Magandang programa ni Mayor Erap, sinasabotahe?

September 25, 2018

MUKHANG may sumasabotahe sa magandang programa ni Manila Mayor Erap Estrada sa mga sidewalk vendor sa Carriedo kaugnay sa pagbibigay niya ng pahintulot na makapag-hanapbuhay ng marangal sa halip na makipagsapalarang pumuwesto sa mga bawal na lugar.

Pinayagan kasi ng alkalde na makapanindahan ang mga negosyante basta’t may organizer na mamamahala sa kanila upang matiyak na papasok sa kaban ng lungsod ang ibabayad nilang upa at hindi sa bulsa ng kung sinumang mapagsamantala.

Labis na ikinagalak ng mga negosyante at maliliit na vendors ang programa ni Mayor Erap pero nitong mga nagdaang araw, nagulat sila nang biglang sumulpot ang isang Ryan Guerrero na nagpapakilalang sugo ng bago nilang organizer na isa raw Luis o Leo Madrigal.

Wala sanang problema sa mga negosyante kung sino man ang legal at tumayong organizer ng mga vendor basta’t matiyak lamang nila na swak sa kaban ng lungsod ang ibabayad nilang upa at may kontrata silang panghahawakan bilang patunay ang kanilang pananatili sa puwesto at hindi papatawan ng karagdagang bayad sa upa.

Pero ilang mga pagtatangka na ang ginawa ng mga negosyante para makaharap nila ng personal ang bagong organizer subalit kahit anino ni Madrigal ay hindi pa nila namamataan.

Lalo pang nabahala ang mga negosyante nang umugong ang balita na ang upa nilang P80 kada 1 x 1 sukat ng laki  ay madaragdagan daw ng P40 sa pagpasok ng bagong organizer.

Dahil dito, dumulog sila kay Plaza Miranda PCP commander Chief Insp. Leandro Gutierrez upang humingi ng ayuda upang mabigyan sila ng proteksiyon sakaling mapatunayang bogus lang ang nagpapakilalang bagong organizer.

Ang maganda nito, ikinaila na pala ng Bureau of Permits at ng Hawker’s Permit Services na pinamumunuan ni Benigno Bagabaldo II na may itinalaga silang Luis o Leo Madrigal bilang bagong organizer  kaya’t lalong lumaki ang kanilang hinala na may sumasabotahe sa programa ng kanilang alkalde.

Kumpiyansa ngayon ang mga sidewalk vendor na kapag nakarating sa kaalaman ng alkalde ang pagsabotahe sa kanyang magandang proyekto, tiyak na may ulong gugulong sa city hall dahil hindi naman maglalakas ng loob ang sinumang nagpapakilalang bagong organizer kung wala silang matibay na koneksiyon sa ilang opisyal ng city hall.

Ala-ala ni Boy Asistio.

Mahigit isang taon ng namamayapa si dating Caloocan City Mayor Macario “Boy” Asistio, Jr. subalit nananatiling buhay ang kanyang ala-ala, hindi lamang sa mga residente ng lungsod kundi higit sa mga miyembro ng media na matagal na naging bahagi ng pangangalap ng balita sa mahabang panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde.

Sa kuwento ng mga mamamahayag, ibang klase raw kung makisama sa mga ordinaryong mamamayan, kaibigan at miyembro ng media si Mayor Boy Asistio dahil mula sa simula hanggang sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan ay hindi ito nagbago ng maganda at maayos na pakikitungo, kumpara sa ilang mga pulitiko ngayon na sa unang taon lamang nagpapakitang giliw at pakikisama sa mga tunay na kaibigan.

Sabi pa nga ng mga antigong reporter sa area ng CAMANAVA, down to earth kung makisama ang kilabot sa chicks na alkalde at hindi kakikitaan ng pagka-plastic o pagkukunwari kung makisama lalo na sa miyembro ng media kaya’t hindi nila maiwasang ikumpara sa ilang mga pulitiko ngayon na mabilis magbago ang pakikitungo kapag nagtagal na sa puwesto.

Sa ngayon, naikukumpara ng karamihan kay Vice Mayor Macario “Maca” Asistio III ang estilo ng dating alkalde dahil mukhang namana nito, hindi lang ang pangalan ng kanyang tiyuhin kundi ang mahusay at maayos na pakikitungo sa mga ordinaryong mamamayan, kaibigan at miyembro ng media kahit dalawang termino na sa panunungkulan.

Hindi ko personal na kilala si dating Mayor Boy Asistio at lalong hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makadaupang palad ang namayapang alkalde pero sa mga kuwento ng aking mga kasamahan sa hanapbuhay, ibang klase raw talaga kung makisama ang opisyal.

Minsan ko na ring nakadaupang palad ang kanyang pamangking si Vice Mayor Maca pero tiyak na nalimutan na rin niya ito pero sa kwento rin ng aking mga kasamahan, siya ang nakakuha sa ugali ng dating alkalde.

Napaghuntahan kasi ng mga mamamahayag ang walang kupas na pakikitungo ng dating alkalde dahil wala yata sinumang opisyal na nakaupo ngayon ang nakakuha sa kanyang ugali kung pakikisama ang pag-uusapan.

Blind item.

Sino raw itong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nag-iipon na ng pambaon sa kanyang nalalapit na pagreretiro kaya’t maging ang biyaya na dating tinatamasa ng kanyang nasasakupan ay ibinulsa na rin?

May hinala pa nga raw ang opisyal na binubukulan siya ng dating kolektor kaya’t sinibak niya ito pero ang siste, hindi naman maabot ng ipinalit niyang kolektor ang kota na dating ibinibigay ng tinanggal niyang bagman kaya’t pati ang nakalaan sa mga dating nabibiyayaan ay sinarili na rin para may baon sa kanyang pagreretiro.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644