Kuwento ng pag-unlad ng isang taga-GenSan

November 06, 2018

NAKAKAALIW at nakakagaan sa damdamin kapag muli mong nakita ang isang taong matagal mo ring nakasama bago nagpasiyang lumisan at muling nagbalik makaraan ang maraming taon.

Si Ateng Rosa kasi, kung tawagin naming magkakapatid ay dalagang anak ng dati naming kasambahay at katuwang ng kanyang ina sa lahat ng mga gawain kaya’t para na rin naming siyang kapatid lalo na’t halos ka-edad siya ng aming ate.

Dahil wala silang kaanak sa lungsod, sa amin sila namalagi ng matagal na panahon hanggang magpasiyang umuwi sa kanilang lalawigan sa Dadiangas na ngayon ay General Santos City.

Nalungkot kaming magkakapatid nang umalis na ang mag-ina at bilang pampalubag loob ay nangako silang babalik na hindi naman natupad dahil na rin sa pagyao ng ina ni Ateng Rosa.

Nagulat na lamang ako at natuwa nang sumulpot noong nakaraang linggo si Ateng Rosa dahil bukod sa halos hindi nagbago ang kanyang anyo, may sapat na rin pala siyang kabuhayan.

Kuwento niya, nagbago ang buhay niya nang sumapi siya sa isang Christian Community Ministry sa General Santos City na hindi lamang nakatuon sa pagtuturo ng kahalagahan ng relihiyon kundi layunin ding tumulong sa mga mahihirap at nangangailangan. Binuo aniya ang naturang ministeryo sa pamamagitan ng pananampalataya sa sangkatauhan at pagkakapatiran.

Tulad ng ibang relihiyon, kumakalap ng donasyon ang Community Ministry subalit ang kaibahan lamang, ibinabalik sa mga miyembro nito ang dapat nilang maging kabahagi sa ibinigay na donasyon.

Ayon kay Ateng, isa siya sa mga mahihirap na gumanda ang buhay sa GenSan, na kilala bilang Queen City of the South dahil sa dami ng nahuhuling isdang tuna pero marami pang biyaya ang dumarating sa mga tao rito sa iba’t-ibang uri ng pamamaraan.

Aniya, inilalagak ng Community Ministry sa mga lehitimong negosyo ang donasyon tulad ng tuna fishing, industriya ng pagmimina, shipping lines, gasoline stations at iba pang mga negosyo, hindi lamang sa GenSan kundi sa buong bansa.

Ibinatay aniya ng Community Ministry ang pangangalap ng donasyon sa nakasaad sa Hebreo 13:11 na nagsasabing “Datapuwa’t ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka’t sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.

Kapalit nito’y ibinabahagi naman sa mga miyembro ang sapat na kita sa inilagak na donasyon na naging malaking tulong sa lahat ng kanilang mga miyembro.

Kuwento pa niya, noon lamang nakaraang taon, pinangunahan ng Community Ministry ang programang “Balik-Pamahalaan” ng mga rebelde kung saan may 3,000 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Davao at Saranggani ang nagbalik-loob, hindi lang sa pamahalaan kundi sa Dios bilang mga miyembro ng Christian Catholic Ministry.

Kung umunlad man aniya ang buhay ng maraming miyembro, kasabay din nito ang pag-unlad ng kanilang lungsod dahil wasto ang buwis na natatanggap mula sa mga lehitimo at legal na negosyong pinaglagakan ng donasyon.

Sabi pa niya, mahalagang malaman ng buong sambayanan ang malaking tulong na naibabahagi ng Christian Community Ministry, hindi lamang sa libu-libong mga miyembro kundi sa pamahalaan at komunidad na kanilang ginagalawan.
Si Chairman Gaton.

Hindi nabigo si Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan nang suportahan niya ang kandidatura ni Barangay 8 Chairman Honesto Gaton dahil sa maikling panahon pa lang ng paglilingkod ng kabesa ay malaki na ang ipinagbago ng lugar, lalo na sa kaayusan at katahimikan.

Sinuportahan kasi ni Chairman Gaton ang kampanya ng alkalde at kapulisan sa paglaban sa illegal na droga patunay ang pagkakadakip sa mga dating drug pusher na namamayagpag sa lugar sa sunud-sunod na buy-bust operation.

Si Gaton ang nagbigay ng talaan ng mga hinihinalang kilabot na drug pushers sa kanilang barangay kabilang sina alyas “Toto Negro”, “Jr, Ibo” “Lando Lakay” “Leo Agapito” Maximo Mahor, Marcelino Mangaran, John Garcia na pawang nakapiit na matapos madakip sa buy-bust operation ng pulisya.

Kuwento ng isang residente sa lugar, wala na raw sanang balak pang sumabak pa sa pulitika ang kanilang kabesa subalit ang matindi niyang hangarin na mapatino ang lugar, pati na ang udyok ng nakararaming mamamayan, ang nagpabago sa kanyang desisyon.

Maging ang halos gabi-gabing riot ng mga kabataan sa kanilang barangay ay natigil matapos magtalaga ng maraming barangay tanod na walang tigil sa pagronda, pati na ang mahigpit na pagpapatupad sa umiiral na curfew sa mga kabataan.

Ayon kay Chairman Gaton, hindi lang sa paglaban sa illegal na droga dapat matapos ang kampanya sa kanilang barangay kundi sa pagkakaloob din ng livelihood projects upang tuluyang makaiwas sa iba pang bisyo ang mga tao sa kanilang lugar. Kumpiyansa siyang maisasakatuparan ito lalo na’t nasa likod niya ang tulong ng lokal na pamahalaan.

Sa mga puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644