Matagal nang ‘abusado’ si Chairman Falcon

November 05, 2018

“IN THE limelight” ngayon -- “salamat” sa ‘social media’ -- itong sa Bgy. 350, Zone 35 (District 3, Maynila), chairman, Felipe de Leon Falcon, Jr.

Dangan kasi, katulong ang kanyang mga “kainuman” na mga “barangay tanod” niya, isang “binatilyo” na residente ng karatig-barangay (Bgy. 348) ang pumutok ang ulo at nagtamo ng mga pasa at galos sa katawan, matapos ma-torture, agh, “bugbugin” nitong si Chairman Falcon.

And take note, DILG undersecretary for barangay affairs, Martin Diño, ang “panggugulpi” nitong grupo ni Chairman Falcon ay nangyari mismo sa loob ng barangay hall ng Bgy. 350, kung saan doon din umano nag-iinuman itong sina chairman, ayon sa sumbong ng ating mga miron.

At ano ba ang naging “kasalanan” nitong kanilang biktima at “matindi” ang naging galit nitong si Chairman Falcon, tanong mo ba, CHR chairman, Chito Gascon?

Ang siste, hindi pala siya kilala nitong kanilang biktima (dahil nga sa ibang barangay nakatira) at “napagkamalan” umano siyang “kagawad” (lang) ng Bgy. 350 kaya marahil, “nainsulto” at bilang “pagpapakilala,” ginulpi -- nang husto -- ang pobreng binatilyo.

Sa ganang atin naman, mga “kapatid” sa media d’yan sa Manila City Hall at sa MPD, “matagal” na nating “kilala” itong si Chairman Falcon. Matagal na natin siyang kilala bilang isang abusadong lingkod-bayan!

Kaya nga, nang makita ko sa ‘social media’ ang ginawa nitong si chairman, “it rung a bell in my mind,” wika nga, kaya “binungkal” ko ang aking mga nakaraang kolum at ‘presto,’ kasamang Jen Calimon ng TV5, naisulat ko na nga pala, ‘not once, but twice!’ si Chairman Falcon, ahahay!

Una pala nating tinawag ang pansin ng administrasyon ni pangulong-mayor Erap Estrada hinggil dito kay Chairman Falcon sa ating kolum na lumabas noong Martes, Oktubre 17, 2014 (Work, No Pay in Manila) -- higit 4 na taon na ngayon ang nakaraan.

Narito (ulit) ang ilang detalye ng mga reklamo ng mga residente ng Bgy. 350 na inilabas natin dito sa nasabing petsa:

“Sa 3-pahinang litanya ng reklamo na natanggap ko na may 16-detalye ng “kasalanan” nitong si Falcon, ang “mabibigat” sa mga ito ay: 

“1.  Hindi pagbibigay ng ‘honoraria’ ng mga kagawad sapul pa noong Abril; wala pa rin umanong ‘liquidation’ ang payroll ng mga barangay official simula naman sa ‘last quarter’ ng 2013 at kahit ngayong 2014, batay naman umano sa rekord ng city accountant ng Maynila. Kumbaga, ‘work, no pay’ ang mga taga-Bgy. 350, nyeh!;

“2. ‘Appointment’ ng barangay treasurer at secretary na hindi residente at hindi botante sa kanilang lugar; ganito rin umano ang kanyang estilo sa ‘apppointment’ ng mga barangay tanod, fire brigade, streetsweeper, caretaker, driver at mga miyembro ng lupong tagapamayapa -- pulos hindi umano residente at botante ang kanyang kinakandili sa Bgy. 350;

“3. Ang masakit pa umano, tamad namang mag-duty, partikular na kung gabi ang mga striker, err, barangay tanod nitong si Falcon at siya lang ang may kilala sa kanila dahil ang ‘roster ay hindi naman dumaan sa konseho pero tuloy din ang kanilang suweldo;

“4. Wala na rin umanong regular na pagpupulong ang barangay council at kahit ‘emergency meeting’ ay wala rin umanong ipinapatawag itong si Falcon katulad ng ma-carnap ang sasakyan ng barangay (Mitsubishi Adventure) na na-recover naman ng PNP sa Laguna. Ang tanong: ‘Nasaan na ang sasakyan, tserman?’

