Matindi pa rin ang problema sa droga

October 12, 2018

HANGGANG ngayon ay malaki pa rin ang problema ng bansa sa illegal drugs. Sa kabila ng matinding kampanya na inilunsad ni Pangulong Duterte, hindi pa rin maubos-ubos ang supply ng illegal drugs at marami pa ring gumagalang pushers at adik.

Hindi pa nangyari sa kasaysayan ng ating bansa ang ganitong kalakas na kampanya laban sa illegal drugs. Marami ang nagtatangkang humarang at pumigil sa operasyon ng gobyerno laban dito pero consistent ang Pangulo na linisin ang bansa laban sa salot ng droga.

Iyong mga pumipigil sa kampanya ay mga taong hindi alam o nagmamaang-mangan laban sa katotohanan na ugat ito ng maraming krimen.

Paulit-ulit nang napatunayan na kapag bangag ay wala nang kinikilalang katwiran ang mga ito. Pakiramdam nila, mga super hero sila na hindi tinatablan ng bala kaya ganoon na lamang sila mag-amok.

Kaya nga may mga pagkakataong sinasaksak o pinapalo ng martilyo o adobe ng adik ang kanilang mga kapamilya sa loob ng bahay dahil nag-iiba talaga ang kanilang karakter kapag bangag.

Iyong sinasabing tamang hinala, totoo iyon sa mga sugapa sa droga kaya konting kaluskos, tingin nila ay may papatay sa kanila. Natatandaan ko, may isang dati akong kaibigan na dumating sa aming bahay na naka-taxi.

Magmula lang sa Caloocan hanggang San Bartolome, Novaliches (mga 12 kilometers ang distansiya), ang dungis niyang dumating sa bahay. Nang babayaran ko na ang taxi, nagulat ako dahil P970 ang metro na karaniwan ay P150 lang. Tinanong ko ang driver bakit ganoon kalaki, sabi niya, kung saan-saan daw siya pinadaan at pinaiikot ng pasahero.

Kaya pala, sabi ng kaibigan kong pasahero sabog pala sa droga, may humahabol daw sa kanya at papatayin siya kaya ginawa niyang James Bond ang taxi na pinaarangkada at pinalusot kung saan-saan. Binayaran ko na ang driver at dinagdagan ko pa para ihatid ulit ang pasahero sa kanilang bahay.

Ganoon ang ugali ng nakadroga, pakiramdam nila, lahat ng taong nakakatabi nila ay may masamang balak kaya humahantong sa pagpatay.

Iyong ibang bangag, walang takot na manghoholdap, manggagahasa kahit sanggol dahil wala nga sila sa katinuan.

Ito iyong larawan ng krimen na gustong mabura ni Digong pero may mga awtoridad pala ang mismong nagpapakalat ng illegal drugs. Masyadong lumawak ang problema ng bansa dahil wala namang naging seryosong kampanya laban dito ang lahat ng dumaang administrasyon.

Kaya nga iyong mga nagdarasal na magkasakit ang Pangulong Duterte upang sila na naman ang makabalik sa kapangyarihan, maghunos-dili kayo. Almost narco state na tayo na lima singko ang droga nang dumating si Duterte dahil sa kanilang kapabayaan tapos gusto na naman nilang makapuwesto.

Tsk, tsk, tsk, wala talaga kayong awa sa ating bansa.

allanpunglo@gmail.com