4,901 guests

Mahal na Pangulo: Ito po’ng solusyon sa pesteng trapik

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 946

KAMAKAILAN, sinabi ni Presidente Duterte sa 17 mayor ng Metro Manila na dapat magkaroon ng pagbabago sa oras ng trabaho ng mga empleyado ng nasyunal at lokal na pamahalaan sa Metro Manila upang lumuwag ang trapik rito. 

Sinabi pa ng Pangulo na dapat tanggalin ang lahat ng mga obstruction sa lansangan, doblehin ang multa sa illegal parking, number coding at pairalin ang “night commerce”, kung saan ang mga truck ay magbibiyahe sa EDSA at mga kalsada sa gabi lamang.
   
Mahal na Pangulo, ang inyong nabanggit ng solusyon ay matagal ko na pong iminungkahi upang malutas ang ating malaking problema sa trapik sa Metro Manila.
   
Ito’y iminungkahi ko kina dating Pangulong GMA at Noynoy at sa MMDA noong kapanahunan nila, sa kolum na ito, subali’t, ’di pinansin dahil sa tingin ko’y ayaw nilang tangkilikin ang suhestyon ng hindi galing sa kanilang sirkulo.
   
Iminungkahi ko na rin po ito sa inyo, mula nang kayo’y maging Pangulo at inuulit ko ngayon dahil sa inyong nabanggit na solusyon na katugma ng sa akin.
   
Ang matagal ko nang mungkahi para malutas ang trapik sa MM ay ang tinawag kong Additional Sunday Observation Scheme o  ASOS. 
   
Ang sanhi ng matinding trapik sa MM ay ang magkakasabay na sasakyan at taong bumabiyahe rito.
   
Kung Mahal na Araw (gaya ng darating na Abril 9-15) ay walang trapik dahil ang mga tao’y walang pasok at nasa probinsya.
   
Kung Linggo’y maluwag ang kalsada dahil walang pasok sa gobyerno, pribadong kumpanya, eskwela at karamiha’y nasa bahay, kasama ang pamilya.    
   
Sa ilalim ng ASOS, ang bawat lungsod sa MM ay magkakaroon ng dagdag na “Linggo”, iba sa regular Sunday nang ang mga tao’y manatili sa bahay at makabawas sa mga nagtratrabaho, negosyo, nag-aaral at nagbibiyahe sa MM, mula Lunes hanggang Biyernes.
   
Halimbawa, ang dagdag na Linggo sa Manila ay Lunes. Tuwing Lunes, lahat ng nagtratrabaho sa gobyerno, pribadong sektor at mag-aaral, mula kinder, hanggang  graduate school ay walang pasok.
   
Higit 1 milyon, mga nag-oopisina, nagtratrabaho, nag-aaral at sasakyan, mula ibang lungsod o probinsya, ang hindi papasok at lalabas ng Manila sa araw na ito, na malaking kaluwagan sa mga kalsada sa MM.        
   
Martes ang dagdag na Linggo sa Quezon City, kung saan milyun-milyong tao at estudyante ang ’di magtratrabaho, magtratransaksyon at papasok sa eskwela.
   
Miyerkules ang extra Sunday sa Makati, Pasay, Parañaque, Muntinlupa, Las Piñas at  Taguig. Huwebes sa Marikina, Pasig, Mandaluyong, San Juan at Pateros at Biyernes sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas & Valenzuela).  
   
Kung sabay-sabay walang pasok sa mga nasabing lungsod, isipin kung ilang milyong sasakyan at tao ang mababawas sa MM?
   
Sa ’di pagpasok ng mga kawani ng gobyerno at pribadong sektor at milyun-milyong estudyante, higit 1 milyon ang hindi magku-commute o maglalabas ng sasakyan sa mga nasabing araw, na ang resulta’y malaking pagbaba ng bilang ng mga tao at sasakyang pumapasok, umiikot at nagbibiyahe sa MM.
   
Walang lugi ang gobyerno, private sector at mag-aaral sa ASOS, dahil ang mawawalang 8 oras sa trabaho at eskwela’y idaragdag sa natitirang 4 araw o 2 oras na dagdag sa trabaho at eskwela, kada araw,  sa 4 na araw  isang linggo.
   
Ang ASOS ay mabuti sa pamilyang Pilipino, dahil mabibigyan ng dagdag na araw para mag-bond ang mag-asawa at mga anak, na ikatatatag ng pamilya.
   
Samahan ito ng pagtanggal sa lahat ng obstruction sa kalye, paghuli sa mga kolorum at phase-out sa mga lumang sasakyan, dobleng multa o pagkulong sa mga pasaway na driver at commuter at tiyak na luluwag ang trapik sa MM.
   
Kung magkakaisa ang mga MM mayor na magpasa ng ordinansa para ipatupad ang ASOS at makikiisa ang mga mamamayan rito, tiyak na 100%  mababawasan ang perwisyong trapik sa Kalakhang Maynila.
   
Kung ipatutupad ang ASOS, hindi maghihirap ang mga mamamayan sa pagsisimula at habang ginagawa ang mga infrastructure project sa MM. 
   
Handang tumulong ang aming grupong Magkaisa Para sa Bayan at NAKABAKA (Nagkakaisang Kapatiran para sa Bayan at Kabataan), na binubuo ng 5 pinakamalaking fraternity sa bansa (Alpha Kappa Rho, Alpha Phi Omega, Capazcepa, Scout Royal Brotherhood at Tau Gamma Phi) para ipatupad ang ASOS, na tinitiyak kong makatutulong sa pagbawas at luwag ng trapik sa  MM.
   
Sana po Tatay Digong, bigyan n’yo kami ng pagkakataong tumulong sa ating bayan nang walang kabayaran.