Mabibigo banta ng pula, dilaw at Magdalo kay PDU30

September 12, 2018

PAGDATING mula sa pagbisita sa Israel at Jordan sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may tatlong grupong pulitikal ang nagsanib pwersa para patalsikin ang kanyang pamahalaan.

Ang tatlong grupo ay ang Communist Party of the Philippines-National Democratic Front-New People’s Army (CPP-NDF-NPA); ang Liberal Party ni dating Pangulong Benigno Aquino III at ang Magdalo ni Senador Antonio Trillanes IV.

Sa larangan ng ating pulitika, ang CPP-NDF-NPA ay tinaguriang “pulang” grupo, ang LP ni P-Noy ay binansagang “dilaw” na grupo at ang Magdalo ni Trillanes, sa kawalan ng kulay na ipinangtutukoy rito ay maaaring tawaging “itim” na grupo. 

Samakatuwid, tatlong pulitikang samahan, ang mga “pula”, “dilaw” at “itim” ang nagsama-sama upang pabagsakin ang gobyernong Duterte.

Matapos ang pahayag ng Pangulo sinabi ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na totoo ang plano ng “pula” na patalsikin si PDU30 at ang planong ito’y ginawa noong 2016 at binuo noong 2017.

Hindi nakapagtataka ang plano ng pula sapagka’t simula’t simula ang hangad  nila’y pabagsakin ang  pamahalaan ng lahat ng mga nagdaang pangulo. Hindi kinumpirma ng kalihim ang pakikipag-sabwatan ng “dilaw” at “itim” sa plano ng CPP-NDF-NPA, bagama’t batay sa mga pangyayari ang dalawang grupong ito’y nanawagan ng pagpapabagsak sa pamahalaang Duterte.

Noong February 2017, nanawagan ang mga ‘dilaw” ng EDSA People Power IV sa pamamagitan ng inilunsad nilang “Walk for Life” laban sa extra-judicial killings sa pamahalaang Duterte, subali’t karampot lang ang sumama rito.

Nakiisa ang Magdalo sa panawagang ito sa takot nilang ang kanilang lider na si Senador Antonio Trillanes ay mabilanggo tulad ni Senador Leila De Lima.

Subali’t magsapi man ang tatlo ay malabong suportahan ng tao.

Ang “pula” ay mahigit ng 50 taong nakikipaglaban sa pamahalaan at sa halip na lumaki ang hanay ay lalong lumiit ito. Isa pa, sa buong mundo ay ito na lamang ang nag-iisang partido kumunista na nakikipaglaban pa sa pamahalaan.

Ang “dilaw’ naman ay sadyang hindi mahal ng mga mamamayan. Sa katunayan, batay sa nakaraang halalan, isinuka sila ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng mahigit na 6,000,000 boto ni Pangulong Duterte laban Mar Roxas, na bata ni Aquino.

Isa pa, ‘di malilimot ng bayan ang mga katiwalian at kapabayaang nangyari sa gobyernong Aquino, tulad ng kurapsyon sa MRT, dahilan sa paulit-ulit na pagkasira nito, ang mahigit P1 trilyong paglustay ng gobyernong Aquino sa DAP at PDAF, na sinabi ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon, ang pagkawala ng bilyun-bilyong Malampaya at Yolanda funds, ang pagkalat ng shabu sa buong bansa, na nabibiling parang sigarilyo noong panahon nina P-Noy at Mar, at ang kapalpakan nila sa Mamasapano na ikinasawi ng SAF 44.

Pagdating kay Trillanes, hindi malilimot ng bayan ang kanyang pagiging palalo at mayabang, na tila malinis na tupa na kailan man ay ‘di nagkasala.

Alam ng taong bayan ang ginawang panghihiya ni Trillanes kay yumaong DND Secretary Angelo Reyes, na sa isang Senate hearing ay nagsabi:

“Your Honor, we have a reputation to protect,” na sinagot ni Trillanes ng “You have no reputation to protect,” na lubhang ikinasama ng loob ng kalihim, dahilan ng kanyang pagpapakamatay sa harap ng puntod ng kanyang ina.

Ang pagmamalinis ni Trillanes ay napabulaanan nang lumabas sa mga COA audit, na sa lahat ng mga senador, siya ang may pinakamataas na gastos sa mga tauhan at pagpupulong gayong siya’y nakakulong at ang kanyang mga katulong sa bahay at hardinero ay sumusuweldo ng sahod ng mga consultant sa Kongreso.

Dahil alam ng bayan ang lahat ng ito, malabong sumunod sila sa plano ng “pula”, “dilaw” at “itim” na patalsikin ang gobyerno ni Pangulong Digong.

Matatapos ni Pangulong Duterte ang kanyang administrasyon, lalo na’t  tatanggalin niya sa tungkulin ang mga nagpapasasa lang sa tungkulin at papalitan niya ito ng mga bagong mukha na may record ng malinis na paglilingkod at pagmamahal sa tao at bayan at pagtutol at laban sa droga at kurapsyon.

Tagged Under