Limang bayani ng PDEA

LIMANG ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang in-ambush at namatay nitong Oktubre 5, 2018 sa Kapai, Lanao Del Sur.

Ang mga napatay ay sina PDEA agents, Kenneth Tabulo, Kristine May Torlao, Joy Amar, Binzo Dipolla and Diobel Pacinio. Sila’y namatay on the spot, dahil sa maraming tama ng matataas na kalibre ng baril.

Malubhang nasugatan naman ang isa pang PDEA agent na si Rachel Gentapanan at non-uniformed employee ng local police na si Normina Dicay.

Ayon kay Chief Superintendent Graciano Mijares ng Police Regional Office-12 Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM), ang mga napatay na PDEA agents ay galing sa pakikipag-usap sa mga dating drug addict sa bayan ng Tagoloan nang sila’y ambushin sa kahabaan ng highway sa Barangay Malna, Kapai.

Ang Tagoloan at Kapai ay mga liblib na bayan sa Lanao del Sur, kung saan ni-neutralized ng PRO-12 at PDEA-ARMM ang mahigit isang dosenang sindikato ng droga rito.

Kaugnay nito, sinabi ni PDEA Director-General Aaron Aquino na ang krimen ay isang kahayupan at gagamitin nila ang lahat ng kanilang resources upang mahuli at maipakulong ang mga kriminal at lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang kampanya laban sa droga.

Kinondena ni Lanao del Sur Vice Gov. Mamintal Adiong Jr. ang ambush at sinabihan n’ya ang mga mayor ng Kapai and Tagoloan na kilalanin ang mga salarin at makipagtulungan sa PRO-12 nang sila’y madakip at managot sa kanilang karumal-dumal na krimen.

Sinabi ni Adiong na magbibigay sila ng pabuya sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga salarin.

Sana’y sa lalong madaling panahon ay madakip ang mga salarin nang mabigyan ng katarunagan ang mga biktima at kanilang pamilya.

* * *

Nakalulungkot ang pangyayari sapagka’t ito’y patunay ng malubhang problema ng bansa sa droga. Pruweba rin ito ng ang mga sindikato ng droga ay may kakayahang gumanti nang matindi sa ating mga alagad ng batas.

Tiyak alam ng mga salarin kung sino ang kanilang mga inambush, sapagka’t hindi sila mang-a-ambush nang hindi nila kilala ang kanilang target.

Bago ito, maraming drug rings ang binuwag ng PDEA at PRO-ARMM Region 12 sa nasabing 2 bayan, kung saan talamak ang kalakaran ng droga, dahilan para mawalan ng milyung-milyong kita ang mga drug lord rito.

Sa ibang bansa, partikular sa Mexico ang mga drug cartel at drug lord ay armado ng mga mabibigat na kalibre ng baril, kung anong malakas na kalibre ng baril mayroon ang mga sundalo at pulis ng Mexico ay mayroon rin sila.

Sa katunayan, mayroon silang mga machine gun at narco-tanks na ang kakayahan ay tulad ng Armed Personnel Carriers (APC) ng ating sandatahang lakas at kapulisan. Dahil rito ang pinangtatapat ng pamahalaan ng Mexico laban sa mga drug cartel ay ang kanila mismong mga sundalo.

Sana’y hindi umabot ang ating bansa sa ganitong sitwasyon na ang mga drug lord ay makalikha ng mga armadong pwersa na magbabanta at papatay sa mga ahente ng PDEA at kapulisan na tumutugis sa kanila.

Ang pagkamatay ng 5 ahente ng PDEA ay isang kabayanihan.

Mawawalang saysay ang kanilang kabayanihan, kung ang mga mamamayan sa nasabing 2 bayan sa Lanao del Sur ay hindi ibunbunyag kung sino ang mga gumawa at nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

Bilang mga mamamayan ng Lanao Del Sur na nabiyayaan ng seryosong kampanya ng pamahalan laban sa droga sa kanilang lalawigan, tungkulin nilang ipaalam sa pamahalaan kung sino ang mga salarin sa krimeng ito. Magagawa nila ito sa paraang sila at ang kanilang pamilya’y hindi mapapahamak.

At para sa ating mga kababayan sa buong bansa, kung saan maraming krimen ang ginagawa o nagawa ng mga sindikato ng droga, tungkulin nating ipaabot ito sa mga kinauukulan.

Kung hindi ay maitutulad tayo sa mga pumatay sa 5 bayani ng PDEA, sapagka’t kinokunsite natin ang paglago ng droga sa ating barangay at bayan.