5,173

Maria Lourdes Sereno: Abogado, propesor ng batas at Punong Mahistrado

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 504

KAPAG ikaw ay abogado, aasahan ng mga tao na alam mo ang batas at sumusunod ka rito.

Kapag ikaw ay nagtuturo ng batas, aasahan ng mga tao na mas alam mo ang batas at ikaw ang magtuturo sa mga mamamayan ng pagsunod rito.

Kapag ikaw ang Punong Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman ng Pilipinas, ituturing ng mga tao na ikaw ang may pinakamalawak na kaalaman sa batas at ang unang-unang sumusunod o tumatalima rito.

Ayon sa isang prinsipyo sa batas, “ignorantia legis neminem excusat” o “ignorance of the law excuses no one from compliance therewith.”

“Ang kawalan ng kaalaman sa batas ay hindi dahilan upang hindi sumunod rito ang sinuman.”

Dahil si Maria Lourdes Sereno ay abogado, propesor ng batas at ang Punong Mahistrado ng ating Kataastaasang Hukuman, alam niya ang batas tungkol sa pag-file ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng lahat ng mga opisyal at kawani ng gobyerno, kada taon, sa ilalim ng ating Saligang Batas (Section 17, Article XI of the 1987 Constitution) at Section 8 ng R.A. No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).

* * *

Si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay dating propesor ng batas sa Pamantasan ng Pilipinas, College of Law. Siya ay nagturo rito sa loob ng 20 taon, simula 1986 hanggang 2006.

Dahil ang U.P. College of Law ay pag-aari ng pamahalaan at si CJ Sereno ay nagtrabaho rito bilang propesor, maliwanag na siya’y empleyado o kawani ng gobyerno at bilang empleyado ng gobyerno, tungkulin niyang mag-file ng SALN sa bawat taon ng kanyang pagtuturo o pagtratrabaho sa nasabing pamantasan.

Sa kasong Quo Warranto na isinampa ni Solicitor General Jose C. Calida laban kay CJ Sereno sa Korte Suprema, sinabi ng una, na sa loob ng 20 taong pagtuturo sa UP College of Law, 11 beses o taon, hindi nag-file ng SALN si Sereno.

Ang lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno, simula Pangulo hanggang pinakamababang janitor ay pinag-uutos ng batas na mag-file ng SALN taun-taon.

Sariwa pa sa ating isipan ang impeachment ni dating Supreme Court CJ Renato Corona na pinatalsik ng Senado dahil sa pagsumite ng depektibong SALN. Hindi niya nailagay sa kanyang SALN ang tunay na halaga ng kanyang yaman.

Mas matindi ang kaso ni CJ Sereno, sapagkat ang paratang sa kanya ay hindi ang hindi paglagay ng tamang halaga ng yaman sa SALN, subali’t ang mismong hindi niya pag-file ng SALN. At ang hindi niya pag-file ng SALN ay hindi sa loob ng isang beses o taon lamang, subali’t 11 beses o taon.

Samantalang ipinag-uutos ng batas na taun-taon ay dapat nagsusumite siya ng SALN, sa kanyang kaso ay labing-isang beses o taon siyang hindi nagsumite nito.

Bilang abogado, propesor ng batas at Punong-Mahistrado, alam ni CJ Sereno ang kaso ng isang titser na nabanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati, na natanggal sa serbisyo dahil sa hindi pag-file ng SALN sa loob ng isang beses o taon lamang.

Kung ang gurong ito ay natanggal sa serbisyo dahil sa minsang hindi pag-file ng SALN, bakit hindi maaaring disiplinahin ng kanyang mga kapwa mahistrado si CJ Sereno, sa hindi niya pag-file ng SALN nang labing-isang beses o taon.

Alam ni Sereno na may nilabag siyang batas noong mag-apply siya bilang miyembro ng Kataastaasang Hukuman noong 2010 at bilang Punong Mahistrado noong 2012, ang nasabing hindi niya pag-file ng SALN sa loob ng 11 taon.

In short, she did not come to the SC with clean hands when she applied as Associate Justice of the Court in 2010 and as its Chief Justice in 2012.

Hindi malinis ang kanyang mga kamay nang iharap niya ang kanyang sarili bilang miyembro at Punong Mahistrado ng Korte Suprema ng mga nasabing taon. Dahil rito, hindi niya dapat pagliyabin ang damdamin ng taumbayan sa pagkakasibak niya sa Korte Suprema, sa kamay ng mga kapwa niya mahistrado, sapagkat kagagawan niya ito.

Dapat na ring tumigil ang mga nagsasabing ang pagtanggal kay Sereno sa pamamagitan ng Quo Warranto ay lumabag sa independence ng Supreme Court, sapagkat ang Desisyon ng Korte Suprema na nagpatalsik kay Sereno ay paglilinis ng kanilang hanay, ayaw nilang ang kanilang Pinuno ay malinaw at payak na halimbawa ng tahasang paglabag at hindi pagsunod sa batas.