Korapsyon at iligal na droga

October 01, 2018

BAGO ang lahat, isa munang ‘mea culpa.’

Sa ating artikulo noong Sabado (‘Ka Bart back in AFP’s crosshairs), ang tamang pangalan nitong ating kaibigan at 202nd Brigade commander, ay... ‘BGen. Arnulfo BURGOS’ at hindi ‘Buros’ katulad ng napalathala.

‘Slip of the mind, err, slip of the pen,’ Gen. Boyet, kaya, paumanhin po ulit, hane?

Kaugnay pa rin ng nasabing balita, “walang bago” sa sinasabi ni PDU30 na “alyansa” ng kanyang mga kalaban at kritiko, kasama na ang CPP-NPA, na tinawag naman ni AFP chief, Gen. Carlito Galvez na, ‘Red October Plot.’

Kung matatandaan, dear readers, noong termino ni PGMA, sa pagitan (‘in between’) ng dalawang “palpak” na ‘5-Star Hotel Coup’ ng ‘Grupong Magdalo’ (Oakwood, 2003; Manila Peninsula, 2007), isang “mas malufet” na plano ang binigo ng militar noong 2006 -- ang nabuong ‘tactical alliance’ ng mga rebeldeng sundalo (Magdalo) at rebeldeng ‘New People’s Army’ (NPA), kung saan ang “emisaryo” at “negosyador” ng Magdalo ay itong si 1Lt. Lawrence San Juan.

Sa panig ng CPP-NPA, sinasabing ang ‘representative’ naman ay itong ating “Bosing,” si Tirso ‘Ka Bart’ Alcantara, at Edilberto Silva at Prudencio Calubid, na mga miyembro ng ‘central committee’ ng CPP-NPA.

Ayon pa sa militar, tinawag na ‘Oplan ‘Hackle’ ang “pinagsanib” na plano ng Magdalo at NPA kung saan isa sa mga ‘component’ nito ay “paglusob” ng kanilang mga puwersa sa SONA ni PGMA noong 2006 sa mismong Kongreso ng ’Pinas, where else, hehehe!

Nahuli naman ang grupo ni San Juan noong Pebrero 2006, matapos ang kanyang personal na pakikipag-usap sa grupo ni Ka Bart sa isang bahay sa Padre Burgos, Batangas (sinasabing ‘naka-motorsiklo’ si Ka Bart kaya mabilis na nakatakas).

Pagkaraan ng ilang buwan, “nahulasan,” agh, “nahimasmasan” si San Juan at “ikinumpisal” ang lahat ng kanyang naging “kasalanan.”

Samantala, “nadakma” si Ka Bart sa Lucena City, 5 taon matapos mahuli si San Juan, noong Enero 2011.

Ang ‘moral of the story?’

Yes, Juan and Juana dela Cruz. May “kongkretong batayan” ang sinasabi ni Gen. Gálvez at PDU30 na “nakahanda” ang mga kalaban ng gobyerno na makipag-alyansa kahit sa mga armadong komunista, “matanggal” lang ang ating mahal na Pangulo. Nangyari na kasi ito, hane?

* * *

Isang araw bago ang naging pagdinig ng Senate blue ribbon committee noong Miyerkules, isang ‘condominium’ sa Pasay City ang sinalakay ng PDEA kung saan higit P500 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska at ilang ‘Chinese nationals’ ang nahuli.

Ayon pa kay PDEA director general, Aaron Aquino, isang ‘mini-laboratory’ ang kanilang nabuwag kung saan dalawa sa mga nadakip na “Intsik” ay mga ‘chemist’ ng nasabing laboratoryo.

Sa naging “huntahan” naming dalawa, hindi na umano dapat magtaka kung bakit patuloy sa pagpipilit ang mga sindikato ng iligal na droga na makapagtayo ng ‘clandestine shabu laboratory’ sa ating bansa.

Batay na rin umano sa naging sagot sa kanya ng mga nahuhuli nilang kasapi ng sindikato (na pulos Intsik), “dalawa” lang ang simpleng sagot, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Dick Gordon at CBCP president, Davao Archbishop Romulo Valles :

Una, wala kasing ‘death penalty’ sa ‘Pinas. Ikalawa, masyadong korap (translation: ‘Mukhang Pera) ang mga Pilipino, aguy, aguy, aguy!

