatanong ang ating mga kababayan, magagaling na opisyal ng sandatahan sina Faeldon at Lapeña, bakit sila nalulusutan ng mga smuggler?  

Ayon kay Pangulong Duterte nalusutan ang dalawang opisyal dahil ang BoC ay pinapatakbo ng mga sindikato na ang mga namumuno ay mismong mga opisyal at empleyado nito. Dahil rito, ang solusyon ng Pangulo ay tanggalin ang lahat ng top officials ng bureau at palitan ng mga sundalo. “Military take-over”, ang solusyon ng Pangulo sa kurapsyon sa BoC.

Ako’y suko sa tindi ng kurapsyon sa BoC. Kung ako’y may kapangyarihan, ituturo ko sa kanila ang aking sinulat sa aklat ng Magkaisa Para sa Bayan, tungkol sa paninindigan, katotohanan at karangalan.

Papasok pa kaya ito sa bulok at inuuod na kokote ng mga taga-Boc? Narito po.

“Upang makapagtayo at makapagbuo ng ligtas, mapayapa, makatarungan,   malinis at maunlad na lipunan ay kailangang ang mga mamamayan ay may mataas na antas ng paninindigan at mapagpahalaga sa katotohanan at karangalan.

Ang paninindigan ay para sa tama lamang. Hindi tayo maaaring manindigan para sa mali. Ang katotohanan ay para sa totoo lamang. Hindi maaaring magkatotoo ang kasinungalingan. Ang karangalan ay para sa kabutihan lamang. Hindi maaaring maging karangalan ang kasamaan.

Ang pagkakaroon ng mataas na antas ng paninindigan at pagpapahalaga sa katotohanan at karangalan, kung tutuusin ay hindi na kailangang ipaliwanag sa ating mga mamamayan. Alam natin ang tama at mali. Hindi maaaring maging tama ang mali. At hindi maaaring maging mali ang tama.

Kung tayo’y pakikiusapan ng ating pinaglilingkuran o ng ating  kaibigan na gumawa ng mali upang siya’y matulungan at ito’y gagawin natin sa kabila ng kaalaman nating ito’y mali ay wala tayong paninindigan at hindi natin pinahahalagahan ang katotohanan at ating karangalan.

Subali’t kung sasabihin natin na hindi natin magagawa ang kanyang ipinagagawa, sapagka’t ito’y mali at labag sa ating kalooban  at ipaliliwanag natin na handa tayong tumulong sa tamang paraan at sa abot lamang ng ating makakaya, tayo ay may paninindigan at nagpapahalaga sa katotohanan at karangalan.

Ito ang masama sa ating lipunan. Alam na nating mali ay ginagawa pa rin natin, kumita lang tayo ng pera.

Alam nating masama ang pumatay at magnakaw ay ginagawa pa rin natin ito.  Alam nating masama ang droga  ay tinutulak pa rin natin ito. Alam nating masama ang prostitusyon ay hinahayaan pa rin natin ito. Alam nating mali ang sugal ay pinalalaganap pa rin natin ito.

Alam nating kapangyarihan at negosyo lamang ang habol natin sa pamumulitiko ay kumakandidato pa rin tayo. Alam nating mali ang ginagawa ng pulitiko ay pinaglilingkuran pa rin natin ito. Alam nating hindi dapat ipagbili ang ating boto ay ipinagbibili pa rin natin ito.

Marami pang mga maling gawain na alam nating mali ang patuloy nating ginagawa, na para bang hindi natin kayang mamuhay nang tama.

Marami nang nagsabi na “hindi nakakain ang prinsipyo.” Totoo. Sapagka’t talaga namang hindi kinakain ang prinsipyo. Ang prinsipyo ay hindi nakikita at hindi nalalasahan, subali’t ito’y maaaring panghawakan at dapat maging gabay sa ating pagkatao.

Ang pagkakaroon ng mataas na antas ng paninindigan at ang  pagpapahalaga sa katotohanan at karangalan ay ang kabuuan ng ating prinsipyo.

Huwag nating ipagbili ang ating prinsipyo. Huwag nating hayaang lumaki ang ating mga anak na walang prinsipyo. Huwag tayong patalo sa mga gahamang tao na pati ang prinsipyo na hindi nakikita at hindi nalalasahan ay gustong lamunin.

Gawin natin ito alang-alang sa ating pamilya, kapwa at Inang Bayan.