Malaking tulong sa national security si Sen. Honasan kapag naging Department of Information and Communications Technology sec

November 05, 2018

MALAPIT nang italaga bilang kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) si Senador Gregorio ‘Gringo’ Honasan.

Kapag nagkataon, si Honasan ay dagdag bilang sa mga dating military officers na mabibigyan ng puwesto sa Executive Branch ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Alam ng lahat na bago naging senador, si Honasan na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1971 ang pasimuno ng mga bigong kudeta noon ng dating Pangulong Cory Aquino.

Sa pamamagitan ng Reformed the Armed Forces-Soldiers of the Filipino People (RAM-SFP), pinangunahan nito ang ilang bigong kudeta sa rehimen ng Aquino matapos makita ang kapalpakan, kahinaan, korapsiyon at pagkiling sa hanay ng makakaliwang grupo ng nasabing administrasyon.

Isa sa trusted man ni dating Defense Minister Juan Ponce Enrile, kasama si Honasan sa mga personalidad na nanguna sa Edsa People Power 1 na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Kung tama ang ating impormasyon, kung hindi ngayong buwan ng Disyembre, baka mapaaga pa ang ‘announcement’ ng Pangulong Duterte para sa nag-aantay na posisyon ni Honasan bilang DICT secretary kapalit ni Officer in Charge Sec. Eliseo Mijares Rio.

Kaugnay nito, ibinuking ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na sumalang na sa ‘crash course’ si Honasan patungkol sa Information Technology.

Sinabi ni Sotto na gusto muna ni Honasan na magkaroon ng malawak na kaalaman sa IT bago saluhin ang puwesto mula kay Rio na dumaranas ngayon ng matinding pagsubok sa departamento dahil sa isyu ng duopoly ng mga cellphone subscriber at pagpasok ng third telco sa bansa.

Kinumpirma rin ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na maging siya ay kinunsulta na rin ni Honasan hinggil sa nag-aantay sa kanyang puwesto.

Pinayuhan na rin niya itong magpaka-techie at simulan nang pag-aralan ang mga makabagong teknolohiya.

Sina Sotto at Lacson ang pinakamalapit na kaibigan ni Honasan sa Senado. Bukod sa silang tatlo ang ‘pinaka-senior’ sa 17th Congress, bahagi silang tatlo ng tinatawag na ‘Macho Block’ sa majority group ng Mataas na Kapulungan.

Sa isang panayam, ibinisto ni Sotto si Honasan na hanggang ngayon ay nagta-tyagang gumamit ng Nokia 3210 mobile phone na nausong cellular phone noon pang taong 1999.

“Si Senator Honasan lang ang kaisa-isang senador na merong Nokia 6420 -- dalawang 3210 yun eh kaya 6420,” pagbibiro ni Sotto.

Ganito rin ang kantiyaw sa kanya ni Lacson na mistah ni Honasan sa PMA Matatag Class of 1971.

“Siyempre kasi panibagong horizon yan at saka although ang advice ko sa kanya nang kumonsulta siya, sabi ko unang una palitan mo ng iPhone ang phone mo kasi 19-kopong-kopong pa yang phone mo. Mag-aral siya mag-text, mag-aral siya mag-Viber, ngayon marunong na siyang mag-Viber,” ani Lacson.

Sa ganang akin, swak sa posisyon si Honasan bilang bagong DICT secretary.

Hindi man ‘techie person,’ malaking tulong siya sa national security sa bansa.

Lingid sa kaalaman ng lahat. Sensitibong puwesto ang DICT. Hindi lang isyu ng duopoly o third telco ang dapat ditong pag-usapan.

Pati usapin ng pambansang seguridad ay nakasalalay sa naturang departamento dahil posibleng gamitin ng mga terorista o mga ‘dayuhang mananakop’ ang makabagong teknolohiya. Ang karanasan, katapangan at kakayahan bilang dating military officer ay bentahe ni Honasan para pangalagaan ang ating national security.

Kung usapin ng korapsiyon, wala tayong ibang maipupukol laban kay Honasan.

Kitang-kita rin natin kung paano makipagkaibigan ang senador. Hindi ito kailanman nakitaan ng ‘inggit’ sa katawan kahit na sabihin nating mas popular sa kanya ang mga kaibigang sina Sotto at Lacson.

Madalas, kapag kasama siya ng dalawa, nasa isang sulok lang ito sa tuwing nako-corner ng mediamen sina Sotto at Lacson.

Kapag tinanong sa media, doon lamang ito sasagot at hindi lahat ng isyu sa bansa ay pinapatulan ni Honasan. Ibig sabihin, hindi siya tulad ng ibang politiko na ‘Boy Sakay’ sa lahat ng isyu.

Tulad ng mga kaibigang sina Ping at Tito Sen, family oriented din si Senator Greg. Ang bakanteng oras nito sa tuwing ‘session break’ sa Senado -- lalo’t walang commitment sa ating constituent -- ay inuukol nito sa kanyang pamilya mula sa misis na si Ma’am Jane Umali, limang anak at tatlong apo.

Likas na matalino si Honasan. Tapos ito ‘with honors’ sa elementarya sa San Beda College; sekondarya sa Dominican School sa Taipei, Taiwan at nagtapos din ng high school with honors sa Don Bosco Mandaluyong. Kumuha ng kursong economics sa University of the Philippines (UP) at grumadweyt sa PMA na Class Baron -- pinakamataas na leadership award sa kanilang klase.

Noong 1981, kumuha ng Master’s Degree in Business Management sa Asian Institute of Management kung saan ay nagtapos siya ‘with distinction’ dahil sa kanyang ‘masteral thesis.’

Bilang sundalo, matindi ang karanasan nito sa ‘combat operation sa Luzon, Visayas at Mindanao na tumanggap ng hindi mabilang na awards, commendations; tatlong Distinguished Conduct Stars, Gold Cross medals at Wounded Personnel Medals nang masugatan sa isang engkuwentro. Isang taon bago ang Edsa People Power 1, isa si Honasan sa Ten Outstanding Young Men (TOYM) ng bansa.

Naging senador noong taong 1995, na-reelect noong taong 2001 at nahalal muli noong taong 2007.

Si Honasan ang principal author at co-author ng mahahalagang batas sa Pilipinas, kabilang na ang Clean Air Act of 1999, Clean Water Act; National Security, Policy, Disaster Risk Reduction Management Act of 2009; Comprehensive Agrarian Reform Program Extention with Reform Law (CARPER); Freedom of Information Act or POGI bill at marami pang iba.

Sa dami ng binanggit nating ‘accomplishments’ ni Honasan, taong may inggit na lamang siguro ang mamimintas sa kanya.

Kaya para sa akin, good choice si Senator Greg bilang bagong DICT secretary dahil malaki ang maitutulong nito sa national security sa bansa.