Mandatory drug testing sa mga estudyante

November 09, 2018

WALA tayong makitang dahilan para tutulan ang mga polisiya ukol sa random drug testing na planong ipatupad ng CHED at ng DepEd sa mga estudyante.

Umaangal agad ang ibang sektor sa ganitong plano na kung tutuusin ay dapat pa ngang suportahan kung gusto natin ng matinong lipunan.

Una, sino naman ang matinong magulang na papayag na maging drug addict ang kanilang mga anak? Ang totoo, mas gusto nating compulsary drug testing ang dapat isagawa magmula pa lamang sa pag-enrol ng estudyante sa first year high school.

Mas maganda nga, every six months ay gawin ito ng mga paaralan para talagang matiyak na hindi nabibiktima ng illegal drugs ang mga estudyante.

Wala tayong nakikitang masama sa ganitong hakbang bagkus ay tinitingnan natin ito bilang long term at permanent solution sa problema natin sa drug addiction sa mga kabataan.

Hindi naman ibig sabihin na nagpositibo ang bata ay hindi na tatanggapin sa paaralan. Kailangang malinaw na ang early detection ay magreresulta sa mas maagang paglutas sa problema ng estudyante at ng kanyang pamilya.

Gagawin namang confidential ang resulta kaya hindi rin ito dapat makaalarma sa campus community. At dapat na malinaw na walang police intervention para mawala ang takot ng mga magulang dahil itatrato ito bilang health problem.

Hindi kaya ng gobyerno at ng buong estado ang paglutas sa problema sa drug addiction kaya nga kailangan ng tulong ng komunidad at pamilya.

Nakita na natin na kahit sobrang agresibo na ng pagkilos ng gobyerno para puksain ang illegal drugs ay patuloy pa rin ang paglubha ng problema. Isipin na lamang natin na magmula noong 1986 ay walang seryosong kampanya laban sa droga ang lahat ng dumating na administrasyon kaya umabot sa dambuhalang sitwasyon ang problema.

Si Pangulong Duterte lamang ang humambalos sa drug problem ng bansa kaya nga nadiskubre nating lahat kung gaano kalubha ang sitwasyon.

Aabot sa 28 milyon ang student population ng bansa, ibig sabihin, mahigit 1/4 ng mamamayan ang kailangan nating bantayan para hindi mahulog sa patibong ng illegal drugs.

At ang mandatory drug testing ang sagot para makasiguro tayong hindi na lalaki pa ang populasyon ng mga sugapa sa ipinagbabawal na gamot.

Tumulong tayo sa pagsagip sa ating mga anak at huwag maging sagabal sa maayos na komunidad.

allanpunglo@gmail.com