Malapit na ang Subasta 2019

October 06, 2018

KUNG patuloy ang mataas na inflation rate hanggang Mayo sa susunod na taon, isang malawakang subastahan, hindi halalan, ang magaganap sa Mayo 13, 2019.

Pera ng kandidato ang pagpipiyestahan ng mga botante, at tiyak ang mainstream media, survey firms. Comelec at Smartmatic ay hindi pahuhuli sa mga  makikinabang sa subastang ito.  Ang mga organisadong samahan ng mga senior citizen, aerobics at zumba, TODA, fraternity, homeowners, mga samahang pang maralita, at pati na mga simbahan ng iba’t ibang relihiyon ay kabilang  sa mga grupo ng isusubasta sa Mayo 13. Balewala na ang Omnibus Election Code na pinagbabawal ang pamimili at pagbebenta ng boto. Sapagkat buhay  lang ng kandidato ang magbabago, tanggap naman  ng mga bobotante na hindi na magbabago pa ang kanilang mga  buhay  kaya sasamantalahin na ang subasta, para kahit papaano ay may pantawid gutom sa Mayo 13, 2019.

Sa isang subasta, ang nanalo lang ang bida dahil pera niya ang naghatid sa kanya sa poder at wala siyang dapat bayarang utang na loob sa mga bobotante dahil bayad naman silang lahat ng kandidato. Para sa mga bobotante, ayos lang magnakaw sa kaban ng bayan ang ibinoto nila basta babalatuhan sila ng mga ito kada oras ng subasta.

Sa subasta, isinasantabi ang mga isyu na dapat hanapan ng solusyun ng pamahalaan sa ekonomiya, food security, justice, energy, mining, transportasyon, edukasyon, kalusugan, kalikasan at matuwid na pamahalaan na aking tinalakay na sa mga nakaraang kolum ko.  Kanya nga naman ang mga survey ng SWS at Pulse Asia ay hindi nakakatulong para lumalim ang pang-unawa ng mga botante kung ano ang nakataya sa pagpili ng kandidato dahil hindi nila ito pinamumukha sa mga sinu-survey nila. Puro name recall lang o top of mind survey lang ang ginagawa. Popularidad ng kandidato sa mass at social media ang tanging batayan.

Pagdating sa ekonomiya, alam ba ng kandidato kung ano  ang sanhi at mga naiisip niyang solusyon para bumaba ang mataas na inflation rate, hindi lumobo ang utang ng pamahalaan na ngayon ay nasa P7.1 Trilyon na, paano aawatin ang pagkahumaling ng mga ekonomista ng Pamahalaan sa kaisipang occidental na nakatutok lang sa GDP growth at hindi iniintindi ang mga milyun-milyong Pilipino na  nanatiling  mahirap at napag-iiwanan ng kaunlaran na kabaligtaran ng New Normal Economy ng China sa panahon ni Xi Jin Ping na tumutulong  ngayon sa  mga naiwanan ng ganda ng ekonomiya ng China.

Walang kuwenta ang pamahalaan na hindi kayang pakainin  ang kanyang mamamayan. Ang pag-aangkat sa ibang bansa ng bigas, gulay, isda, gatas , karne na higit pa sa produksyon ng ating bansa  ay maliwanag na  problema sa pagkain o food insecurity.  Ang agriculture mechanization index ay nanatiling pinakamababa sa ASEAN kaya ang productivity at efficiency ng magsasaka ay mababa, at karamihan ng mahirap sa bansa ay mula sa hanay ng magsasaka at mangingisda.  Kung sino pa ang nagpapakain sa bansa, siya pa ang naghihirap. Napakatamlay ng sektor ng agrikultura na hindi nakalinya sa New Vision for Agriculture ng United Nations.

Siksikan ang mga bilangguan at  ang laki ng case load ng mga hukuman, at kahit tapos mo ng pagdusahan ang iyong kasalanan, ang lipunan ay patuloy na sarado sa iyong pagbabagong buhay. Nakatatak sa iyong NBI at PNP record na ikaw ay nagkakaso at walang negosyo ang tatanggap sa iyo.

Dahil wala tayong langis, kailangan maging puspusan ang pagsasaliksik ng alternative source of energy para hindi masaktan ng todo ang ating ekonomiya sa pagtaaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Ang patakaran sa “mining”  ay dapat maging klaro para mapakinabangan ng bansa ang US900 Bilyon halaga ng mga mineral deposits sa 8.5 Milyon hektarya sa Pilipinas.

Isa sa nagpapabagal ng kilos ng pamahalaan ay ang Procurement Law na dapat amyendahan para bumilis ang AFP Modernization.  Ayaw natin ng korapsyon subalit hindi dapat maging balakid ang transparency para maging balanse ito sa aspetong national security.

Ang Teacher Quality Standards ay dapat ipatupad para sa 750,000 Guro ng DepEd. Kailangan maihiwalay ang mga magagaling na guro sa mga gurong pang administrative work lang.  Ang transisyon ng MTBMLE mula Grade 4 pataas ay dapat ipakita ng DepEd at ang mga libro ay maging akma sa kultura at wika ng probinsya o bayan.  Dapat din kinisin ang Teacher Education curriculum para lapat ito sa  Teacher quality standards at MTBMLE.

Kailangan magpatayo ng specialty hospitals  sa puso, kidney at lungs sa iba’t ibang rehiyon para hindi magsiksikan tayo dito sa Metro Manila. Ang Ecological Solid Waste Management Act of 2003 ay dapat ipatupad ng lokal na pamahalaan na patuloy lang ang hakot ng basura na hindi hiwalay ang nabubulok sa hindi nabubulok. Ang mga ilog at salusoy ay dapat mahalin at hindi gawin pusali ng nga industriya at mga kabahayan.

Sa awa ng ating Panginoon, nawa ay loobin niya na may manalo  pa rin  hindi dahil sa perang gagastusin, bagkus ay  dahil  subok na ang galing , talino at husay nito sa pagsusulong ng interes ng taong bayan.