Magkakabati rin sina JV at Jinggoy!

November 10, 2018

NANAWAGAN si Davao City Mayor Sara Duterte sa lahat ng taga-suporta ng administrasyon na tulungan silang pagbatiin ang magkapatid na senador JV Ejercito at Jinggoy Estrada.

“Dalawang magkapatid pero isa lang andito. Pag andito yung isa, wala yung isa dahil nag-aaway sila... Tulungan natin sila. tulungan natin sila na magkabati. Wag n’yo kalimutan na magkapatid sila,” anang presidential daughter sa pormal na alyansa ng Serbisyo sa Bayan party at Hugpong ng Pagbabago kung saan ay inendorso rin ang kandidatura nina Quezon City mayoralty candidate Joy Belmonte at katiket na si Gian Sotto.

Sa Tacloban City noong nakalipas na Huwebes, ganito halos din ang sinabi ni Inday Sara sa harap ng libu-libong Waray na dumalo sa Tacloban Astrodome upang saksihan ang pormal na alyansa ng Lakas-CMD ni comebacking Leyte Rep. Martin Romualdez, Tingog Sinirangan partylist ng asawang si Rep. Yedda Romualdez at HNP ni Duterte.

Sabi ni Inday Sara, mismong si dating Pangulo at reelectionist Manila Mayor Erap Estrada ang tumawag sa kanya upang pakiusapan na tulungang iendorso ang kandidatura nina JV at Jinggoy.

Matagal nang magkaibigan sina Erap at Pangulong Rodrigo Duterte. Katunayan, anak ang tawag ni Erap kay Inday Sara at daddy din ang tawag nito sa dating Pangulo ng bansa.

Naniniwala si Ma’am Sara na tulad ng iba pang senatorial candidates na sinusuportahan ng HNP, ang magkapatid na Jinggoy at JV ay malaking tulong sa ‘legislative agenda’ ng Duterte administration kaya kailangan silang dalawa sa Senado.

Si JV ay isang reelectionist senator, samantalang si Jinggoy naman ay nagbabalik sa Senate matapos mabiktima ng ‘selective justice system’ ng nakalipas na Aquino administration dahil sa pork barrel scam.

Malalim ang ‘tampuhan’ ng magkapatid.

Sa pagkakaalam ko, nag-umpisa ito nang pumirma si JV sa Senate committee report na nagsasabing may kinalaman si Jinggoy sa multi-billion peso pork barrel scam noong 2014.

Nagkaroon umano ng hinanakit si JV sa kanyang kuya nang makarating sa kanyang kaalaman na si Jinggoy pa mismo ang nagsasabi sa ilang local politicians na wag suportahan ang kanyang kandidatura nang tumakbo bilang senador noong taong 2013 -- bagay na itinanggi ng dating mambabatas.

Naniniwala akong kagagawan ito ng ilang kumag na nakapaligid kina JV at Jinggoy na walang ginawa kundi intrigahin ang magkapatid para mag-away sa isa’t isa.

Sa isang panayam, sinabi ni Jinggoy na nagpadala na siya ng emisaryo sa kampo ni JV upang magkaayos kung anuman ang tampuhan nila sa isa’t isa.

Very vocal din si Kuya Jinggoy na handa siyang makasama sa iisang entablado para mangampanya si JV at tulad niya, nais din niyang manalo ito sa susunod na halalan.

“Kapatid ko pa rin iyan. Kung ako nga ang masusunod, gusto ko manalo kaming dalawa. I know he needs help right now because I know he’s quite low in the survey,” sabi pa ni Jinggoy.

Kamakailan, sinabi ni JV na ‘agrabyado’ siya sa halalan ngayon dahil mas may ‘name recall’ ang apelyidong Estrada kumpara sa Ejercito.

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit ‘medyo mababa’ siya sa mga nakalipas na survey, ngunit buo ang kanyang loob na mas matatandaan ng taumbayan ang mga mahahalagang batas na napagtibay dahil sa kanyang panukala. Umabot sa 117 Senate bills at 18 Senate resolutions ang isinumite nito at ang pinakabagong panukala na naisabatas ay ang Universal Health Care na malaking tulong sa lahat -- lalo na sa mga mahihirap.

Matagal na tayong nagkokober sa Senado. Saksi ako na isa si Senator JV sa mga mambabatas ng 17th Congress na pinakamasipag at dedicated sa kanyang trabaho.

Si Jinggoy na naging senador noong taong 2004 hanggang 2010 ay nakapagsumite ng 289 na panukalang batas at resolusyon kung saan 249 dito ay siya mismo ang ‘principal author.’

Bukod sa pangkalusugan, adbokasiya ni JV ang mass transportation; samantalang si Jinggoy naman ay kilalang kampeon ng masa at  manggagawa, lalo na ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Nang tanungin si Jinggoy kung ano ang reaksiyon ni Erap sa ‘tampuhan’ nilang magkapatid, kaagad itong sumagot na:  “He’s still hoping na balang araw magkakasundo kaming lahat. Kasi, of course, may dad is not young anymore. He’s not getting any younger.”

Sa takbo ng pulitika rito sa atin, normal na ang tampuhan ng ilang magkakapatid at magkakamag-anak pero bilang isang bansang Kristiyano, naniniwala tayong sa tamang panahon ay magkakabati rin sina JV at Jinggoy.

Iisa lang kasi ang kanilang adhikain -- ang ipagpatuloy ang sinimulan ng ama na tumulong sa mahihirap at makapaglingkod ng tapat sa taumbayan.

Naniniwala akong magkakabati rin ang dalawa na pareho nating kaibigan!

Daanin na lang natin sa ‘maboboteng usapan’ yan mga parekoy!

Cheers!