Mula sa “bunganga” -- mismo -- ng mga Chinese drug syndicate members, kailangan pa bang “pahirapan” natin ang ating mga sarili kung “ano” ang “epektibong solusyon” sa salot ng iligal na droga, mahal na Pang. Duterte?

At totoo naman, hindi ba, mga kabayan? Masyado nang “pinahina” ng korapsyon ang ating “karakter” bilang mga Pilipino kaya “nadamay” ang ating mga institusyon at mga ahensiya ng gobyerno na inaasahan pa naman nating nasa ‘frontline’ ng kampanya laban sa iligal na droga.

Sinasabing ‘destiny’ (iginuhit ng tadhana) ang maging presidente ng ‘Pinas (maliban kay Noynoy na isang malaking anomalya, salamat sa “PCOS” -- Pres. Cory’s Only Son), kaya “itinadhana” ng “Langit” na manalong pangulo si PDU30 -- at “mamulat” na tayong lahat na isang “malaki” at “seryoso at nagpapatuloy na banta” sa ating lipunan at sa ating bansa ang iligal na droga.

Partikular sa administrasyon ni Noynoy, nakita natin na naging “malalim” na ang impluwensiya ng sindikato ng iligal na droga sa halos lahat ng aspeto ng ating pamumuhay at sa operasyon ng ating mga institusyon, dahil nga ‘instant money’ ang kapalit nito.

Mantakin ninyo ‘yan, dear readers, ‘secretary of justice’ (de Lima), tumatanggap ng pera sa mga drug lords (Kerwin Espinosa, Jaybee Sebastian, etc., etc).

At bago pa man ang termino ni Noynoy, alam ng mga operatiba ng PDEA at PNP na “tuloy” ang operasyon ng mga nakakulong na drug lords sa loob ng Muntinlupa, bagay na alam nating hindi pa rin natutuldukan hanggang ngayon.

Dahil walang death penalty, sapul nang makulong sila, tuloy lang ang kanilang mga ‘illegal drug transactions’ dahil nga mga “korap” (mukhang pera) ang mga opisyal at mga ‘jail guards’ d’yan sa National Bilibid Prison.

Ganito rin ang sitwasyon sa labas ng ‘Bilibid,’ hindi ba mga kabayan? Sa hanay ng mga pulis, “ibinabangketa” ang mga nahuhuling ‘street-level pushers’ bukod pa rito ang pananatili sa kanilang hanay ng mga ‘Ninja Cops.’

At ilan na bang mga drug cases ang “nabasura” dahil “bayad” na rin ang mga piskal at kahit mga korte, aber?

Sa ginaganap na pagdinig ni Sen. Dick Gordon sa isyu ng drug smuggling, naipakita rin niya na dahil sa “pera” -- sandamakmak na pera -- ‘no questions ask’ na ang mga Pinoy sa mga kausap nilang Intsik, katulad nitong may-ari ng isang warehouse sa GMA, Cavite.

Matapos “maabutan” ng P900,000 ‘cash’ nitong sina ‘Roy Wang’ at Hsu Chung Chun (ang ‘front’ nitong ‘Red Gate Machinery,’ na isa ring ‘front company’ na itinayo para lang sa drug smuggling), pumayag na itong si Vicenta at Robert Cantemprate na “ma-rentahan” ang kanilang warehouse noong nakaraang Mayo, ‘no questions ask.’

Ayon pa nga kay Sen. Dick, parang “nagtatapon” lang ng kuwarta ang mga nasabing Intsik sa kanilang mga kausap na Pinoy. At bakit hindi eh, ang “kapalit” nito, bilyones na halaga ng shabu, tsk, tsk, tsk!

Ang ating panawagan? “Madaliin” na ang pagbabalik ng ‘death penalty’ partikular na sa usapin ng iligal na droga.

At unahin sa “pila” ng ‘firing squad’ ang lahat ng sangkot dito!

Kung meron nang death penalty sa iligal na droga, hindi na rin mauuwi sa ‘extra-judicial killing’ ang “pag-ubos” sa hanay ng mga salot na ito, ayos!