5,482 guests

Mas matinding Anti-Hazing Law

  • Written by Cong. RICKY SANDOVAL
  • Published in Opinion
  • Read: 871

KUNG tutuusin, hindi tama na tawaging “Anti-Hazing Law” ang Republic Act 8049. Title pa lang nito ay
sinasaad agad na ito ay isang batas na nagre-regulate lamang sa hazing. Hindi nito ganap na
ipinagbabawal ang hazing.

Sa pagkamatay ng isang UST law student sa kamay ng Aegis Juris Fraternity, muli na namang
nabuhay ang usapin na amyendahan ang RA 8049. Ano nga ba ang kahinaan ng batas?
    
Dapat muna nating maintindihan na hindi pwedeng buwagin ang  fraternities o sororities sa
lipunan. Ang karapatang bumuo at sumali sa mga organisasyon ay isang karapatan na pinuprotektahan ng
ating Konstitusyon.
    
Ayon naman sa ilang mga research sa psychology, ang hazing o ang pananakit sa mga nais maging
myembro ng isang grupo ay gumagawa ng social cohesion at group fusion sa naturang grupo. Ito rin ang
paliwanag ng dating Senador Joey Lina na siyang punong may akda ng RA 8049.
    
Ayon kay Sen. Lina, dahil sa hazing ng neophytes ng isang frat o soro kaya mas matindi ang
bonding ng mga myembro kumpara sa ibang organisasyon na walang physical contact.
    
Paliwanag pa ni Sen. Lina, mas mahihirapan tayo na pigilan ang insidente ng hazing kung tuluyan
itong ipagbabawal dahil kikilos ng “underground”o patago ang mga grupong ito. Mainam nang may control
ang lipunan sa aktibidad nila kesa wala.
    
Sa batas kasi, kailangang magpaalam muna ang mga frat o soro sa mga opisyal ng school o
organisasyon pitong araw bago ang nakatakdang hazing. Kailangan nilang ihayag ang mga pangalan ng mga
aplikante nila at ang lugar at araw ng pagdarausan nito. Sinasaad din sa batas na dapat ay may kinatawan
ang alumni ng grupo at school habang isinasagawa ang initiation rites.
    
Napakaganda talaga ng layunin ng batas dahil binabalanse nito ang kagustuhan ng grupo na
magkaroon pa rin ng “social cohesion” habang tinitiyak nito ang kontrol ng lipunan para sa kaligtasan ng
mga aplikante.
    
Subalit karamihan talaga sa mga grupo lalo na ang mga frat o soro ay nabubuhay sa doktrinang
omerta o secrecy. Hangga’t maaari ay ayaw nilang ipaalam ang detalye ng kanilang mga aktibidad.
    
Dagdag pa rito, may schools na hindi nire-recognize ang mga frat o soro sa kanilang institusyon
kahit alam naman ng mga estudyante na buhay na buhay ang recruitment sa campus.
    
Ang  factors na ito ang dahilan kung bakit hindi talaga naiimplement nang maayos ang RA 8049.
    
Sa pag-amyenda ng batas, dapat ay ibigay natin ang responsibilidad sa mga opisyal ng mga
paaralan na irehistro ang lahat ng organisasyon sa kanila. Hindi na pwede ’yung polisiya ng ibang
schools na may mga non-recognized organization sa kanila.
    
Isa kasi itong dahilan kung papaano nakakalusot sa asunto ang mga opisyal ng schools o
institusyon. Sasabihin lang nila na hindi rehistrado sa kanila ang grupo kaya wala silang pananagutan sa
oras na may nasaktan sa hazing.
    
Nararapat na rin siguro na ang school o institusyon na mismo ang magbigay ng lugar o venue sa
pagdadausan ng initiation rites. Karamihan kasi ng ganitong aktibidad ay ginagawa sa mga tagong lugar
kung saan mahirap talagang i-monitor kung may physical contact na bang nagaganap.
    
At dahil sa secrecy ng mga grupong ito, siguro dapat obligahin ang mga paaralan na magkaroon ng
sistema kung paano makakapagsumbong ang mga estudyante sa oras na malaman nila ang mga ipinagbabawal na
mga aktibidad na ito.
    
(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook:
@RickySandovalMalabon)