“5. Ayaw rin umanong magbigay ng duplicate na susi sa barangay hall itong si Falcon kaya sa labas ng barangay hall nagta-trabaho ang ibang opisyales; hindi rin umano sinasabi sa kanila kung may mga local events sa kanilang lugar kaya nagmumukhang “estranghero” at “tolongges” ang ibang opisyal ng barangay…

“... Ang “naglalarong” tanong naman sa isip ko, kasamang Itchie Cabayan, ‘Saan naman kaya kumukuha ng kapal, agh, lakas ng loob, itong si chairman Falcon para patuloy niyang abusuhin ang kanyang puwesto?...

“... At siyempre, ayaw paniwalaan ng mga residente na kaya mistulang “diktador” ang dating ni Falcon ay dahil “rekta” umano siya sa City Hall. Aba, mukhang may “padrino” nga kaya tuloy lang ang ligaya, ganun ba ‘yun?...”

* * *

Halos 2 taon naman pagkatapos nito, muli nating “hinagod” si chairman Falcon, sa ating kolum na lumabas noong Martes, Disyembre 20, 2016 (‘Paano naman ang mga “pasaway” na chairman, Boss Erap?’), kung saan naisulat natin na, “basa!”

“Malapad” ang ngiti ngayon ng mga barangay chairman sa Maynila dahil hindi lang nila nakikita, bagkus, “damang-dama” pa nila ang atensyon na ibinibigay sa kanila ni pangulong-mayor, Joseph ‘Erap’ Estrada.

“Dangan kasi, dito sa ikalawang termino ni Boss Erap, aba’y talaga namang “siksik, liglig at umaapaw” ang tulong at suporta niya sa mga ito partikular na sa ayudang pinansiyal…

“... Ngayong taon naman, patuloy na “bumubuhos” ang salapi mula sa city hall papunta sa mga barangay ng lungsod…

“... Eh, paano naman kaya kung talagang “masamang asal” at “pasaway” ang ilan sa mga barangay chairman, aber? Hindi ba dapat din naman silang “kalusin” ni Boss Erap?

“Katulad na lang nitong si Bgy. 350 Zone 35 chairman, Felipe Falcon Jr.

“Kung hindi tayo nagkakamali, inireklamo na ito noon kay Boss Erap, sinibak sa puwesto pero, nakabalik pa rin, talaga rin naman!

“Alam kaya ng city hall na batay sa reklamo sa atin, hanggang ngayon, hindi pa nakukuha ng mga kagawad dito ang kanilang mga ‘honoraria’ para sa taong ito?

“Ang sumbong pa, “ginigipit” sila ni chairman Falcon dahil lang sa pulitika!

“At isa umano sa “pinakamakulit” sa isyu ng pagkuha sa kanilang honoraria (na itinakda naman ng batas) ay itong si barangay kagawad Edmund Carranza.

“‘Yun nga lang, Boss Erap, kung gusto mong makausap itong si kagawad Carranza upang marinig naman ang kanilang reklamo laban sa kanilang chairman, imposible na.

“Dangan kasi, binaril (pinatay) si Carranza sa tapat mismo ng kanyang bahay sa M. Natividad St., Sta. Cruz, noong umaga nang Oktubre 22 (2016).

“At patuloy umanong nagdadalamhati ang kanyang mga kaibigan at pamilya dahil hindi pa rin umano nareresolba ang kanyang kaso…”

* * *

Ang “moral” of the story, mga kabayan? Kung noon pa lang, nagpakita na ng ‘political will’ ang DILG at ang tanggapan ni Boss Erap sa mga abusadong opisyal na katulad nitong si tserman Falcon, naniniwala tayong hindi na mangyayari ang masaklap na karanasan nitong binatilyo na binugbog niya noong isang araw dahil, matagal na dapat itong natanggal sa puwesto at “naghihimas” ng rehas na bakal.

At dahil nga walang ‘political will,’ ‘yan ang resulta, tsk,tsk!

‘Our parting word on this issue? Eh, ‘di… wow, hehehe, ayy, huhuhu!