Lumabas na naman ang pangil ng mga opurtunista

September 12, 2018

UMUUGONG na naman ang expertise ng mga dilaw, ang magpabagsak ng nakaupong Pangulo.

Masyado na silang nasarapan sa puwesto magmula nang magtagumpay silang patalsikin si Marcos.

Kaya nga ginawa rin nila ito kay President Erap noong 2001 kasi nga, hindi sila sanay na mawala sa posisyon. Kung bibilangin ang paghahari ng dilaw sa Pilipinas matapos ang Marcos presidency, aabot na sa halos 26 to 30 years.

Iyong dalawang solid dilaw mula 1986 hanggang 1992 at 2010 hanggang 2016, balikan nyo nga mabuti kung nanaisin nyong makabalik ang dilaw sa poder. Ang combined 12 years ng mag-inang Cory at Noynoy ang worst part ng Philippine history dahil doon natin nakita na pareho silang naging pabaya sa puwesto.

Alisin na natin sa usapan si Cory dahil yumao na ito, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.

Pasyalan nga natin ang Noynoy administration. Sa mga panahong ito nakita natin ang pinakamanhid na gobyerno. Wala itong pinaglingkuran kung hindi ang kanyang mga Kaklase, Kabarkada at Kapartido.

Dito tayo nakakita na nakatunganga ang isang Pangulo habang nagaganap ang madugong Luneta hostage na ikinamatay ng walong turistang Hong Kong national. Live coverage na sa CNN, BBC, Al Jazeera at lahat ng local TV, wala pa rin siyang alam. Patay na lahat ang mga turista at ang hostage taker nang lumabas sa publiko at nakangisi pa!

Dito rin natin nakita na habang pinapatay ng mga ka-peace talk nilang MILF ang 44 na miyembro ng Special Action Force ay walang ginawa si Noynoy para respondehan ang ating mga kawal. Pinabayaan niyang lapain ng mga kalaban ng gobyerno ang SAF44.

Ang totoo, kinagalitan pa niya ang SAF sa nangyari.

Sino naman ang makakalimot na sampung libong kababayan natin sa Tacloban ang pinatay ng bagyong Yolanda pero nakatunganga pa rin si Noynoy at ang kanyang mga opisyal?

Sobrang dami ng kapabayaan ni Noynoy sa lahat ng aspeto ng governance kaya nga umabot sa puntong lima singko na ang krimen. Talamak ang riding in tandem, talamak ang carjacking, kaliwa’t kanan ang ambush, pangkaraniwan na ang akyat-bahay. Ang cellphone snatching ay libangan na lang ng mga bata!

Sa sobrang taas nga ng krimen, kailangan nilang dukturin ang crime statistics para magmukhang konti lang.

Huwag nating kalilimutan ang pagbaha ng illegal drugs sa panahon ng yellow administration na lalo nating nakita nang maglunsad ng totohanang kampanya laban sa droga ang Duterte administration.

Ngayong may problema ang bansa sa inflation at mataas na palitan ng dolyar; nakakita na naman sila ng pagkakataon. Naglabasan na naman ang kanilang mga pangil na handang sumagpang sa anumang oras.

Sa pagpasok ni Pangulong Duterte, nasugpo ang malaking sindikato ng droga, nakontrol ang katiwalian sa gobyerno, naging masinop ang paggamit sa pondo, kayod-kabayo sa trabaho ang Chief Executive na tulog lang ang pahinga, nasimulan ang mga major infrastructure projects at may takot ang empleyado ng gobyerno.

Sige nga, imagine life kung makakabalik ang dilaw sa poder. Gugustuhin ba natin ang isang miserableng gobyerno na walang ginawa kung hindi kapabayaan at takipan ng mga katiwalian?

Simple lang ang sukatan, kung gusto sana ng mga Pilipino ang pagpapatuloy ng tuwid na daan at dilaw na pamahalaan, hindi sana nanalo sa eleksiyon si Mayor Rody Duterte.

Manahimik na kayong mga dilaw, nabigyan na kayo ng tiyansa pero nagpabaya kayo!
allanpunglo@gmail.com

 

Tagged Under