Manggagawang Pilipino nasasapawan ng dayuhan

September 29, 2018

KAILANGAN mag-usap ang DepEd, TESDA, CHED, DoLE para mag balangkas ng isang plano para tumaas ang kasanayan, husay, nutrisyon, tamang pananaw at pag-uugaIi sa trabaho ng manggagawang Pilipino na ngayon ay nasasapawan ng mga dayuhang manggagawa sa sektor ng konstruksyon, IT, edukasyon, at pag-iistima ng panauhin.

Ayon sa balita, tinatayang may 400,000 dayuhang manggagawa sa Metro Manila at halos 150,000 sa mga ito ay nasa casino bay side sa Pasay at Parañaque City.  Pumasyal ka sa 168 Mall at para kang nasa isang mall sa Shanghai sa dami ng mga Intsik na salesladies na tangan-tangan ang mga  Calculator para magkaintindihan ang namimili sa presyo ng mga paninda nila. Mariin itong tinanggihan ng DoLE, 40,000 lang ang binigyan nila ng work permit at 25,000 dito ay mga Chinese. Imbes na makipagtalo ang DoLE sa bagay na ito, dapat mas mainam na magtanong ang DoLE sa Bureau of Immigration kung ilang Chinese nationals  ang pumasok sa bansa at malaman kung nasa bansa pa ang mga ito? Kung pumasok sila sa Pilipinas bilang turista, wala silang karapatang magtrabaho sa Pilipinas at agawan ng trabaho ang mga Pilipino. Hindi ba ito ang ugat ng iskandalo na kinasangkutan ng dalawang opisyal ng Immigration sa unang taon ng panunungkulan ng administrasyong ito? Tumanggap ng P50 milyon suhol ang dalawang opisyales  mula sa isang bigtime na Chinese businessman para manatili sa Pilipinas ang mga Chinese workers niya na walang work permit.

Batay sa karanasan ng mga negosyanteng  nag-eempleyo ng mga dayuhang manggagawa, kulang  sa husay at kasanayan at mababa ang productivity at efficiency level ng mga manggagawang Pilipino. (Boo Chanco, Philippine Star, Sept. 24, 2018). Mabilis at mahusay magtrabaho ang mga dayuhan at kadalasan ay walang back job o repair na kailangan gawin.  Maaaring mas malaki ang suweldo at gastos sa board at lodging ng mga dayuhang manggagawa kung ihahambing sa suweldo ng manggagawang Pilipino ngunit kayang tapusin ng 30 araw ng dayuhan ang katumbas na trabaho na aabutin ng 120 araw kung Pilipino ang nagtrabaho nito sa sektor ng konstruksyon. Kultura daw ang malaking pagkakaiba ng dayuhan sa Pilipinong manggagawa: ang mga dayuhan ay nakatutok sa trabaho, walang kwentuhan sa oras ng trabaho at hindi nangangailangan ng  superbisyon at ang kanilang trabaho ay pulido.

Ito ay malaking kabaligtaran sa reputasyon ng mga OFWs na kinikilala ang sipag at dedikasyon sa trabaho. Nakakalungkot naman at ang utos sa Colossas 3:23 na magtrabaho na parang ang pinaglilingkuran ay Diyos at hindi tao ay tila nakalimutan sundin ng mga Pilipinong manggagawa.

Ngunit huwag nating kondenahin ang ating mga Kababayan kung sila man ay sinasapawan ng mga dayuhan sa mundo ng paggawa sapagkat maraming pintas sa kanila. Hindi sila mga tamad at bulakbol.

Bago pa man kumaripas ang inflation rate ng Pilipinas, tanging bigas  at cup noodles lang ang nutrisyon ng maraming manggagawang Pilipino.  Makakapagtrabaho ba ng mahusay at mabilis ang taong gutom at kulang sa nutrisyon? Babalik na naman ulit tayo sa problema ng food security na kulang sa tutok  ng Kagawaran ng Agrikultura. Kung tunay na maghahatid ng dagdag na trabaho ang Build Build Build, nakalalamang na  hindi manggagawang Pilipino ang makikinabang dito. Dagdag na problema na naman itong dapat asikasuhin ng Pangulo.