6,115

Mapangalaga at kalinga sa kapaligiran at lawak ng kalikasan

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 351

NOONG nakaraang Abril 22 ay Earth Day. Ang unang Earth Day ay noong Abril 22, 1970. Ngunit ito ay naging mas malawakan at taunang selebrasyon lamang noong 1990. Bilang paggunita sa Earth Day noon Linggo, ating inilalathala dito ang ika-24 na kabanata ng Aklat ng Malakas. Nawa’y matutunan nating pahalagahan ang ating kalikasan at pangalagaan ito, hindi lang para sa ating sarili, kundi para sa ating kabataan at mga anak. 

* * *

Ang bawat mamamayan ay dapat mapangalaga at kalinga sa kapaligiran at lawak ng kalikasan.

Ang kawawang kalagayan ng ating kalikasan ay makikita nang kabuuan kung tayo ay nasa himpapawid.

Matatanaw natin na halos lahat ng ating kabundukan ay ahit. Hindi lamang sa mga kabundukan walang kapararakang pinuputol natin ang mga puno, subali’t maging sa kalunsuran. Sa Kalakhang Maynila ay walang hanay ng mga puno sa ating mga dinaraanan. Mas marami pa ang bilang ng mga poste ng kuryente kaysa mga puno sa ating kalunsuran, kaya’t ang nalalanghap at nadarama natin ay maruming hangin at nakapapasong init.

Ang gahamang pagputol ng mga puno at pagkalbo sa kabundukan ay maraming beses nang naging sanhi ng kamatayan ng ating mga kababayan. Tulad ng nangyari sa Ormoc, Leyte, kung saan, dahil sa walang pakundangang pagputol ng mga puno at patuloy na pag-ulan ay nilamon ng rumaragasang agos ng tubig at putik, mula sa kabundukan, ang isang bayan, na ikinamatay ng libu-libong mamamayan.

Kamakailan ay maraming pamilya ang namatay dahil sa pagguho ng lupang kinatatayuan ng kanilang tahanan. Hindi sana nangyari ang trahedya sa Cherry Hills, Antipolo City, kung hindi pinagpupuputol ang mga puno rito at kung hindi pinatag at pinahina ang bundok sa paligid nito.

Dahil sa sukdulang pagwasak sa kalikasan ay wala tayong huni na mapakinggan. Nilisan tayo ng mga ibon dahil pinutol natin ang mga punong kanilang dinadapuan at pinagpupugaran. Kay ganda sanang pakinggan ang huni ng mga ibon, subali’t dahil sa paghalay natin sa kalikasan ay nawalan tayo ng karapatang makarinig ng kanilang awitan.

Sa lungsod ay walang mga ilog na mapasyalan o mapaglanguyan. Ang ilog Pasig na maganda sanang daanan at pasyalan ay hindi malapitan dahil sa amoy na nakasusuklam. Ginawa natin itong basurahan hindi lang ng dumi, subali’t ng mga taong ating pinaslang. Ang tubig nito’y lason, hindi lang sa tao, subali’t sa mga isdang dito’y dating naninirahan.

Ang mga estero natin ay patay, itim at barado ng mga basura at putik. Dahil dito, sa kaunting ulan ay binabaha ang ating paligid. Maging ang ating karagatan ay marurumi at hindi mapaglanguyan. Ang mga lumulutang dito’y mga basura, dumi ng tao, langis at plastik.

Nasaan ang pagmamahal natin sa kabataan?

Ilang taon na lang ay wala nang malalabi sa ating kapaligiran. Ang ating kabundukan at parang ay matutuyot at magiging disyerto ng ating kapabayaan sa kalikasan. Wala nang mga punong paglalaruan ang ating mga anak. Wala ng sariwang hangin na malalanghap. Wala ng malinis na tubig na iinumin. Walang huni ng ibon na pakikinggan. Wala ng isdang matitikman. Wala ng ilog at dagat na lalanguyan. Papasuin at tutuyuin sila ng matinding init na sanhi ng ating paghalay sa kalikasan.