5,456

Malaking kahihiyan si Mocha sa Duterte Administrasyon!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 285

KONTROBERSYAL na naman ang Presidential Communications and Operations Office (PCOO) dahil kay Assistant Secretary for Social Media Mocha Uson.

Hindi natin masisisi ang ating mga kababayan kung umusok na naman ang kanilang galit matapos mapanood ang “Pepe-dede-ralismo” video ni Uson kasama ang kaibigan nitong si Drew Olivar na isa ring blogger.

Halos mga panatiko na lang ni Uson ang nagbubulag-bulagan para ipagtanggol ang lantarang kabastusan at kababuyan sa prinsipyo ng Pederalismo na pinaghirapang balangkasin ng mga pinagpipitaganang ‘Constitutionalists’ ng bansa.

Sabagay, ano pa ba ang aasahan natin kay Uson eh mismong mga alumni, alumnus, academe at estudyante ng alma mater nitong University of Sto. Tomas ang halos itakwil siya dahil sa mga katarantaduhang pinaggagagawa nito.

Maging ang mga senador, supporter man o hindi ng Pangulong Duterte, ay nagpahayag ng matinding pagkadismaya sa pederalismo video.

Una sa umusok sa galit ay ang advocate ng pederalismo na si Senador Koko Pimentel na umaming mali ang kanyang akala na makatutulong si Mocha sa kanilang kampanya. Aniya, binaboy ni Mocha ang pinaghihirapan nilang federalism.

Pinayuhan itong mag-leave muna at pag-aralang mabuti kung ano ang tunay na diwa ng pederalismo dahil walang laman, banban at punung-puno lamang ng kabastusan ang ipinakita nilang ‘federalism video’ sa social media.

Si Senate President Tito Sotto na kilalang mataba ang utak sa paggawa ng iba’t ibang gimik sa kanilang noontime show na Eat Bulaga ay nagsabing seryosong bagay at hindi maaaring idaan sa biro ang usapin ng pederalismo.

Bastos na nga ang presentasyon ng video, nuknukan ng palpak pa ang nilalaman at sustansya ng kanilang mensahe.

Kung bubusisiin, malinaw na wala ring alam ang dalawang ito sa Federalism makaraang ipagsigawan ang France at Singapore na nagpapatupad ng naturang sistema.

Lalo lamang napatunayan na bukod sa may kahinaan ang katalinuhan ni Mocha, tamad itong mag-research!

Kung iisa-isahin natin ang kapalpakan at kontrobersiyang kinasangkutan ni Mocha, malinaw pa sa sikat ng araw na bagahe ito sa gobyerno ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagtataka lang tayo kung bakit patuloy pa rin itong kinukunsinti ng ating mahal na pangulo.

Marami ang natuwa sa ipinalabas na pahayag ni Philippine Information Agency (PIA) Director General Harold Clavite na sa halip i-justify ang ginawang kabalbalan, matuto itong tumanggap ng pagkakamali at humingi ng public apology.

Ayon kay Clavite, ang ginawa ni Uson ay hindi lamang pang-iinsulto sa kanilang linya bilang mga communicators ng pamahalaan kundi malaking paglapastangan din ito sa ating kababaihan.

Sana lang kung may natitira pang kahihiyan sa katawan si Mocha ay mag-resign na ito sa lalong madaling panahon at mag-concentrate na lang siya bilang ‘sex guru’ sa kanyang social media. Tulad ng sinabi ni Senadora Nancy Binay, kailangang mamili ni Mocha kung gusto pa ba nito maging government official o maging isang blogger na lamang.

Sabi ko tuloy sa aking sarili, kung kapatid ko lang itong si Mocha, baka nakurot ko na ang singit nito!