Lily Ong vs William Belo

LUMALALIM pa nang husto ang ginagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa ginawa nilang pag-aresto kay Lily Ong, manager ng crocodile farm sa Teresa, Rizal.

Bukod kay Ong, inaresto rin ang  mga tauhan na sina Brandy Solinap, Victor dela Cruz, Bi-Eian Ke, Diosdado Bohol at Ke Quiao Li. Sila ay nahulihan ng matataas na kalibre ng baril.

Ayon kay NBI Deputy Director Vicente de Guzman, inaalam pa nila kung may kaugnayan sa ‘Red October’ ang grupo ni Ong.  Ang Red October ay isang ugnayan ng oposisyon at mga rebeldeng komunista upang pabagsakin ang Duterte administration, ayon na rin sa impormasyon ng militar.

Sinabi ni Atty. Jun Dongallo, hepe ng NBI-Special Action Unit, ang pag-aresto sa grupo ni Ong ay base sa sumbong na idinulog sa kanila ng isang negosyante na plano umanong ipapatay ng babaing Chinese.

“Yung mismong hitman ni Ong ang nagbigay sa amin ng statement na may ipinapapatay ito. Nagkataon namang kaibigan ng hitman ang isang kaanak ng businessman,” sabi ni Dongallo.

Ayaw ibigay ni Dongallo ang pangalan ng ‘complainant’ para sa seguridad nito.

Pero isang mapagkakatiwalaang source ang nagsabi na ang ‘complainant’ ay si Edwin Belo, may-ari ng Wilcon Depot at siya ring tunay na may-ari ng 100 hectares na crocodile farm na minamantini ni Ong.

Si Ong, ayon sa impormante, ay pinsan ni Belo at ito mismo ang kumuha sa suspect para i-manage ang kanyang farm.

Matagumpay na negosyante si Belo dahil bukod sa iba’t ibang Wilcon Depot na nakikita natin sa iba’t ibang panig ng bansa, ang ‘crocodile farm’ nito ang nagsu-supply ng balat ng buwaya sa Louis Vuitton at Hermes na mga mamahaling designer bags at sapatos sa buong mundo.

Sinabi ni Dongallo na isinailalim na sa ballistic examination ang matataas na armas na nakumpiska kina Ong at tuloy din ang ginagawa nilang pagsisiyasat hinggil sa koneksiyon nito sa mga rebeldeng komunista.

Inaalam na rin nila kung sino ang nagsu-supply ng matataas na kalibre ng baril kay Ong, kabilang na ang ilang granada at pampasabog.

Ang catch dito, sinabi sa atin ng opisyal na nagpapatuloy din ang kanilang imbestigasyon kung may iba na bang ‘napatay’ si Ong at hindi malayong magkaroon din ng ‘killing fields’ sa farm ni Belo na nasa Bgy. Dalig, Teresa, Rizal.

Ang tanong ngayon, ano kaya ang tunay na dahilan ng pinag-awayan nina Belo at Ong.

Bakit pinaplanohan pang ipapatay ni Ong si Belo? Sa anong dahilan?

Kapani-paniwala rin kaya na hindi alam ni Belo ang matataas na baril na nasa loob ng kanyang farm?

Malalim ang kuwentong ito na dapat nating subaybayan sa mga susunod pang araw.