Landslide sa buong Pilipinas

September 22, 2018

Apatnapu’t anim  na tao ang namatay at 60 ang hindi pa nakikita sa landslide sa Barangay Ucap, Itogon, Benguet nang ang Cordillera Automous Region (CAR) at Cagayan ay bayuhin ng bagyong Ompong nitong Setyembre 17.

Ang mga natabunan ng lupa ay mga minero na sumilong sa isang miner’s bunker sa kasagsagan ng bagyo, subali’t gumuho ang bundok at ang sinilungang bunker ay natabunan ng lupa at mga bato.

Makalipas ang apat na araw, nitong Setyembre 21, gumuho rin ang isang bundok sa Naga City, Cebu, kung saan 29 ang namatay at 74 ang hindi pa nakikita, bunga ng  habagat sa Visayas.

Ang mga landslide o pagguho ng lupa ay maraming beses ng nangyari sa ating bansa bunga ng mga bagyo at matagal na pag-ulan.

Noong Nobyembre 5, 1991, mahigit 5,000 tao ang namatay matapos matabunan ng lupa, putik at bato sa Ormoc, Leyte, bunga ng matagal na pag-ulan dala ng bagyong si Uring.

Noong August 3, 1999, 59 ang namatay sa landslide nang gumuho ang Cherry Hills Subdivision, Antipolo, bunga ng bagyong si Olga. Ang Cherry Hills Subdivision ay katabi lamang ng Metro Manila.

Noong Nobyembre 29, 2004, 1,400 ang namatay sa landslide sa Infanta, Real at General Nakar, Quezon, bunga ng ilang araw na pag-ulan.

Noong February 17, 2006, matapos ang sampung araw na pag-ulan, 1,126 ang namatay sa St. Bernard, Guinsaugon, Southern Leyte, nang gumuho ang isang bundok rito at tabunan ang mga bahay sa ibaba nito.

Noong Enero 14, 2014, labing-apat ang namatay as landslide at labing-tatlo ang hindi na nakita sa Barangay Tubaon, Davao Oriental, matapos anag ilang araw na pag-ulan.

Iba pa sa mga nabanggit sa itaas ang mahigit 400 namatay sa Cagayan De Oro bunga ng bagyong Sendong.

Batay sa lokasyon ng mga nasabing landslide, ito’y nangyari sa buong Pilipinas: sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon sa mga ulat, ang dahilan sa mga nabanggit na landslide ay illegal mining at logging, kung saan ang kabundukan ay sinisira at kinakalbo, dahilan upang ito’y humina at bumigay sa patuloy na pag-ulan.

Samakatuwid, ang kapabayaan at paglapastangan sa kalikasan ay matagal nang nangyayari at patuloy na ginagawa sa buong Pilipinas at hindi tinutugonan ng pamahalaan.

Matapos ang malagim na Ormoc Tragedy, dapat ay may mga ginawa o nagawa na ang pamahalaan upang ang ganitong trahedya ay hindi na maulit.

Nakalulungkot sapagka’t, batay sa mga sumunod na pangyayari, malinaw na ang mga sumunod na trahedya ay nangyari sa kapabayan ng pamahalaan.

Mangyayari kaya ang trahedya sa Naga City, Cebu, nitong Setyembre 21 lamang, kung saan 29 ang namatay at 74 ang hindi pa nakikita, kung ang gumuhong kabundukan rito ay tinaniman na ng mga puno noong pang 1995, nang mangyari ang Ormoc tragedy o 17 taon na ang nakararaan?

Hindi pa huli ang lahat at sana ay kumilos na ang ating pamahalaan, mga local na opisyal at kung babagal-bagal sila, ay ang ating mga mamamayan.

Isang desidido, seryoso at pursigidong tree-planting program lamang sa ating mga kalbong kabundukan ang magliligtas sa ating mga kababayan sa mga landslides na maaari pang mangyari pa, kung hindi tayo kikilos.

Sabi nga ng mga aktibista, “Kung hindi ngayon, kailan pa?”