5,526

Mamasapano, inisnab ni Ninoy pero Sanofi, kinausap sa China

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 292

‘KAYO ang boss ko!’

Tanda n’yo pa ba ang linyang ito?

Eh ang salitang ‘kung walang corrupt, walang mahirap?’
    
Tama kayo, ang linyang ito ay mula mismo kay dating Pangulong Noynoy Aquino na pinakawalang
kuwentang Presidente na yata sa kasaysayan ng Pilipinas.
    
Inungkat ko ang mga linyang ito dahil sa isyu ng pag-apruba sa P3.5 billion para sa Dengvaxia
na bakuna bilang pangontra sa sakit na dengue.
    
Humarap kahapon si Noy sa ikatlong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at Health
Committee ni Senador JV Ejercito upang malaman kung sino ang dapat papanagutin sa pagpapakawala sa
830,000 bakuna sa ilan nating kabataan.
    
Kayo man ang magulang na nabakunahan ang anak ng Dengvaxia ay siguradong mag-aalala nang
sobra-sobra.
    
Nabasa ko ang ‘opening statement’ ni Aquino kahapon.
    
Ang binanggit nito ay si dating Health Sec. Enrique Ona. Paulit-ulit ang pagpapaliwanag niya
kung bakit importante ang bakuna sa Dengue.
    
Hindi na nga niya nabanggit ang pangalan ni dating Health Secretary Janette Garin ay wala rin
siyang sinabi kung bakit siya nakipag-meeting sa Sanofi Pasteur na kompanyang gumawa ng Dengvaxia.
    
Sa opening statement pa lang, halata nang nililigaw ni Aquino ang tunay na isyu kung bakit sa
sobrang busy ng kanyang schedule bilang pangulo ng bansa ay nagawa pa niyang makipag-meeting kay
Jean-Luc Lowinski, Sanofi Senior Vice-President in Asian Region. Naganap ito sa Philippine Embassy ng
Beijing, China noong Nobyembre 9, 2014.
    
Muling nagkaroon ng meeting sina Aquino at Garin sa ilang Sanofi officials noong December 1,
2015 habang may UN Conference on Climate Change sa Paris, France.
    
December 10, 2015 ay nagsumite si Garin ng proposal sa Budget Department para bumili ng
tatlong dose ng Dengvaxia at December 22, 2015, ay  inaprubahan ang pagbili sa naturang bakuna.
    
Labing-anim na araw (December 29) matapos ang ‘approval’ ay kaagad inilabas ng Department of
Budget and Management (DBM) ang P3.5 billion Special Allotment Release Order sa tanggapan ni Garin.
    
Take note mga ate at kuya. Ito na ang pinakamabilis na pagpapalabas ng pondo sa history ng
Malakanyang.
    
Nangyari pa ito limang buwan bago mangyari ang 2010 presidential elections kung saan natalo
ang manok ni Aquino na si dating Senador Mar Roxas.
    
Ang catch dito, Enero 29, 2015, minasaker ang 44 SAF members sa tinaguriang Mamasapano
massacre na kagagawan ng ‘palpak’ na exit plan ng Oplan Exodus na inaprubahan ni Aquino bilang
commander-in-chief ng bansa.
    
Ang naging tulay nito sa nasabing ‘police operation’ ay si dating PNP chief Alan Purisima na
kahit sinuspindi ng Ombudsman ay binigyan pa ng papel ni Aquino.
    
Dumating ang mga labi ng Gallant 44 sa Villamor Air Base sa Pasay City at sa halip na laanan
sila ng oras ni Aquino upang damayan ang mga naghihinagpis na pamilya, wala si Noynoy noong mga oras
na iyon kundi nasa ‘inauguration’ ng Mitsubishi Motors sa Laguna.
    
Ang mga pangyayaring ito ay sasalamin kung anong ugali mayroon ang dating Pangulo ng bansa na
mahilig manisi noong panahon ng kanyang panunungkulan sa pinalitang si dating Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo.
    
Hindi nito nakuhang makiramay agad sa mga pulis na napatay nang wala sa oras, pero nagkaroon
ng panahon para makipagpulong sa mga opisyales ng gamot na ilalagay pa sa peligro ang kaligtasan at
kalusugan ng ating mga anak.
    
Ang tanong ngayon ay saan po kayo humuhugot ng kapal ng mukha?
    
Alam ko, bukod sa Dengvaxia at anomalya sa ‘right of way’ ng DPWH ay marami pang lalabas na
anomalya mula sa nakalipas na administrasyon.
    
Sana lang, maging determinado ang Duterte administration na mahubaran ng maskara ang mga ito
at mapanagot ang mga taong sangkot sa anomalya, hindi lamang para sa tinatawag na ‘tuwid na daan,’
kundi para sa hinahangad nating ‘tunay na pagbabago!’